36: Bad Terms

751 59 15
                                    

"I-I'm sorry... pero hindi na tayo pwedeng maging magkaibigan, Boni."

Matagal ko nang natanggap na palaging magkasama ang pangalan ko at ang salitang kaibigan sa isang pangungusap. Gano'n na talaga, iyon na ang title ko. Matagal ko nang niyakap ito. Madali ko lang natanggap ito dahil si Andrea naman ang nagbigay sa 'kin ng title na 'yon.

Kaso ngayon, isinusuka na 'ko ng salita at ng nagbigay nito.

Tila nawala ang caring at sweet na Andrea at napalitan ng malamig na estranghero ang kaharap ko. Never akong nasaktan sa mga salita at kilos niya. Never niyang pinaramdam na ayaw niya sa 'kin, na hindi siya masaya tuwing kasama ako. Hindi ko siya masisisi na naging ganito na siya—kami. Ako ang may gawa nito sa kanya... sa amin.

"Ayaw na kitang makita."

Pagkasabi niya no'n, bumalik na siya sa bahay nila nang hindi na ulit lumilingon sa 'kin. Iniwan niya akong nakatayo sa gitna ng kalsada... ng kawalan. Nakatitig lang ako kung saan siya nakatayo kanina—malapit sa akin. At ngayon, wala na.

Napapikit ako. Hinayaan ko nang bumuhos ang mga luhang kanina pa nagbabadya. Hindi ko na kayang ikimkim ang lahat. Hindi ko na alam kung paano.

Napadilat ako nang maramdaman kong may humawak sa tigkabilang braso ko. Nagulat ako nang makitang nakatayo si Jax sa gilid ko at inaalalayan ako.

"B-Bakit ka...."

"Uwi na tayo?" tanong niya, bahagyang nakangiti.

Tango lang ang naisagot ko. Pagod na ako para mag-isip pa ng sasabihin. Nawawala lang din naman lahat.

~

Nagpapasalamat ako kay Jax na nando'n siya noong oras na 'yon dahil hindi ko alam kung paano ako makakauwi o makakaalis sa sitwasyon na 'yon. Pakiramdam ko, tumigil ang buong paligid ko. Ganoon ang nangyari noong una kong nakita si Andrea. Ganoon din pala ang pakiramdam ngayong wala na siya sa 'kin. 'Yun nga lang, napalitan na ng lungkot ang saya.

O wala na akong maramdaman dahil wala na siya.

"Boni."

"Ha?" Napatanga ako kay Tom nang tawagin niya 'ko. Napansin ko ang pag-aalala sa tingin niya sa 'kin pero hindi ko na lang 'yon pinansin. "Bakit?"

"Bibili ako ng ice candy, gusto mo?"

Umiling ako. "Okay na 'ko, thank you."

Tumango siya tsaka umalis. Pagkalayo niya, saka ko lang napansin na ang tahimik pala ng table namin. Nagtatakang tumingin ako sa mga kaibigan ko na nagtitinginan lang din.

"Bakit 'di kayo kumakain?" tanong ko kaya napatingin silang lahat sa akin.

"Hindi ka rin kumakain eh," sagot ni Jojo.

Kumunot ang noo ko. "Ako? Kumakain ako ah." Agad kong kinagatan ang burger ko at uminom ng juice.

Sabay-sabay na napasimangot ang mga kaibigan ko pero kumain na rin.

Buong araw ko ramdam ang pag-aalala nila. Buong araw ko rin ramdam ang pag-iisa kahit kasama ko sila. Sinuggest ni Jax na um-absent na lang ako ngayong araw pero sinabi ko na hindi valid reason ang heartbreak para ma-excuse.

Parang binisita ako ni kamatayan at kinuha ang kaluluwa ko pero iniwan ang katawan ko sa lupa. Hindi ko maramdaman ang paligid ko. Hindi ko maalis sa isip ko ang nangyari kahapon. Tahimik lang ako sa labas pero binubugbog na 'ko sa loob.

Pinilit kong ngumiti at makitawa pagkauwi sa bahay para hindi mapansin ng pamilya ko na problemado ako dahil alam kong bibigay na naman ako kapag kinausap nila ako tungkol dito. Ayoko na manghawa ng kalungkutan. Nadadamay lang sila sa pagiging miserable ko.

BonifaciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon