02: Okay? Okay¿

1.4K 71 2
                                    

Okay lang ba ako?

Sa nagdaang mga taon, simula noong magkakilala kami ni Andrea, hindi na naalis sa isip ko ang tanong na 'yon.

Naging magkaklase kami ni Andrea noong sumunod na school year at hanggang sa matapos namin ang elementarya. Sa kabila ng marami naming pagkakaiba (girly siya samantalang ako, ipinaglihi sa apat kong kuya), naging malapit kaming magkaibigan.

Bukod kay Jax, si Andrea ang nakakasama ko araw-araw sa eskwelahan at sa bahay ng isa't isa-naglalaro, kumakain, nagmo-movie marathon. Kumento ng mga pamilya namin, hindi na nila kami mapaghiwalay.

Bakit din naman maghihiwalay? Ayoko.

Si Andrea pa lang ang nakakasama kong babae sa buong buhay ko, growing up kasama lang ang mga kapatid kong lalaki, si Papa, at pati na rin si Jax. Para ko na ring kapatid si Andrea at malaking parte na siya ng pagkatao ko.

Pagkatao ko na unti-unting lumalabo.

Napapikit at napabuntong-hininga ako sa naisip ko.

"Okay ka lang?"

Napadilat ako at bumungad sa 'kin ang mukha ni Jax, best friend ko since kindergarten. Nakakunot ang noo niya habang nakatitig sa 'kin.

Pilit akong ngumiti. "Oo naman." Ewan. Hindi ko pa rin talaga alam kung okay lang ako.

Tumango-tango siya tsaka bumalik sa pagkain at pakikipagkwentuhan sa iba pa naming mga kaibigan na kasama namin sa table sa canteen.

Bumalik naman ang tingin ko sa text na kanina pa nakabukas sa phone ko.

Andrea
kinakabahan ako :(

Ito rin ang paulit-ulit niyang sinabi nang ilang linggo. Auditions para sa dance troupe ng school namin ngayong araw at balak ni Andrea na sumubok. Passion niya talaga ang pagsasayaw, iyon nga rin ang rason kaya kumuha siya ng ballet lessons noon.

Naalala ko rin, madalas niya 'kong turuan ng iba't ibang sayaw noong mga bata pa kami kahit lagi kong sinasabi na parehong kaliwa ang mga paa ko.

"Hindi 'yan!" aniya, pinipilit akong tumayo. Napatingin ako sa kamay niya na nakahawak sa kamay ko tsaka marahang tumango.

Plinay niya ang music sa stereo at sinabayan ito, pinapakita sa 'kin ang mga bagong step na natutunan niya.

Hindi ko alam, pero sa bawat paghawak niya sa mga braso ko upang gabayan ako, may iba.

Hindi ko alam, pero sa bawat pagkanta niya kasabay ng tugtog ng sayaw, may iba.

May nag-iba.

"Boni, tara na?"

Nabalik ako mula sa pag-alala nang magsalita si Jax. "Ah, sige."

Tumango siya sa 'kin at tumayo kasabay ng iba pa naming mga kasama. Tinipa ko muna ang reply ko kay Andrea tsaka sinend bago ako tumayo na rin para pumunta na sa gymnasium.

To: Andrea
kaya mo yan! :D

Maraming tao sa gym nang makarating kami. Inaabangan talaga ng halos lahat ang auditions sa dance troupe dahil isa ito sa mga ipinagmamalaki ng paaralan pagdating sa interschool competitions.

Maraming tao sa gym pero agad siyang nahanap ng mga mata ko. Nakaupo siya sa isang bench kasama ang iba pang mag-o-audition. Bakas sa mukha niya ang kaba habang nakapikit ang mga mata niya, tila nagdarasal.

Nang dumilat na siya, nagtama ang mga tingin namin. Ngumiti siya na para bang nawala ang kaba niya at saka kumaway. Kumaway din ako at nag-thumbs up sa kanya.

Noong unang beses pa lang namin magkita, noong nagkabungguan kami (at ang mga mundo namin), alam ko nang may nag-iba-sa akin. Hindi ko lang mawari... o hindi ko pa matanggap?

Tumunog ang speakers sa loob ng gym at nagsalita ang isang guro sa PE, inanunsyo ang pagsisimula ng auditions.

Naupo na kami sa bleachers at tahimik na nanood sa mga estudyanteng isa-isa pinerform ang mga pinahanda sa kanilang dance routines. Para sa 'kin, lahat ay magaling at nararapat na mapabilang sa dance troupe, pero iba pa rin talaga si Andrea. Sa bawat paggalaw niya, mababakas ang mensahe na nais niyang iparating na umaakma sa tugtog. Kitang-kita sa ekspresyon ng mukha niya ang pagmamahal sa ginagawa niya.

Ang sarap lang niyang panoorin.

Masigabo ang palakpakan noong matapos siya. Ilang performances pa at natapos na rin ang auditions. Magkadikit lang ang mga palad ko habang hinihintay namin ang announcement kung sinu-sino ang mga bagong miyembro ng dance troupe. Ganun din ang kay Andrea habang nakapikit ulit ang mga mata, paniguradong nagdarasal.

Lord, ibigay Niyo na po sa kanya.

Nakakrus lang ang mga daliri ko noong isa-isa nang tinawag ng isa pang guro sa PE ang mga nakapasok.

"And... Reyes, Andrea Camille D." Huling binanggit ang pangalan ni Andrea. Napatalon siya sa tuwa at gumuhit ang isang malawak na ngiti sa mga labi niya, maging ang mga mata niya ay ngumiti rin.

Matapos silang i-congratulate ng teachers at old members ng dance troupe, tumakbo na siya palapit sa amin-sa akin. Sinalubong ko naman siya kasama si Jax at iba pang mga kaibigan at kaklase namin na nandito upang suportahan siya.

"Nakapasok ako, Boni! I did it!" wika niya habang hawak ang mga kamay ko nang sobrang higpit, kung kaya't ramdam na ramdam ko ang tuwa niya.

"Congrats! Alam kong kaya mo," saad ko. Lumawak lalo ang ngiti niya na nagpangiti rin sa 'kin. At sa ngiti na 'yon, nasagot na ang matagal ko nang tanong...

Hindi ako okay.

BonifaciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon