05: Unwanted Mr. Popular

927 61 8
                                    

Katatapos lang ng exam week ngayong buwan ng Oktubre at meron na lang kaming isa't kalahating linggo upang maghanda para sa nalalapit na Foundation Week. Mahigit isang buwan nang busy ang banda namin dahil balak naming sumali sa battle of the bands ngayong taon. Panay ang practice namin sa garahe nina Jojo tuwing uwian.

Bihira na lang kami magkita ni Andrea dahil busy rin siya sa mga ensayo ng dance troupe. Nakakainis din kasi hindi kami magkaklase ngayong grade 11, hindi ko tuloy siya nakakasama sa classroom.

"Water break muna, guys!" sigaw ng president namin na si Jeslyn.

Pagkasabi niya no'n, agad kong binitawan ang puting tela na hawak ko at lumapit sa bag ko. Inaayos namin ngayon ang classroom namin para sa booth na na-assign sa amin ngayong taon. Tuwang-tuwa ang mga kaklase ko sa assigned booth namin samantalang ako, ewan. Masaya ba talaga ang wedding booth? Eh, puro heterosexuals lang naman ang suportado ng karamihan sa mga estudyante.

"Oh, ba't ganyan mukha mo?"

Umangat ang tingin ko sa lalaking humila ng upuan at tinabihan ako. "Pagod lang, Jax," sagot ko at saka tumingin sa screen ng phone ko na wala ni isang notification ang naka-display.

"Pagod lang o may nami-miss?"

Napaangat muli ang tingin ko sa kanya. Nakatitig lang siya sa 'kin, mukhang seryoso at hindi pang-asar ang tanong. "Ha?"

"Okay lang 'yan. Ganun talaga, busy tayong lahat," aniya, saka uminom sa tubigan niya.

Ako naman ang napatitig sa kanya. Alam kaya niya? Napansin na kaya ng best friend ko since kindergarten ang totoong nararamdaman ko? Ang totoong ako? Wala pa naman akong nasasabihan, kahit pa sa mga kuya ko, kung ano talaga ako. Pero hindi kaya?

"Pero sana... ako rin."

"Ha?" Napatanga lang ulit ako sa kanya. "Anong-"

"Tara na, tapusin na natin 'to para makaikot na tayo sa iba." Tumayo na siya tsaka hinawakan na ulit 'yung puting tela na inaayos namin kanina.

Tiningnan ko pa muna ulit ang screen ng phone ko bago ito ibinalik sa bag at sumunod kay Jax.

"Ayan, ready na ang booth natin for next week!" anunsyo ni Jeslyn na pinalakpakan ng mga kaklase namin. Pagka-dismiss niya sa amin, sa canteen kami dumiretso ni Jax para kumain.

"Burger o pasta?" tanong niya sa 'kin noong nakahanap kami ng table.

"Pasta na lang," sagot ko nang hindi tumitingin sa kanya, naka-focus ako sa phone ko kung saan may tinitipa akong message.

To: Andrea
nasa canteen kami ni jax, late lunch. kumain ka na?

Siguro naman, tapos na ang ensayo nila dahil kaninang umaga pa sila nagsimula. Usually, four hours ang tinatagal ng practice nila. Nakakapagtaka lang na wala pa ring update sa 'kin si Andrea. Pero teka, ang OA ko na ata, kailangan kong kumalma. Chill lang, Bonifacia.

"Hindi mauubos ng tinidor ang pasta."

Nawala ako sa pag-iisip nang magsalita si Jax. Nakabalik na pala siya at nakabili na ng mga pagkain namin.

Nilunok niya muna ang nginuyang burger tsaka nagsalita muli, "Kain na, puntahan natin booth nina Tom."

Tumango lang ako at inumpisahan nang kumain.

BonifaciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon