Day 13.1

251 12 0
                                    

"Sinubukan mo bang makipag-usap sa kanila?" tanong ko kay Charlie.

"Hindi," kanyang sagot. "Ngayon ko nga lang naaalala ang tungkol sa kanila dahil sa 'yo."

"Ano sa tingin mo ang dapat gawin?" ang sunod kong tanong. "Kayo ni Nina ang makakahalubilo nila kung sakali."

Nag-isip sandali si Charlie. Kung magkakampihan ang lahat ng nakatira sa itaas para sa mga natitirang stocks, dehado sina Charlie. Pero kung hindi sila gahaman, mapapabuti sila. Maganda ang pwesto nina Charlie ngayon. Subalit napakaraming daraanan papasok sa Gate Mall. Ganun pa man, hindi karamihan ng tao ay alam tungkol sa lugar na ito ng mall na may model units dahil nasa looban ito at dadaanan muna ang pampublikong palikuran. Sa kabilang banda, madaling depensahan ang itaas dahil dadalawa lamang ang daanan papasok. Ang isang daanan ang napapaligiran ng mga zombie at ang isa naman ay hindi ko mabuksan.

"Kung magtatagal kami ni Nina dito, dapat naming makilala ang mga taong nandun," ang sabi ni Charlie.

Naghanda kaming apat para umakyat sa itaas. May dalang megaphone si Charlie. "Para saan yan?" ang aking tanong.

"Para marinig nila tayo," aniya. "Alangan namang magsisisigaw tayo dun. Hindi rin naman natin sisirain yung pinto."

Umakyat kami sa palapag na kung saan naroon ang pintuang papunta sa condo at call center offices. Naroon din sa palapag na yun ang mga sinehan at arcade. Dinala ni Yassy si Nina sa arcade para maglaro habang kami ni Charlie at tumuloy sa pintuan.

Inalog muna namin ni Charlie ang pintuan. Pagkatapos ay kinalabog namin ng malakas. Sunod ay itinapat ni Charlie ang megaphone at sinabing, "Tao po! May tao po ba sa loob?" Pa-ulit ulit naming ginawa ito ngunit walang tumugon sa aming tawag.

"Mukang walang tao," ang sabi ko.

"Tumakas ba lahat sila pababa nung nagkagulo?" ang sabi ni Charlie.

Ang sabi ko, "ayaw ko mang isipin pero." Madyo napatigil ako sa pag-iisip. "Pero baka zombie na ang mga nasa loob."

"Paano? Hindi marunong umakyat ng hagdan ang mga zombie. Lalo namang hindi sila marunong gumamit ng elevator."

"Hindi naman siguro lahat ng nagtatrabaho sa itaas ay doon din nakatira. May papasok ng call center, nagkagulo, nakagat. Naka-akyat pa rin sa itaas at doon na naging zombie. Maski hindi na yung papasok, maski yung pa-uwi lang galing labas."

Pinuntahan namin sina Yassy at Nina sa arcade at tumungo na sa baba, sa mga model unit.

"Anong nangyari?" ang tanong ni Yassy.

"Walang sumasagot sa mga tawag at ingay namin sa itaas," tugon ni Charlie. "Sabi ni Jiro, posibleng mga zombie na ang nasa itaas. Pero hindi tayo sigurado. Pwedeng ayaw lang nila sumagot o lumabas."

"Kung ayaw nila lumabas, pwedeng natatakot sila," sabi ko. "At kung natatakot sila, hindi sila dapat alalahanin sa ngayon. Pag naubusan na sila ng stocks, lalabas at lalabas ang mga yan. Sana paglabas nila ay hindi sila mga bayolenteng tao. Ayaw ko namang ibarikada ang pinto dahil ayaw ko naman sila ikulong doon. Kung gagawin ko man yun, sisiguraduhin ko muna na zombie nga talaga ang nasa taas."

"Huwag na muna natin pag-isipan ang tungkol diyan," ani Charlie. "Mahirap magdesisyon. Marami masyadong iisipin."

Tama naman si Charlie. Malayo ang pintuang yun dito sa mga model unit. Hindi ito basta mapupuntahan. Kaunting pain lang at lilihis na ang mga zombie na yun.

Nagpahinga kaming lahat sa loob ng aming mga model units. Masarap talaga magpahinga pag ganitong klaseng panahon.

Zombie.phWhere stories live. Discover now