Armed and Dangerous

By DuchessVenus

50.5K 1.9K 546

Montehermoso Series 4 (COMPLETED) (GENERAL FICTION) (UNEDITED) Austrianna Gorospe and Zach Martin Montehermos... More

Armed and Dangerous
Kabanata 1
Kabanata 2
Kabanata 3
Kabanata 4
Kabanata 5
Kabanata 6
Kabanata 7
Kabanata 8
Kabanata 9
Kabanata 10
Kabanata 11
Kabanata 12
Kabanata 13
Kabanata 14
Kabanata 15
Kabanata 17
Kabanata 18
Kabanata 19
Kabanata 20
Kabanata 21
Kabanata 22
Kabanata 23
Wakas

Kabanata 16

1.1K 56 30
By DuchessVenus

Austrianna

Pagsapit ng hapon ay bigla na lamang akong ginulantang ng balitang...

... patay na ang dalawa kong kapatid na susundo sana sa akin dito.

At ang hindi ko matanggap, na-set-up pala ang mga ito nang malamang aalis ng Bukidnon. Hindi ko alam kung papaano sila napunta sa Iloilo kaninang umaga, pero roon nangyari ang engkuwentro sa pagitan nila at ng mga pulis doon. Alam ko naman na matagal nang wanted sa buong bansa ang mga napatunayang rebelde, at kasama na roon ang pamilya ko.

Pilit silang pinapasuko ng mga pulis, ngunit nagmatigas ang mga kapatid ko at bigla na lamang daw naglabas ng armas at granada. Nagkapalitan sila ng bala ng mga pulis. Isa ang nasabugan ng bomba na agad ding nasawi, at ang dalawa kong kuya na namatay rin dahil sa tama ng bala.

At ang masaklap, kasama sa pumatay sa mga kapatid ko ang pulis na kuya ni Martin. Naroon pa nga raw sa eksena ang ama nila na napadaan lang daw sa lugar. Hanggang doon na lamang ang nabalitaan ko dahil halos hindi ko na matanggap ang lahat. Naging tuliro ang aking isipan.

Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko ngayon.
Magkahalong galit, sakit, at pagkalungkot ang lumulukob sa dibdib ko. Isa na namang biglaan at nakakagulat na pangyayari para sa buhay ko.

Hindi ko na mapigilan ang sarili na magalit, lalo na sa mga taong sangkot sa pagkamatay ng mga kapatid at ama ko. Hindi ko na kaya.

Alam ko namang may mali rin ang mga kuya ko, pero hindi ko talaga mapigilan na magalit sa mga pumatay sa kanila. Ang pagkamatay nila ang dahilan ng galit ko. Hindi ko matanggap.

Wala na nga ang aming ama, pati sila ay mawawala rin.

Umiyak ako habang nagwawala sa loob ng aking kuwarto. Pinaghahagis ko ang mga nahahawakan kong gamit dahil tuluyan nang sumabog ang damdamin ko. Hindi ko na nakayanan pang magmukmok at umiyak na lamang sa sulok. Gusto kong ilabas ang sobrang sama ng loob na nararamdaman ko ngayon.

Galit akong napasigaw upang ilabas ang matinding poot sa aking puso. Masyado akong kinain ng galit, na pati si Martin ay nadamay sa sobrang galit ko.

Sa mga oras na iyon ay gusto ko na lamang ipaghiganti ang pagkamatay ng tatlong mga mahal ko sa buhay. Hindi ko na kaya, hindi ko na kayang pigilin pa ang sarili ko. Mas lalo akong hindi patatahimikin ng isip ko kung hindi ko masisingil ang mga pumatay sa pamilya ko.

Pinagtulungan nila ang ama’t mga kapatid ko para patumbahin. Kaya ngayon ay itataga ko sa bato na magbabayad sila.

Hindi ako mabait at mapagpasensiya sa lahat ng oras na gaya ng pagkakakilala ng mga tao sa akin.

Umabot na ako sa puntong masyado nang napuno ang damdamin ko, pati ang galit ay nasagad hanggang sa kasukdulan.

Lahat ng pagpapasensiya na natitira sa akin ay pinigtas ko na. Para bang sa isang iglap ay naglaho sa isip ko ang mga sinabi sa akin noon ni Martin na pagkatiwalaan ko siya.

Hindi, hindi na. Nagawa na nga nilang patayin ng pamilya niya ang pamilya ko. Paaano ko pa siya pagkakatiwalaan?

Naniniwala na ako nang lubos na pinatay nila ng kasamahan niya ang ama ko. Tinadtad ng bala para hindi na mabuhay pa upang sa gayon ay maging tagumpay iyon sa grupo nila. Bakit nga ba naman magkakaroon ng pagpapahalaga si Martin sa ama kong rebelde, e, pareho silang mamamatay-tao?

Magkalaban sila. Tama nga ang aking Lala noon, pati na ang mga sinabi ni Ka Erni sa akin. Nagsisisi akong hindi ko iyon inintindi noon.

Dapat lang palang magalit ako sa mga sundalo at pulis, dahil sila rin ang papatay sa amin balang-araw. Sa mga oras na ’yon ay hindi ko na inintindi pa ang tamang katuwiran, mas pinili ko kung ano ang isinisigaw ng damdamin ko.

Dahil sa pagnanasa kong makapaghiganti, sumama ako sa pag-alis ng grupo ni Ka Erni. Sumama rin sa akin si Cora nang malaman na aanib na ako.

Tumakas lamang ako sa bahay. Iniwan ko sila roon nang walang pasabi. Tumitigas ang puso ko ngayon kaya nawalan na ako ng pakialam sa lahat. Ang tanging nais ko na lamang ay makapaghiganti at mailabas ang galit na nararamdaman.

Binalaan na ako ni Santiago kanina nang malamang nagwawala ako sa galit. Aniya’y huwag akong aalis ng bahay dahil magagalit si Martin. Pero hindi ako nakinig.

Alam kong binubulag ako ng pagkamuhi na nararamdaman ko. Batid ko ring mali itong ginagawa ko, ngunit wala na akong pakialam pa.

Kailangan ko ng hustisya sa pagkamatay ng tatlong lalaki sa buhay ko. Kailangan ko ring protektahan ang natitira kong pamilya, kung hindi ay sila naman ang papatayin ng mga sundalo balang-araw.

Ngunit bago umandar ang aming sasakyan, nagawa ko pang baklasin sa leeg ko ang kuwintas na matagal ko nang suot-suot.

Lalo ko lamang naramdaman ang pait sa aking lalamunan nang makita ang pangalan doon ng lalaki na dahilan din ng pagkamatay ng ama ko.

Sa huli ay nagawa ko iyong itapon sa labas ng bintana ng sasakyan at napangisi nang galit.

Pinasumpa nila kami bilang kandidatong kasapi, at ilang mga panahon pa at pagsasanay ang nagdaan bago namin nakamit ang full-time membership sa grupo.

Naging palaban ako—kami para sa ideolohiyang itinatak na sa utak namin at amin nang pinaniniwalaan at ipinaglalaban. Naging utak-terorista ako nang lubos dahil sa galit. Niyakap ko nang buo ang bago kong buhay, ni hindi ko na pinansin pa kahit na alam kong mali ang ginagawa kong ito.

Hindi ako nakaramdam ng takot sa paglaban, may kung ano sa puso ko na walang kinatatakutan sa mga panahon na ’yon.

Nakasama kong muli ang pamilya ko sa kampo namin sa Bukidnon. Ang daming nagbago sa loob pa lamang ng limang taon na pagkawala ko rito. Mga bagong mukha na rin ang karamihan doon. Iilan na lang ang namukhaan ko noong si ama pa ang namumuno.

Nagsanay ako nang nagsanay upang maging malakas at handa sa laban. Tinulungan din ako ng natitirang pamilya ko dahil gusto naming maghiganti sa militar. Pero ang hindi ko inaasahan ay ang pagkatalaga sa akin bilang kumander ng grupo makalipas lamang ang ilang buwan.

Iyon ang ikinagalit nang husto ni Alicia, na aniya’y ginawa na niya ang lahat, pero bakit akong baguhan pa raw ang napili ng mga nakatataas sa amin?

Siguro ay dahil nakitaan ako ng potensiyal kaysa sa kaniya? Masasabi ko rin naman kasi talagang may ibubuga ako.

Paratang ni Alicia, palibhasa raw ay malapit na kaibigan ni ama ang taong nagtalaga sa akin sa ganoong posisyon. Tiyak daw na inilapit ni ama ang pangalan ko rito noong nabubuhay pa ito, hindi ang kay Ate. Ngunit magkagayon pa man ay wala nang magagawa pa ang aking kapatid. Noon pa man ay ayaw na talaga ako nitong pasalihin sa grupo dahil ayaw masapawan, pero hindi naman ito masyadong magdadamdam kung magiging taga-sunod lang ako, hindi pinuno.

Kalaunan ay nabanggit din sa amin ni ina na iyon nga raw ang plano ni ama noon pa man. Aksidente nitong narinig mula sa bibig ni ama, na ako ang dapat na italaga bilang kumander.

Sa lahat ng mga bayolenteng aktibidad namin upang lumaban sa mga tropa ng gobyerno ay nangunguna ako nang husto. Hindi naging hadlang ang pagiging babae ko para pamunuan ang grupo namin.

Nasanay na kami sa pang-aambush ng mga sasakyan ng militar at ng pulis, kahit pa ang mga sasakyan ng gobyerno na naghahatid ng mga relief goods at nagre-rescue sa mga nasalanta ng kalamidad. At ang mga nakukuha naming pagkain? Iyon ang inilalaman namin sa sikmurang madalas na gutom. Madalas na hindi sumasapat sa amin ang mga nakukuha namin sa mga tao. Pero may mga panahon talaga na dumarating sa amin na walang-wala na kaming makain. Iyon ang panahon ng tag-gutom, sa gitna ng ilang oras at araw na giyera, patakbo-takbo kami upang magtago. Walang mahanap na pagkain. Iyon ang mas mahirap na kalaban para sa amin, ang gutom.

Ang mga mamamayan ay tinatawag na kaming makakapal ang mukha, salot, at kung ano-ano pa. Pero ano ba ang magagawa nila para supilin ang mga tulad namin? Parami kami nang parami, bagamat ang iba ay sumusuko na o ’di kaya’y namamatay.

Ako rin ang naging berdugo ng grupo, kung saan ako ang taga-hatol ng kamatayan. Pumupugot ng ulo ng mga taong taksil o may atraso sa amin.

Hinding-hindi ako nagsisisi sa galit na naramdaman ko mula pa noon na nagtulak sa akin upang lumaban ngayon.

Matapos nilang pagtulungan ang pamilya ko para patumbahin, magagawa niya pang ngumisi-ngisi sa akin ngayon? Napakagaling talaga ni Montehermoso.

Hindi nakakapanghinayang na iniwan ko ito noon para sa buhay na tinatamasa ko ngayon. At least ngayon ay alam ko nang wala talaga itong pakialam sa amin, na gusto talaga nitong mapatumba ang rebeldeng pamilya ko. Binilog niya lamang ang ulo ko noon upang sumunod at maging sunod-sunuran sa mga nais niya.

Inihanda ko ang sarili nang senyasan ako nito na sumunod sa kaniya. Wala akong pag-aalinlangan nang sumunod sa lakad nito.

Sa labas ng building, sa likod nito, ay huminto kami. Nasumpungan ko pa ang mga kasamahan ko sa paligid na maingat na nagtatago.

Nang huminto ito at hinarap ako ay agad na umangat ang sulok ng labi nito.

Lihim na nagtagis ang bagang ko at siniguro ang distansiya naming dalawa.

“Alam ko kung ano ang pakay mo rito, Mahal ko. Pero pasensiya na, kailangan kong gawin ang nararapat,” bungad nito na ikina-irap ko.

“Tigilan mo nga ako sa kakatawag nang ganiyan. Matagal na tayong hiwalay,” mapait kong sambit na ikinagalaw ng panga nito.

Sa isang iglap ay sumeryoso ang mukha nito at bahagyang lumapit sa akin, ngunit agad akong umatras na ikinatawa nito nang pagak.

“Bakit? Halatang tensyonado ka kapag ako ang kaharap mo. But anyways, wala namang naganap na hiwalayan sa pagitan natin. Nakalimutan mo na bang bigla ka na lang lumayas sa bahay para magrebelde? Ni hindi mo man lang pinakinggan ang side ko. Nagtanim ka kaagad ng galit sa amin. Damn it, Austrianna...”

Tumigas ang boses at mukha nito. Nagawa pa nitong humakbang palapit sa akin ngunit agad akong umatras habang masamang-masamang nakatingin dito.

“Wala akong pakialam! Itigil mo na ang patungkol sa nakaraan! Narito ako para lumaban sa inyo, Montehermoso,” pagalit kong sambit at nilabanan ang mga tingin nito. Nanliit ang aking mga mata nang mahina itong natawa, tila ba minamaliit ako.

“Really? Sigurado kang lalabanan mo kami, Mahal ko? Sinasabi ko sa ’yo ngayon pa lang, magsisisi ka. Kapag umabot pa tayo sa puntong nagpapalitan na ng bala, hindi na maibabalik pa n’yon ang buhay ng mga kasamahan mo, lalo na ng pamilya mo. Kaya nga mas mainam na sumuko na lang kayo nang payapa sa amin, may magandang buhay na naghihintay sa inyo sa labas ng bundok,” hambog niyang wika na ikinangitngit ko lalo sa galit.

“Ha! Magandang buhay? Simula nang patayin ninyo ang ama’t mga kapatid ko, wala nang magandang buhay sa buhay namin. Hindi ako basta-basta susuko sa tulad mong mamamatay-tao rin. Baka ako naman ang tadtarin ninyo ng bala sa ulo, gaya ng ginawa n’yo sa ama ko.” Naramdaman ko ang pagpait ng lalamunan nang sabihin iyon.

Ramdam ko ang pagkatigil nito, mayamaya’y natawa. Halata ang gigil nito dahil sa sinabi kong mamamatay-tao.  “Tagapagtanggol kami ng bansa, Mahal ko. Hindi kami basta-bastang mamamatay-tao lang, kayo ’yon. Masahol pa nga ang ginagawa ninyo roon sa itaas ng bundok...” Bigla itong natigilan sa pagsasalita at napatingin sa mga kasamahan niya na ambang lalapit sa amin. Sumenyas ito na huwag lumapit, bago ako harapin muli. “Tungkol sa pagkamatay ng ama mo, wala ako—kaming ginawang masama sa kaniya. Bakit hindi mo tanungin ang kapatid mong babae na may mataas na ambisyon patungkol diyan? Masyado ka lang kinakain ng galit mo sa amin na wala namang katuturan. Ang tigas talaga ng ulo mo minsan, Mahal ko. Alam mo, halika na, umuwi na tayo. Nais ko nang mahagkan muli ang mga labi mo...”

Mariin akong napapikit at nag-iwas ng tingin. Hindi ko pinansin ang kakaibang klase ng pagkabog ng dibdib ko dahil sa huli nitong sinabi.

“Wala kayong ginawang masama sa ama ko? Pero bakit n’yo siya pinatay? Kayo lang naman ang huling humawak sa ama ko, huwag mo nang itanggi!” Bahagyang tumaas ang boses ko at nagtagis ang bagang. Muling rumehistro sa isip ko ang bangkay ng aking ama, na sa tuwing naiisip ko ay lalo lang iyong nagdadagdag sa apoy ng galit ko.

“Hindi nga kami ang pumatay sa kaniya, Aria. Sinet-up lang kami ng kapatid mo kaya kami ang pinagbibintangan. Bago ka sana nagalit sa amin, inalam mo muna dapat ang totoo. Alam mong mahal na mahal kita kaya hindi ko magagawang pasamain ang loob m—”

“Sinungaling!” Galit kong inilagan ang pagtangka nitong paghawak sa balikat ko. Alam kong may balak siyang kunin ako kaya marapat lang na mag-ingat ako sa mga pagtatangka niyang paglapit at paghawak sa akin. Nanlilisik na mga matang tiningnan ko ito dahil sa pagkamuhi. “Hindi mo na mabibilog pa ang ulo ko rito, Montehermoso. Kahit ano pa ang sabihin mo, nakatatak na sa puso ko ang poot ko sa angkan mo. Alam ko rin na balak n’yo kaming pabagsakin, pero hindi ako papayag dahil magkakamatayan tayong lahat dito bago ako sumuko. Tandaan mo ’yan,” mariin kong sambit.

Ilang segundong namayani ang katahimikan sa pagitan namin.

Gumalaw ang panga nito habang seryosong nakatingin sa akin. “Ang kulit mo talagang babae ka...”

Nabigla ako nang bigla na lamang nitong hablutin ang braso ko. Napangiwi ako nang mahigpit niyang hinawakan ang magkabilaang braso ko at ambang isasampa sa balikat niya nang sumenyas ako sa mga kasama ko.

Agad kong narinig ang sunod-sunod na putukan. Nataranta ang mga tao sa paligid, pati na ang mga kasamahan ni Martin. Hindi ko na inintindi pa ’yon dahil mabilis kong sinuntok ang mukha ng lalaki. Hindi nito iyon inaasahan dahil sa pagkatigil nito sa naririnig na putukan. Nais sana ako nitong protektahan pero nabigla ito sa ginawa ko.

At bago pa ako nito hablutin muli ay binigyan ko ito ng malakas na suntok sa tiyan na tinanggap niya lamang. Mabilis kong dinukot ang patalim ko sa ilalim ng saya’t nilaslas ang balat sa braso nito, saka agad na sumakay sa sasakyan namin.

Sinundan lamang ako nito ng tingin habang nasa likuran ng sasakyan, naroon ang sakit sa mga mata nito.

Pagak akong natawa. Bakit hinayaan niya lamang akong saktan siya? Naduduwag na ba siya?

“Sina Ka Berong at Ka Tatang, kasama ang iba pa ang bahala na sa kanila, kumander.” Si Ka Benjo ang sumalubong sa akin sa sasakyan.

Agad ko itong tinanguan habang humaharurot ang sasakyan palayo. Nagtiim-bagang ako’t napangisi dahil tiyak na hindi na rin mabubuhay pa ang mga sundalong iyon mamaya. Ginulat sila ng bala ng mga kasamahan ko, at kapag nagawa naming lagasin ang hanay nila, madali na lang na mapapatumba ang mga pesteng sundalo na ’yon dito. Papakitaan namin sila kung sino ang batas dito.

Akala niya makukuha niya ako kanina? Huh! Hinding-hindi ako papayag na mapunta muli sa kaniya. Magkakamatayan muna kami.

Hinding-hindi ko sasayangin ang mga paghihirap ko sa pagsasanay noon para mapunta sa ganitong posisyon ngayon. Lalaban ako hangga’t kaya ko.

Nang makababa kami sa sasakyan ay dali-dali kaming umakyat sa kampo. Bitbit ko ang limpak-limpak na pera na bigay ni Mohammed. Tiyak na masusuportahan na namin ang pangangailangan namin doon sa kampo.

“Ina...”

Napalingon sa akin si ina na walang kabuhay-buhay ang mukha. Agad na bumaba ang tingin nito sa hawak ko at napatango.

“Mabuti,” aniya lamang at muling binalingan ang mga apo niya kay Ate.

Naiintindihan ko naman na ganito na si ina simula nang mawala si ama sa mundo. Wala na itong kabuhay-buhay palagi, at ang tanging nais na lamang ay ang mapatay rin ang mga pumatay sa kaniyang asawa’t mga anak na lalaki. Isa pa, may iba’t ibang karamdaman nang iniinda si ina. Iniintindi ko na lamang ito palagi kapag malamig ang pakikitungo nito sa akin. Kahit pa pakiramdam ko ay hindi talaga ako nito gusto nang lubos. Kinakausap niya lamang ako dahil sa parehas lamang kami ng ipinaglalaban at hangarin sa buhay.

Hindi ko alam kung ano ba ang mali sa amin ng mga anak niya at ganito siya makitungo sa amin. Tila ba hindi namin siya ina, pati nga si Alicia’y napipikon sa inaasta ng aming ina.

“Ka Patring,” tawag ko sa dalagita nang mapadaan ito sa tabi ko. Pawisan ito, gawa ng katatapos lamang na pag-eensayo nilang mga baguhan upang matuto ng mga pandepensa at tamang paghawak ng baril.

Tumigil ito at hinarap ako nang nakangiti. “Ka Reyang,” banggit nito sa tawagan namin na ikinatawa ko.

Tumikhim ako’t sumeryoso matapos. “Balita ko’y inasawa ka na ng aking kanang-kamay. Talaga bang papatulan mo ang kuwarenta anyos na lalaki?” mahina kong tanong na halos pabulong na lamang.

Nasa paligid lamang namin ang mga tao, at balita ko’y palihim lamang silang magkarelasyon ngayon kaya tago pa ang relasyon nila.

Hindi na ako nagtaka nang mahiya ito bigla. Kahit ako ay mahihiya sa relasyon nila. Wala pa nga ito sa legal na edad, samantalang si Ka Benjo ay sobrang lagpas na sa kalendaryo. Kahit papaano ay inaalala ko pa rin ang kapakanan ng mga dalagita rito na inaasawa ng mga matatandang lalaki, ng mga kadre rito.

Normal na iyon dito, lalo na sa mga matatagal nang miyembro rito. Pero para sa mga baguhan, nahihiya sila. Kaawa-awa ang mga kadalagahan dito dahil inaasawa lang halos ng mga matatandang matitindi ang pagnanasa sa mga bagong sibol na babae.

Yumuko ito sa akin at mariing kinagat ang ibabang labi. “O-Opo, Ka Reyang. Nagkasundo na kami na mapapasailalim na niya ako. Ang totoo’y gusto na niya akong magbuntis agad,” anito na ikinatigil ko.

Napahinga na lamang ako at tinanguan ito. “Sige, bahala kayo sa nais ninyo,” nasabi ko na lamang dahil ayaw ko nang makisawsaw pa sa desisyon nila sa buhay.

Kakatwang isipin na ang ilan sa aming mga legal organization na ginagamit namin bilang fronts sa pagre-recruit ay kadalasang sumisigaw ng respeto at pagpapahalaga sa mga kababaihan. Naging parte na ang mga organisasyong ito sa pamahalaan at legal na ang presensiya roon. Lahat naman ay pinapasok ng mga kasamahan naming rebelde, pati nga media ay marami akong kakilala na rebel supporter.

May isang party-list na konektado sa aming samahan na kunwaring ipinaglalaban ang mga karapatan ng mga kababaihan, at kapag naanib na ang mga babaeng napikot nila sa kanilang adbokasiya, at nadala sa armadong pakikibaka tulad ginagawa namin dito, ay wala na silang pakialam pa kahit na ano pa ang mangyari sa mga babaeng iyon.

Iyan ang nangyari kay Ka Patring na labing-pitong taong gulang pa lamang.

Lumaki sa abusadong tiyuhin at nagrebelde dahil sa mga karanasan nito. Galit din ang nagtulak dito upang sumama sa armadong pakikibaka namin, ngunit ganito lang din ang mapapala niya.

Alam niyang napikot siya ng party-list na sinalihan niya noon. Pinangakuan ito ng mga kung ano-ano na hanggang ngayon ay nananatiling pangako pa rin. Ngunit kahit anong gawin nito ay hindi ito basta-basta makakaalis sa kampo namin, buhay niya ang magiging kapalit.

Karamihan naman sa mga kababaihan dito na dalaga, pare-pareho lang ang nararanasan. Kadalasa’y inaasawa ng mga kadre. Pagkatapos anakan, kung hindi mamamatay ang lalaki sa engkuwentro, iiwan niya ang babae kapag nagsawa na.

Alam ko ang baho ng aming buong samahan, pero kaya kong magbulag-bulagan sa lahat, makaganti lang sa mga taong dapat kong paghigantihan...

Continue Reading

You'll Also Like

97.6K 2.9K 37
When a Photographer fell in love with the person he dumped during their college years. Amanda came from States, the first thing she wants to do is t...
17.1K 263 6
Montehermoso Series 6 (COMPLETED) (GENERAL FICTION) Gisselle Leanne Montehermoso and Carlos Joseph Guevarra NOTE: YOU CAN READ THIS ON GOODNOVEL Jun...
318K 6.9K 26
Hot Politicians Series 2: Rule Me, Senator-CEO Sporting his alluring smile that captures every woman's heart. Wearing his costly dark blue suit, he w...
136K 2.9K 41
[U N E D I T E D | C O M P L E T E D] "I will use every wicked ways I can just to have him wrapped around my fingers." -Sariya Quervas Started: Augus...