Untitled Part 61

1.2K 61 5
                                    


NAGHAHAPUNAN sila isang gabi at maasim na ang mukha ni Inay Doris kay Tiff. Nasa high chair na katabi ni Olivia ang kapatid at pinaglalaruan ang pagkain na basta na lang daw iniwan ni Ate Ellen sa harap ng anak. Hindi daw muna subuan ng maayos, kung anu-ano ang inuuna.

"Para po s'ya matuto kumain mag-isa." Hirit ni Olivia sa maktol ng kanyang lola. Sa limang attempt ni Tiff na isubo ang kutsarang plastic, isa lang ang napupunta sa bibig. Dinadakot na nito ang kanin na sinabawan ng tinola at pinisaan ng papaya.

"Punasan mo muna ang mukha ni Tiff, Olivia. Baka masinghot ang kanin." Anang daddy niya. "Nasaan ba si Ellen? Ellen!"

"And'yan na!" dumagundong sa sahig at hindi nagtagal ay sa hagdan ang mga paa ni Ellen.

May dala-dala itong basin pagsulpot sa komedor. Nasa basin ang mga gamot ni Olivia.

"Ano'ng gagawin mo d'yan?" Tanong ng kanyang daddy.

"Itatapon." Balewalang sagot ni Ellen. "Hindi na kailangan ni Olivia ng mga gamot. Nasisira lang ang katawan ng anak mo dito, pati utak apektado."

"Kailangan 'yan ni Olivia, Ellen. Marunong ka pa sa duktor?" Tumayo na ang kanyang daddy.

"Hindi ako nakapag-aral ng mataas at lalong hindi ako duktor, pero Greg, alam ko ang mabuti kay Olivia. Maniwala ka, pinag-aralan ko ito. Inobserbahan ko si Olivia. Hindi normal ang kilos n'ya pag umiinom ng mga 'to. Tapos, nahihilo, nasusuka, antukin..kain nang kain na kinukunsinti namang nung kaibigang putik...paano hindi mamamanas 'yan?
"At nung testengin ko s'yang hindi painumin, hindi s'ya binangungot. Mas normal. Kaya tama na itong mga gamot na ito."

"Aba'y mas maalam nga sa duktor." Sarcastic si Tatay Primo.

"Dahil mas kilala ko si Olivia kaysa kanila. Walang sakit ang utak ni Olivia. Natural lang na ma-depress s'ya..kayo ba naman ang ma-coma ng isang taon? Ang gaganda ng sinasabi n'yo...pagaling ka, palakas ka...magdasal ka..pero may ginagawa ba kayo para sa kanya? 'Yung totoo, ho? Ni hindi n'yo maisipang paarawan sa labas.

"Parang mas masaya kayo na nakakulong lang s'ya sa kwarto. Kuntento na kayong painumin s'ya nang painumin ng gamot para matulog na lang nang matulog. Mas gusto n'yo, nandito lang s'ya sa bahay para hindi na makita ng mga tao. Nahihiya kayo."

"Ellen!"

"Sorry, Greg, pero magtiwala ka, utang na loob. Ang mga nakapaligid kay Olivia dito, parang hindi naman gustong maka-recover s'ya. Pati na 'yung Marife na 'yun. Punta nang punta dito, hindi mo ba alam, 'yung mga bawal kay Olivia ang dinadala?"

"Mabait na bata si Marife." Sabi ni Tatay Primo. "Magalang."

Hindi ito pinansin ni Ate Ellen, "Greg, alam ni Marife na bawal kay Olivia ang matatamis, 'yun pa mismo ang dinadala. Ano'ng klaseng kaibigan 'yon? Hindi 'yun kaibigan ng anak mo."

"I..didn't know that."

"Pinagbawalan ko na s'yang pumunta dito. Tumawag kanina. Pinagsabihan ko na." Itinapon na ni Ellen sa basurahang nasa likod ng backdoor ang mga gamot. "At Greg, asikasuhin mo na 'yung diploma ni Olivia. Punta ka sa school, 'yung final exams lang naman ang kulang ni Olivia, baka pwedeng pakiusapan na pakuhanin na lang ng exam si Olivia o kung ano mang project para i-consider na rin s'yang highschool graduate.

"Suhulan mo na kung kailangan. Okaya, gamitin mo na alindog mo, kaysa ulitin ni Olivia ang isang taon."

Time After TimeWhere stories live. Discover now