Untitled Part 1

9.8K 189 19
                                    


Freeze frame!

Hindi makagalaw si Olivia dahil hindi niya alam kung saan susuling. Nasa gitna siya ng gym na hindi naman talaga gym kung siya ang tatanungin. Likod iyon ng dalawang palapag na admin building at library. Sa kanan niya, dalawang set ng wooden bleachers, nakaharap sa stage na nasa kaliwa niya. Nakaharap siya sa dalawa ring palapag na school building. She was headed for the stairs before she froze in place.

Nasa hagdan si Chaka Khan, ang terror na P.E. at Scouting teacher. Miss Emerlinda Rabe ang totoong pangalan. Payat, maitim at sabog-sabog ang hanggang balikat at kulot na buhok. Kaya Chaka Khan.

To Olivia's right, nagsisimula nang magdatingan at magsi-upo sa bleachers ang mga estudyanteng magkaklase doon ng Scouting. Pawang mga babae lamang dahil lalaking teacher ang may hawak sa Scouting ng boys. Kanya-kanya nang latag ng sit-up ons ang mga estudyante. Cardboards, plastics, placemats, anything na puwedeng ipangsapin sa upuan dahil maalikabok ang bleachers. Requirement sa klase ni Chaka Khan ang pagdadala ng sit-upons.

Ang malas naman. Kasalubong pa niya ang pinaka-iiwasang teacher sa buong Saint Filomena Academy. Pinaka-iiwasan dahil matang-lawin ang guro. Kung may mali sa uniporme mo o sa itsura mo mismo, kita agad ni Chaka Khan at sisitahin ka na may kasamang duro-duro. At kung talagang nainis ito sa itsura mo, makakatikim ka pa ng kurot.

Para kalugdan ni Chaka Khan, dapat well-groomed ang estudyante. Hindi gusot ang uniform, hindi tabinge ang kurbata, may ID. Dapat rin sinusunod ang mga patakaran ng school: Bawal mag-lipstick, eyeliner, nail polish, dangling earrings, makulay na buhok. Dapat may sando o kamison sa ilalim ng blusa. Dapat rin ay magalang at mahinhin. Huwag na huwag maririnig ni Chaka na humahagalpak sila ng tawa o nagsisigawan.

And it was just a matter of moments, mapapansin na ni Chaka Khan ang ayaw ni Olivia na mapansin ng guro. Magkaiba ang kulay ng medyas niya. Pinkish ang kaliwa. Kitang-kita dahil loafers ang suot niya, iyong may tassel pa sa ibabaw.

Sa ibang pagkakataon, pupuwede naman siyang magpatay-malisya at umiwas na lang. Pwedeng imbes na tumuloy sa hagdan, kumaliwa na lang siya sa corridor ng ground floor.

Hindi sa pagkakataon iyon. Una, nagkatinginan na sila ni Chaka Khan. Obligado na siyang batiin ito. Too late to turn back, lalabas siyang bastos at malamang habulin siya ng guro. Sa Principal's office siya pupulutin.

Pangalawa, hindi rin siya makaliko sa corridor dahil naglalakad naman doon papunta sa hagdan si Marife. Noong Lunes pa siya hinahabol ng babae, nakikiusap...nagmamakaawa na mag-usap sila. Humihingi ng eksplanasyon kung bakit hindi sila na mag-bestfriend.

Walang paliwanag si Olivia. Hindi rin niya kayang ipaliwanag. Ang kaya lang niyang gawin ay umiwas. Avoid eye-contact, get busy, surround yourself with other people. Iyon ang ginagawa niya simula noong Lunes kaya kahit magkaklase sila ni Marife, hindi siya nito ma-corner.

Pero ngayon....

Shi-ete ficados naman talaga, pag minamalas.

Ano ang gagawin niya? Hagdan o corridor? Marife o Chaka Khan? Gusto na lang niyang kumanta ng Through the Fire.

..through the limit through the wall...

Sa tagal niyang frozen in time sa kinatatayuan, nalapitan na siya ni Chaka Khan. Nakapamulsa ito sa vest ng uniform. Walang binesa--sinabi dito ang CAT Commandant sa pagkaka-chest out , stomach in.

"G-Good morning, Ma'am." Katal ang esophagus ni Olivia. Hindi niya malaman paano itatago ang mga paa.

'wag kang yuyuko, please be good to me...

Time After TimeWhere stories live. Discover now