Chapter 55

3.4K 114 21
                                    

LV- Space

Raffa's POV

"Sigurado ba talaga kayo d'yan? Hindi kasi magandang biro 'yan,"

Hindi ako mapakali. Maraming emosyon ang gumugulo sa akin ngunit isa ang nangingibabaw, takot. Takot ako na marinig ang katotohanan. Natatakot ako na baka si Kuya nga ang tinutukoy nila.

"Dalawang ID na nung pasyente ang nakita namin, 'yon ang pangalan na nakalagay. Pumunta ka na lang ulit dito para masiguro mo--- wait, are you related to the patient?" Muling tanong ni Shane.

"Pangalan ng kuya ko ang sinabi niyo.." sagot ko.

Narinig ko ang mahina nilang pagsinghap sa hangin, nagulat.

"Kaya pala pamilyar! Vasquez ka nga rin pala!"

"At magkahawig sila, 'di ba?"

Lahat ng sinasabi nila ay mas pinapatunayan na si Kuya nga 'yon. Napapapikit kong sinuklay ang buhok ko gamit ang kamay.

"P-Pupunta na 'ko d'yan."

Binaba ko na ang tawag. Pero imbes na maglakad papasok ng hospital ay para bang nauupos ang tuhod ko at kusa akong napaupo. Kinagat ko ang aking labi para pigilan ang pag-iyak.

Nakakapanghina.

Noon pa man ay may napansin na akong mali kay Kuya, pero hindi ko pinansin. Nararamdaman ko nang may mali pero hindi ako nag-atubiling alamin. Wala akong kwenta.

Dinaan kasi ako ni Kuya sa pagiging malakas niya na pawang pagkukunwari lang pala. Puno ako ng pagsisisi ngayon.

Gusto kong humingi ng tawad sa kaniya sa lahat ng naging pagkukulang ko.

Tumayo ako at mabilis na naglakad papasok ng hospital. Hindi na ako magbubulag-bulagan ngayon. Kung tama nga ang hinala kong may tinatago siya sa amin, aalamin ko 'yon at tutulungan siya.

"Oh, bakit bumalik ka? 'Di ba tapos na duty mo?" Napalingon ako sa nagtanong. Si Doc Cian 'yon na may hawak na mug na siguradong kape.

"May kailangan lang po akong puntahan," sabi ko habang naglalakad. Hindi na ako nakipagkumustahan sa kaniya dahil isa lang ang nasa isip ko ngayon. Si Kuya.

"May problema ka, 'di ba?" Muli siyang nagsalita sa tabi ko at sumama sa paglalakad ko.

Hindi ko na siya pinansin dahil habang palapit ako nang palapit sa E.R ay nanghihina na ako. Naririnig ko ang mabilis na tibok ng puso ko, ganoon katindi ang kaba't takot ko.

Sumalubong sa akin si Shane. Tinuro niya sa akin kung nasaan ang kinaroroonan ng pasyente. Kahit malinaw na, umaasa pa rin akong hindi 'yon si Kuya.

Hindi ko alam kung paanong matatanggap o kung matatanggap ko ba kapag siya 'yon.

Mabilis kong hinawi ang kurtina na humaharang sa bed 6. Hindi ako nakagalaw nang makilala kung sino ang nakahiga roon at walang malay.

Si Kuya nga.

Tumalikod ako, hindi ko matagalan na tignan siya. Kahit mabilis na segundo lang nung nakita ko siya ay mabilis kong naproseso ang itsura niya.

Para na naman akong mapapaupo dahil sa panghihina ngunit naramdaman ko ang pag-akbay sa akin ni Doc Cian na dinadala ang bigat ko.

"Sino ang Doctor niya?" Agad niyang tinanong si Shane.

"Si Doc Claerth po," agad na sagot ni Shane.

Hematologist si Doc Claerth. May kinalaman sa dugo. Bigla kong naalala noong mga oras na nakita ko 'yung bimpo niya na punong-puno ng dugo.

Posible bang may sakit siya sa dugo?

The Engineer's Private NurseWhere stories live. Discover now