Untitled Part 58

1.2K 59 0
                                    


BINASAG ng malakas na ingay ang kalaliman ng gabi. Hindi pa man niya lubusang nararamdaman na gising na siya, itinudla na si Teresa palabas ng silid. Kasalubong niyang umiiyak at takot rin ang kanyang bunso.

"Mamaaa--" iyak ni Courtney, yumakap sa mga hita ni Teresa.

Binuhat niya ang anak, "Shhhh--"

Lumabas na rin ng kwarto si Carly, mas nakakatanda kay Coutrney. Iimik na sana ito pero nakarinig na naman sila ng mga kalabog ng mga bagay na nababasag, ibinabato, hinahampas.

"Kay Ate ka muna, 'nak, ha." Ipinasa ni Teresa kay Carly ang bunso, "Sa kwarto lang kayo, 'wag kayong lalabas."

Mangiyak-ngiyak na si Carly, "Ano bang nangyayari kay papa, 'ma? Ba't ayaw n'yang tumigil?"

Hindi alam ni Teresa ang sagot, "Bantayan mo muna ang kapatid mo. Lakad na, ako na ang bahala kay papa." Tiniyak niyang sarado ang silid ng dalawang bata, ""wag kayong lalabas."

Takot rin siya. Kung pupuwede nga lang, huwag na niyang harapin ang asawa. Kung pupuwede nga lang, sana ay bingi na lang siya sa mga pagwawala ni Boy. Kung pupuwede nga lang umalis na silang mag-iina, pabayaan na niya ang asawa.

Pero hindi niya magagawa.

Naiintindihan niya si Boy.

Hindi porke at hindi siya nagwawala, hindi siya naglalasing ay hindi niya nararamdaman ang sakit araw-araw. Sakit na hindi niya tinatangkang burahin ng alak, sakit na tinitiis niya bawat segundo, sakit na hindi maglalaho sa kanyang puso.

Nasa gilid ng bahay si Boy, hinahataw ng tubo ang lumang jeep pero dahil sa kalasingan, kung saan-saan na tumatama ang tubo, kung ano-ano ang tinatamaan.

"Boy, tama na. Nabubulahaw ang mga kapitbahay." Hindi lubusang makalapit si Teresa sa asawa. "Boy--"

"Hindi ko matanggap....hindi ko matatanggap ang ginawa n'yo sa anak ko!"

"Anak ko rin si Corey, Boy. Ginawa ko lang ang ... tama. Gusto kong magkaroon ng kabuluhan ang pagkawala n'ya."

"Walang kabuluhan ang pagkamatay ng anak ko! Hayop kayo!" Hinataw nito ang lumang jeep, nawalan ng panimbang, napasubsob sa upuan. Hindi na bumangon mula doon si Boy, doon na humagulhol, "Corey, anak..mahal na mahal ka ng tatay, ikaw ang panganay ko..ikaw ang only boy...hindi ko mapapatawad ang pumatay sa 'yo. Isinusumpa ko ang babaing 'yon! Isinusumpa ko s'ya! Dapat s'yang mamatay! Bakit hindi pa s'ya namatay!" Tumingin ito kay Teresa, "Narinig mo ba? Umuwi na! Magaling na! Pero ang anak ko...hindi na makakauwi..."

Nanginginig, nilapitan na ni Teresa ang kabiyak, hinagod ito sa likod, "Tama na, Boy. Patahimikin na natin si Corey."

"Hindi s'ya tatahimik hanggang hindi nananagot ang babaing 'yon!" Marahas ito pumihit at tumuwid, napasadlak sa kalapit na patas ng mga lumang gulong si Teresa.

"Boy, tama na. Nakikiusap ako--"

"Kung kaya mong tanggapin , pwes ako, hindi! Wala kang kwenta! Wala kang kwentang ina!"

Napaluha na si Teresa doon, "Hindi lang ako ina ni Corey, Boy. Ina rin ako ni Carly. Ina rin ako ni Courtney. Kailangan nila ako. Kailangan ka rin nila, Boy. Hindi lang si Corey ang anak natin. Huwag mo namang iparamdam kina Carly araw-araw na si Corey lang ang mahalaga sa 'yo. Alam kong mahal mo rin sila, pero kailangan nilang maramdaman , Boy. Parang awa mo na, pagod na 'ko...hindi ko sinasabing kalimutan natin si Corey. Hindi mangyayari 'yon. Nararamdaman ko sa puso ko---kulang na ang buhay ko, hindi mapupunuan ng kahit ano o kahit sino ang lugar ni Corey, pero Boy..."

"Ginago mo 'ko! Ginago n'yo ako! Hindi n'yo 'ko 'tinanong!"

"Importante ang bawat sandali noon, Boy. Intindihin mo naman sana 'yun!"

"Ako ang inintindi n'yo dapat! Anak ko si Corey, ako ang magpapasya!"

"Anak ko rin s'ya! May karapatan akong magpasya!"

"Yun nga, eh! Tayong dalawa ang may karapatan! Sinolo mo, eh!"

Napailing si Teresa. Mayamaya ay tinalikuran ang asawa.

"Sige, lumayas ka! Lumayas ka na, wala kang kwenta!"

Bumalik sa loob ng bahay si Teresa, ikinandado niya ang mga pinto saka dinampot ang telepono.

"Hello, Raffy--" aniya sa bayaw. "Raffy, pasensya ka na...si Boy..hindi ko na alam ang gagawin, natatakot kami. Pinagdidiskitahan na naman n'ya ang jeep--" parang normal na sa buhay nila ang pagwawala ni Boy simula nang mawala si Corey. Natanggal na si Boy sa trabaho dahil doon. Pinagkakasya na lang ni Teresa ang sweldo niya bilang teacher sa pangangailangan nila. "Pagod na 'ko, Raffy. Pakiramdam ko, bibigay na ako--"

"Sige, susunduin ko kayong mag-iina. Dito muna kayo sa bahay. Tatawagan ko rin si Sally. Kailangan na nating magdesisyon kay Kuya Boy,'te Tess. Kailangan mong maging matibay, tigasan mo ang puso mo."

Time After TimeWhere stories live. Discover now