Day 30

617 16 3
                                    

Hindi ako masyadong nakatulog dahil ilang sandali na lang ay siguradong makakapasok na ang mga zombie dito sa Gate.

Pwede kong puntahan ang lagusan na papuntang kabilang linya ng Railway Transit. Hindi pa nababasa masyado ang mga zombie doon. Hindi sila sing agresibo ng mga zombie na nababad na sa baha at ulan. Pero marami sila. Matatalo pa rin ako. Malapit nang masira ang lagusan na papuntang SaveWise. Wala mang zombie sa ibang lagusan sa baba, siguradong mapapalibutan nila ako agad pag nakita nila ako.

Fire escape? Saan ako pupunta pagkatapos nun? Sa bubong? Umuulan.

Ang condo sa itaas. Yun na lang ang tanging pwede kong puntahan.

Kumuha ako ng sobrang kadena at padlock na ginamit namin nang isara namin ang mga lagusan dito sa Gate at sa Farmings. Kinuha ko rin ang palakol na nasa isang fire hydrant.

Pagakyat ko sa unang escalator, narinig kong nasira na ang gate sa lagusan papuntang SaveWise. Pinagmasdan ko ang mga zombie na pumasok sa Gate. Namukaan ko ang isa sa kanila; si Yassy.

Dali dali akong umakyat patungo sa pinakamataas na palapag ng Gate. Mabuti nalang at hindi tumatakbo ang mga zombie. Siguradong ilant araw pa sa pagkababad sa ulan at baha ay magsisimula na rin silang tumakbo. Sinubukan kong buksan ang pinto at laking gulat ko na hindi ito naka-lock. Sa pagkakaalala ko, naka-lock ang pinto mula sa loob. May lumabas mula sa loob at baka nasa labas pa rin siya.

"Kung sino ka man na lumabas mula dito, bumalik ka na rito!" ang aking sigaw. "Nakapasok na ang mga zombie at kaya na nilang maka-akyat ng hagdan!"

Naghintay ako ng ilang minuto at may nakita akong isang tao na tumatakbo mula sa supermarket.

"Dalian mo!" ang sigaw ko.

Wala akong magawa kundi panoorin ang taong tumakbo at umiwas sa mga zombie na agresibo. Hindi man sila tumatakbo, mabilis ang mga galaw nila. Nakahinga ako ng maluwag nang makaakyat na siya ng escalator. Sinundan man siya ng mga zombie ay may kabagalan pa rin sila.

Ilang sandali pa ay nakarating na siya sa pintuan. Pumasok kami pareho at kanyang nilock ang pinto. Kinuha ko ang kadena at pinaikot sa mga handle bars ng pinto saka nilagyan ng padlock.

"Sumudod ka sa akin," ang kanyang sabi.

Sumakay kami sa elevator at pinindot niya ang papuntang penthouse. Lumbabas kami ng elevator at bumungad sa akin ang isang napakalaking kwarto.

"Magpahinga ka lang diyan," ang kanyang sabi. "Ako lang mag-isa dito."

Ibinaba ko ang aking bag sa sahig at lumapit sa isang bintana. Tanaw mula sa itaas ang buong Cubao. Napakaraming zombie sa baba. Hindi ko masisigurong ligtas ang mga nasa hotel o ang mga nasa SaveWise.

"Matatagalan pa bago tayo makakaalis mula dito," ang aking sabi. "Hanga't hindi tumitila ang ulan."

"Hintayin na lang nating sumikat muli ang araw," ang kanyang sabi. "Ako nga pala si Shulamite."

"Jiro."

Zombie.phTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon