Untitled Part 8

1.8K 75 4
                                    


PWEDE BA, MARIFE?" PUNONG-PUNO NA SI OLIVIA SA BABAE, HINDI NA NIYA KAYANG magtimpi. Kung umasta ito, akala mo ay walang nangyari, that everything was normal. Sinabayan siyang bumili ng snacks sa recess kanina, hindi siya kumibo at umimik. Ngayong lunch, kasunod na naman niya. Umangal pa nang makitang sandwich lang ang binili niya. Doon na niya ito inangilan, sabay kuha ng egg sandwich niya.

Imbes na maghanap ng mesa, nilampasan niya ang mga iyon.

"Saan ka ba pupunta?" Habol pa rin ni Marife.

"Wala kang pake. Tigilan mo ako." Derederetso siyang naglakad. Pero nakasunod talaga si Marife, napilitan siyang huminto at harapin ito, "Wag kang sunod nang sunod, pwede? Hindi kita kailangan."

"Magkaibigan tay--"

"No! Hindi kita kaibigan. Pahamak ka, eh. Ikaw ang totoong BI." Bad Influence. "Ikaw ang nagpapahamak sa 'kin. Hindi ko alam bakit ka ganyan pero ayoko nang alamin. Just..stay away from me."

"Nakiusap sa 'kin ang daddy mo na bantayan kita."

"Oh, please--"

"Ano ba kasing kasalanan ko sa 'yo? Kasalanan ko ba na buntis si Trini? Ako ba bumuntis dun? Kasalanan ko ba na pinatunayan lang n'ya sa lahat kung ano'ng klase s'ya?"

"At ano'ng klase si Trini, ha?"

"Pakawala." Walang gatol na sagot ni Marife.

Nakuyom ni Olivia ang mga kamao, napisa ang sandwich niya. Isang hinga na lang at masasabunutan na niya si Marife. Ginawa niya ang makakaya para magtimpi.

"Sige, kung 'yan ang tingin mo sa kanya, wala akong magagawa. Pero kahit ikaw na lang ang tao sa mundo, si Trini pa rin ang pipiliin kong maging kaibigan. Naiintindihan mo? S'ya ang gusto kong kasama. S'ya ang gusto kong kausap. Sa kanya ako nag-aalala.

"Nagkamali ako sa 'yo and Trini made me realize that. I should have seen it. Look at you, wala kang ibang kaibigan. Walang may gustong sumabay sa 'yo sa recess. I should have realized it sooner. You are repulsive. I should have known better than to talk to someone no one else wants to talk to. So, get out of my face, loser!"

Malakas ang boses niya at isinigaw pa niya ang huling sinabi kaya dinig na dinig iyon ng mga nasa canteen. Hindi makagalaw si Marife, namumula ang mukha. Hindi na ito hinintay ni Olivia na makabawi. Tumakbo na siya papunta sa work shops ng boys.

Mayamaya pa ay dinig na niya ang tugtog na nagmumula sa dulo ng building. May malaking shed doon na ginagamit na patuyuan ng mga tinatakang T-shirts, kapag may pinipinturahan na gamit at kung anu-ano pa.

Kay Corey, perfect dance floor iyon.

And he was on the floor, spinning on his shoulder. Nasa gilid ang 'audience' nito, limang lalaki na mukhang dancers rin. Nakapatong sa mababang pasimano ang boom box na bumubuga ng remix ng You To Me Are Everything.

The sweetest song that I can sing, oh, baby..

Mula sa sahig, palundag na tumayo si Corey, pinagpag ang asul na T-shirt. Sa mga kagaya nito, walang magawa maski si Ma'am Chaka. Isusuot ni Corey ang gustong isuot sa ilalim ng uniform. Magtatali ito ng bandana sa noo kung gusto nito.

Pinatay ni Corey ang malaking cassette player sa pasimano, humarap kay Olivia. Nakapangalukipkip at nakabukaka. Parang naghahamon ng show down.

"Kung may nalalaman ka tungkol sa whereabouts ni Trini, please tell me." Sabi ni Olivia.

Nahanap naman nila kahapon ang bahay nina Trini. Bungalow na mukhang unfinished. Wala pang pintura. Sabi ng aleng nakausap nila sa tarangka, wala daw doon si Trini. Hindi raw umuuwi simula noong Sabado ng gabi. Ang masaklap, mukhang walang balak ang mga kasama ni Trini sa bahay na hanapin ito.

"Wala sa kanila?" Sabi ni Corey, kinalas ang halukipkip.

"Wala daw."

"Mmm, baka nasa San Lucas. May kamag-anak 'yun don."

"Saan sa San Lucas?" Kailangan nang sumakay ng bus o jeep papunta sa bayang iyon na hindi pa nararating ni Olivia, naririnig lang. "Alam mo ang complete address?"

"Hindi, eh. Tanda ko lang puntahan. Kung gusto mo--"

"Sasamahan mo 'ko?" Excited na sabi ni Olivia.

"Oo, samahan kita. Sa isang kundisyon."

"Name it."

"Ako date mo sa JS Prom."

Napatunganga si Olivia. She was still hoping Nathan from section A would ask her to the prom. Iyon ang kaisa-isa niyang crush doon sa St. Filomena. Minsan, parang nahuhuli niyang nakatingin sa kanya kapag dumadaan siya o kung magkakasalubong sila.

Ang saya tiyak kung sila ni Nathan ang magkapareha sa prom.

We're the king and queen of hearts...

Then she realized, that wouldn't be as much fun as having Trini around.

"Okay." Tango niya kay Corey.

Gulat ito, "Okay? Payag ka?"

"Importanteng makita ko si Trini."

"Mamaya." Sabi ni Corey. "Sa uwian."

"Ha?" Alas-kwatro y medya ang dismissal nila sa hapon. Kung pupunta pa siya sa San Lucas, "G-Gagabihin ako, hindi pwede." Pagdadabugan na naman siya ni Inay Doris at mas masaklap iyon sa sermunan siya at sigawan.

"E di agahan natin ang punta." Balewalang sabi ni Corey.

"May klase pa."

Nangalukipkip uli ang lalaki at ngumisi pero hindi nagsalita.

"Magka-cut ako." Nakagat ni Olivia ang labi. "Ngayon na."

Corey just kept on grinning.

"Pupunta ako sa clinic. Masakit ulo ko." Sabi pa ni Olivia, para siyang robot.

"Ano pa hinihintay mo? Lakad na." Sabi ni Corey. "Hihintayin kita sa video karera, sa loob."

"Sa..labas ng school?"

"Tuwa ko lang kung meron nun dito sa loob. Siempre sa labas. Hindi mo alam? Pumasok ka dun sa xerokan sa tapat ng gasolinahan banda dun ng gate. May tindahan ng mga songhits sa tabi. Hihintayin kita hanggang twelve-thirty."

"Okay." Tango niya.

"Lakad na..takbo na!" Taboy sa kanya ni Corey.

Time After TimeWhere stories live. Discover now