28: Thorn Crown

743 50 37
                                    

Marami nang tao sa venue ng party noong nakarating kami nina Hailey. Karamihan ay familiar faces na dahil siguro sa tagal ko nang kaibigan si Andrea, kilala na namin ang mga mahahalagang tao sa buhay ng isa't isa. May kamag-anak sila na sumalubong sa amin at sakto naman na nakita ko na ang mga makakasama ko kaya nagpaalam na muna ako sa kanila.

"Gara natin, ah?" bati ko kaya napalingon sila sa 'kin.

"Uy, Bo-" Huminto si Tom para tingnan ako nang mabuti. "Mas magara ka."

Napangiti ako. "Salamat, Tom."

"Picture tayo, guys!" aya ni Tasha sabay labas ng camera niya. Lahat kami ay lumapit sa kanya. "1, 2, 3!"

Pagkakuha ng pictures, napalingon ako kay Jax na nakatingin lang pala sa 'kin.

"Grabe, dalaga ka na," aniya.

Natatawang pinalo ko siya. "Hindi ako ang may birthday!"

Tumawa rin si Jax at napakamot sa batok. Napabuntong-hininga naman ako.

"Kinakabahan?" tanong niya.

Marahan akong tumango bilang sagot.

Ngumiti siya at ipinatong ang kamay sa ulo ko. "Alam kong 'sing tapang mo si Bonifacio."

Napangiti ako saka tumango ulit sa sinabi niya. Nasabi ko na sa kanila na ngayon ko balak umamin kay Andrea, parte na rin iyon ng regalo ko sa kanya kahit hindi ko alam kung matutuwa ba siya o hindi. Hindi pa ako sigurado talaga noong una pero dahil sa mga sinabi nila, lumakas na ang loob ko... uh, kahit papaano dahil kabado pa rin ako ngayon!

Pero alam kong ngayon na ang tamang panahon.

Pumasok na kami sa loob ng hall kung nasaan ang iba pang attendees. Bukod sa relatives ni Andrea, napuno ang venue ng schoolmates at classmates namin. May ilan ding professors na malapit sa kanya at ang coaches ng dance troupe. Binati kami ng mga kakilala namin. Umupo kami sa reserved seats namin na nasa unahan at malapit sa uupuan mamaya ni Andrea na nakapwesto sa harapan ng lahat. Kitang-kita ko siya mula sa pwesto ko.

"Anong oras na?" tanong ko kay Jojo kaya napatingin siya sa wristwatch niya. Nakalimutan ko 'yung sa 'kin dahil pinatanggal iyon ni Hailey kanina, hindi raw bagay sa dress ko.

"Lapit na mag-alas siyete. Bakit?"

Umiling lang ako.

"Makikita mo na rin 'yon," panunukso niya.

Hindi ko alam kung maaasar ba ako o hindi dahil tama naman ang naiisip niya. "Makikita mo rin 'yung iyo," ganti ko na lang na ikinamula ng mukha niya. Sakto namang may nagsalita na sa mic at kinuha ang attention namin. Magsisimula na raw ang party.

Makikita ko na siya.

Hindi pa nakatutok ang spotlight, nakapokus na ang tingin ko sa hagdan kung saan bababa si Andrea. Wala naman sa akin ang attention ng lahat pero grabe 'yung kaba ko, parang lalabas puso ko anytime. Hindi ko maipaliwanag.

Ilang sandali lang, nakita na namin siya-nakita ko na siya. Tumayo kaming lahat at pinagmasdan siya. Sobrang ganda niya. Gusto ko siyang itakas ngayon mismo rito at ipagdamot sa lahat. Gusto kong ipagdamot kung gaano siya kaganda katulad ng mga kantang kadidiskubre ko pa lang.

BonifaciaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon