Prologue

274 17 6
                                    

Devilia's POV

Isa akong cute na bata. Gustong-gusto kong naglalaro ng manika. Bigay sa akin ito ni Papa. Mahilig kasi ako sa mga bagay na magaganda.

Si Kuya, nasa school pa siya. Marami raw siyang gagawin kaya hindi pa siya nakauuwi. Si Papa naman day off niya ngayon kaya siya ang kasama ko. Nasa kwarto lang si Papa at natutulog. Security Guard kasi siya sa isang shopping mall. Tuwing gabi ang trabaho niya kaya tuwing umuuwi siya, natutulog s'ya ng matagal.

Naisipan kong puntahan si Papa. Kukulitin ko siya. Kahit pa ayaw niya talaga sa mga manika dahil pambata lang daw iyon at pambabae, nakikipaglaro pa rin siya sa 'kin paminsan-minsan. 

Kumatok ako sa pinto ng kwarto ni Papa. Katok ako nang katok. Ang tagal ko ng naghihintay, pero walang sumasagot.

Binuksan ko ang pinto. Marahan lang. Baka tulog si Papa. 

Nagulat ako sa nakita ko. Nagsimulang manginig ang mga tuhod ko. Nabitawan ko na rin ang hawak na laruan.

Nakahandusay sa sahig si Papa. Mulat ang mga mata at nakabuka ang bibig. May dugo sa dibdib at leeg. Takot na takot ako. Hindi ko kayang lumapit. Tumakbo ako palabas ng bahay.

Umiyak ako nang umiyak. Walang humpay na hagulgol habang patuloy sa pagtakbo ang aking mga paa. Halos madapa pa ako sa pagtakbo.

Hahanapin ko si Kuya! Kailangan ko si Kuya!

Sa patuloy kong pagtakbo, bigla na lang akong natumba. Napaupo ako sa kalsada na mas lalong nagpaiyak sa 'kin. Sa bawat pagpikit ng mga mata ko, naaalala ko ang itsura ni Papa. Duguan at patay na.

Naramdaman ko na lang na may umakay sa 'kin patayo. Isang batang lalaki ngunit mukhang mas matanda sa 'kin.

"Ingat ka, bata. Huwag kang takbo nang takbo," paalala niya. Nahinto ako sa pag-iyak. Seryoso ang mukha niya. Matatalim kung tumingin ang mga mata.

Bakas sa katawan ang kahirapan dahil sa tinataglay na kapayatan pati na rin ang maduduming pananamit. Napayakap ako sa kaniya. Waring sa ilang segundo lang ay naging ligtas ako kahit papaano.

"Tulungan mo po ako! M-May dugo! Ang Papa ko, may pumatay sa kaniya!" umiiyak kong sigaw.Kumunot ang noo niya.

Sinamahan niya ko sa mga pulis. Agad namang rumesponde ang mga pulis, pero hindi ako pinasama at naiwan lang sa Police Station.

"Ilang taon ka na ba, bata?" tanong ng batang lalaking katabi ko.

"S-Seven po," sagot ko.

Tumigil na ko sa pag-iyak. Nananakit ang mga mata ko. Puno rin ng sipon ang ilong ko.

"Ako si Xyzin. 10 na ko. Nangangalakal ako," pagpapakilala niya.

"Ako po si Devilia."

Ginulo niya ang buhok ko. "Ang bata mo pa masyado para makakita ng gano'n." Yinakap niya ko.

 "Hayaan mo, dadating na rin mamaya ang mga kapamilya mo." Yumakap ako sa kaniya. Yumakap ng mahigpit.

Makalipas ang ilang oras ay dumating si kuya at lola. Alalang-alala si kuya. Iyak din siya ng iyak ng yakapin niya ko. Akala niya raw may nangyari ng masama sa 'kin. Hinagilap ko si Xyzin pero wala na siya sa estasyon. Ipapakilala ko sana siya kila kuya.

Dinala kami ni Lola sa bahay niya. Wala na kasi kaming Mama. Patay na siya at ngayon pati na rin si Papa. Pinakain kami ng marami ni Lola. Huwag na muna raw naming isipin ang mga nakita. Magpahinga na lang daw. Magiging maayos din ang lahat.

Magkasama kami sa kwarto ni Kuya ng gabing iyon. Magkatabi na nakahiga sa banig. Ako lang ang nakakumot kahit malamig.

Napasulyap ako sa pintuan. Nagtaka ako. "Papa?" halos pabulong ko ng sabi. Kitang-kita ko siya sa may pintuan. Nakatayo lang siya doon at nakangiti.

Hanggang sa nawala na lang siya. Naglaho ng parang bula. Hanggang ngayon, karumal-dumal pa rin ang mga alaala na iyon. Dahil sa pagkamatay ni Papa, nabuksan din ang third eye ko. Sa hindi ko malamang dahilan, nakakakita ako ng mga multo.

Nakatatakot sa una. Pero ngayong 26 years old na ko, hindi na bago ang gano'n. Kasama na yata talaga sa pang-araw-araw kong buhay.

Ako si Devilia Rominez.

At kung ano man ang mga mababasa niyo, kung ano man ang malalaman niyo, huwag sana kayong mabibigla.

At sana makatulog kayo ng maayos.

Chattel (Completed)Onde histórias criam vida. Descubra agora