32: Long Time Longing

757 53 13
                                    

Dumating ang first day of grade 12 nang hindi ko pa rin nakakausap ang dalawang taong takot akong mawala sa 'kin pero wala akong nagagawa para manatili sila. Kumalma na ako nang ilang araw dahil sa suporta ng iba ko pang mga kaibigan pero bumalik ang kaba ko ngayong alam kong makakaharap ko na ulit sila—siya.

Kabado akong pumasok sa room. Nakatungo lang ako habang naglalakad nang may tumawag sa 'kin.

"Boni!"

Napaangat ang tingin ko kay Jeslyn, ang president ng section namin last year. Binati ko siya tsaka umupo sa katabing upuan niya na vacant pa.

"Masaya akong kaklase pa rin kita," aniyang nakangiti.

"Ha? Hindi ba tayo-tayo pa rin this year?" takang tanong ko.

Umiling siya. "Random daw ginawa sa sections this year dahil sa ilang issues," sagot niya tsaka nagkibit-balikat.

Napatango ako at luminga sa room namin. Saka ko lang napansin na kalahati nga ng klase ay hindi namin classmates last year. Bigla akong kinabahan.

Kaklase ko pa rin kaya si Jax? Sana.

Nagkumustahan kami ni Jeslyn kaya medyo kumalma ako. Kwinento niya 'yung art workshop na pinasukan niya noong summer break at kung paano niya na-realize na ayaw na niya maging officer dahil mas gusto niyang magcreate kesa maglead. Gusto niyang magfocus muna ro'n.

"Hindi ko alam kung bakit ngayon ko lang napag-isipan 'to. Sayang ilang years ng pagpractice sa craft na gusto ko talaga."

"May tamang panahon lang talaga," saad ko.

"Sabagay. Naiinggit lang ako kasi ikaw, since birth ata alam mo na gusto mo tumugtog, nahasa mo na nang ilang years. Pero teka, ayaw mo ba i-try maging president this year?"

Agad akong umiling sa tanong niya. "Hindi ko kaya."

"Kaya mo! Pero sige, no pressure naman. Si Sofia rin sana eh, instead na muse, kaso hindi na pala natin siya kaklase."

Natigilan ako sa binanggit niyang pangalan. "H-Hindi na?" Ayokong ipahalata 'yung pinaghalong kaba at tuwa ko sa thought na hindi na kami magsasama sa iisang room lang nang isang buong school year. Hindi ko alam kung paano kikilos sa klase kasama siya. Baka maging 10x tahimik ako.

"Oo, iba nga rin sched ng new section niya sa atin, 'di rin tuloy natin siya makakasabay sa break," malungkot na aniya.

Tumango na lang ako. Nagpatuloy siya sa pagkwento tungkol sa iba naming kaklase na nagchat sa kanya na iba na rin daw ang section. Nahinto lang kami sa pag-uusap nang tumunog ang bell para sa flag ceremony. Pumunta sina Leo, Tom at Jojo sa room namin para sunduin ako. Gusto kong magtanong kung alam ba nila kung nasaan na 'yung isa pa naming kaibigan pero hindi ako nakapagsalita.

Bumalik na naman ang kaba ko.

Bumaba kaming lahat sa field kung nasaan ang flagpole. Tirik na tirik na ang araw kaya nakaharang ang isang kamay ko sa mga mata ko. Sinusundan ko lang ang mga paa ni Jeslyn patungo sa pwesto ng section namin nang may makabungguan ako.

"Sorry!" Agad kong pinulot mula sa lupa 'yung panyo ng nabunggo ko. Napatigil ako nang makilala ko 'yung pabango na nagmumula sa hawak kong tela... at kaharap ko.

Natulala ako nang magtama ang mga tingin namin ni Andrea. Bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa kaba-sa saya. Mukhang nagulat din siya na ako ang nakabungguan niya. Napako ako sa kinatatayuan ko at mukhang gano'n din siya. Gusto kong manatili lang kami sa posisyon namin nang matagal. Kahit tahimik. Kahit puro titig.

Okay lang.

Ayokong bumitiw sa titig niya. Gusto kong malaman kung anong nasa isip niya at tanging mga mata niya lang ang kumakausap sa 'kin ngayon.

Lungkot, iyon ang una kong napansin.

Gusto ko siyang lapitan pa. Gusto kong kumustahin siya. Gusto kong tanungin kung anong nangyari-bakit hindi ko siya naramdaman pagkatapos ng birthday niya.

Pero hindi ko magawa, hindi ko alam kung paano.

Pakiramdam ko, ilang oras na kaming nakatingin sa isa't isa. Miss na miss ko na siya pero hanggang tingin lang ako sa kanya. Nakatikom ang bibig niya at lumalabas ang hangin mula sa ilong niya. Mukhang kinakabahan din siya katulad ko.

"Bakit?" Hindi ko alam kung sa'n ko nakuha ang lakas ng loob ko na bitawan ang isang salita na 'yon. Hindi ko rin alam kung bakit sa dami ng salita, iyon ang nasabi ko-o bulong dahil sa sobrang hina ng boses ko, hindi ako sigurado kung narinig niya ba.

"'Lika na, Boni, nando'n na raw adviser natin!"

Natauhan ako nang tangayin ako ni Jeslyn palayo. Lumingon ako pabalik at nakita na nakatingin pa rin si Andrea pero agad din siyang tumalikod at humalo sa ibang estudyante.

Lumulutang ang isip ko buong flag cem. Hindi pa rin kumakalma ang nasa loob ng dibdib ko. Gusto kong bumalik sa pwesto ko kanina, sa harapan niya.

Gusto kong bumalik sa kanya.

Pagbalik namin sa room, hindi pa rin ako mapakali. Nakatayo na sa harapan ng klase ang bago naming adviser kasama ang isa naming kaklase na nagpapakilala kaya palihim kong inilabas ang phone ko at saka nagtipa.

To: Hailey
anong oras break nyo?

Nasabi sa 'kin ni Hailey na magkaklase sila ni Andrea noong araw na nag-enroll kami. Matutulungan niya akong alamin ang sched ni Andrea na noon ay si Andrea mismo ang nagbibigay sa 'kin.

Tapos na akong magpakilala, wala pa ring text si Hailey. Wala akong ibang nagawa kundi hintayin ang reply niya na inabot na ng break namin.

Hailey
later pa kami eh

Hindi ko naiwasang malungkot nang malamang hindi rin pala namin sila kasabay.

To: Hailey
anonh oras na lang uwi niyo?

Iisa lang naman ang oras ng pag-uwi ng batch namin pero baka may ibang activity pa sila ni Andrea gaya ng dance troupe ng kaibigan ko. Matagal ulit bago nakareply si Hailey. May ginagawa na kaming task sa second to the last period namin nang makatanggap ulit ako ng text mula sa kanya.

Hailey
2

To: Hailey
gusto ko siyang makita

Napahinga ako nang malalim. Hindi ko namalayan na naluluha na pala ako nang tanungin ako ni Jeslyn kung okay lang ba ako. Tango lang ang naisagot ko at saka ibinalik ang tingin sa phone ko nang magvibrate ulit ito.

Hailey
first floor cr meet us after class

Napangiti ako nang malaki sa sobrang tuwa.

To: Hailey
thank u!!!

Napalitan ang kaba at takot ko ng pagkasabik na makita siyang muli. Inaalala ko pa rin ang reaction niya sa pag-amin ko pero mas mahalaga sa 'kin ang makita siyang muli.

Miss na miss ko na siya.

Buong last period akong nakatunganga sa wall clock sa room. Tila sobrang bagal ng oras. Ganito ba talaga kapag nasasabik? Parang sinasadyang pabagalin ang paggalaw ng mga kamay ng orasan. Hindi ako mapakali.

Pagkatunog ng bell bilang hudyat sa end ng period, agad akong tumayo dala ang mga gamit ko. Hindi na ako nakapagpaalam kay Jeslyn na nagtatakang nakatingin sa 'kin dahil hindi pa rin nagpapaalam ang prof namin. Maswerte naman ako dahil hindi ako nasita at busy pa ito sa pagligpit ng mga gamit.

Tumakbo ako pababa mula fourth floor hanggang first floor. Hindi ko na inisip ang maikling uniform ko. Wala na akong pakealam sa itsura ko. Si Andrea lang ang inaalala ko.

Pagkapasok ko sa CR ng mga babae, inisa-isa ko agad ang cubicles. Walang tao sa lahat. Kinuha ko ang phone ko para tawagan si Hailey nang biglang sumara ang pinto ng CR. Gulat na napalingon ako rito.

"A-Anong ginagawa mo rito?"

BonifaciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon