Chapter 31

1.3K 35 0
                                    

"ANONG ginagawa natin dito?" tanong ni Yana nang pumasok sila ni Gideon sa Innisfree, isang sikat na beauty shop sa Korea. Nasa sentro sila ng Seogwipo City kung saan nakahilera ang iba't ibang tindahan ng damit at beauty products.

"Sabi mo paborito mo si Lee Min Ho. Kaya dito tayo sa Innisfree dahil in-advertise niya ito dati. Saka di ka ba mamimili ng pampaganda?"

Umiling siya. "May sabon at moisturizer pa naman ako. Di naman ako mamimili." Wala siyang budget para sa cosmetics. Nasanay naman siya na simple lang mag-ayos. "Saka ni walang standee dito si Lee Min Ho. Paasa lang."

"Wala ba?" tanong nito at luminga sa paligid.

"Oo. Umalis na lang tayo."

Humalukipkip si Gideon. "Hindi tayo aalis hangga't wala kang binibili."

"Wala naman akong pambili. Saka akala ko ba sa tourist spot tayo pupunta?"

"Hindi ba tourist spot naman ang beauty stores dito sa Korea? Tabi-tabi at daig pa ang carinderia. Isa ito sa dinadayo dito ng turista. Pumili ka ng gusto mo at ako ang bahalang magbayad."

"Di mo ako kailangang gastusan ng pampaganda."

"Saka kung gusto mong bumalik ang atensyon sa iyo ni Dong Uk, kailangang ipakita mo na blooming at magand ka sa piling ko. Na kaya kitang alagaan. Na kaya mong mas maging maganda sa kay Eu Jin."

"Gideon, di ko yata kayang higitan si Eu Jin. Ang sexy no'n. Parang artista. Ano namang panama ko doon?" nanlulumong tanong ni Yana. Punong-puno ng kompiyansa ang babae. Wala siya no'n bukod sa wala siyang perang pampaganda.

"Mas maganda ka doon. Ie-enhance lang natin ang ganda mo dahil ilang taon mo na ring napabayaan ang sarili mo. Your skin looked stressed out. Lahat ng hirap at sama ng loob na pinagdaanan mo, dapat lang ipakita ko kay Dong Uk na mas kaya kitang alagaan at mas masaya ka sa piling ko. Saka sa palagay mo ba maniniwala sila na girlfriend kita kung mukha kang haggard at brokenhearted. Come on. Give me more credit than that."

Walang nagawa si Yana nang tawagin ng binata ang shop assistant. Nag-usap ang mga ito sa Korean at ginawan siya ng skin test para malaman kung ano ang nababagay na sa balat niya na products. Tapos ay ipina-test nito ang mga product sa kanya.

Partikular ang mga Koreano sa pisikal na anyo lalo na sa mga di kalahi ng mga ito. Kaya kailangan niyang maging presentable para kay Gideon. Dapat mas mag-ayos siya ngayon kung gusto niyang manghinayang si Dong Uk sa kanya. Kailangan din niyang pangatawanan ang pagiging girlfriend ni Gideon. Di niya kayang magpa-sexy o kuntodo make up gaya ng mga babae na gusto nito pero gusto naman niya na di siya mukhang alalay kapag katabi ito.

Inamoy-amoy niya ang green tea seed serum. "Bango." Pero nagustuhan naman niya sa balat ang orchid serum. "Ano ang pipiliin ko?"

"Kunin mo pareho," sabi ni Gideon.

"Mahal e," angal niya at malungkot na sinulyapan ang binata. "Di ko naman kailangan ng dalawang klase." Tamad pa mandin siya na maglagay ng mga beauty regimen kahit pa anong bilin sa kanya ng pinsan. Magastos kasi.

May sinabi ang binata sa shop assistant. Nagulat na lang siya nang hakutin ng babae ang lahat ng mga items na nasa orchid at green tea variety.

Kumurap nang ilang beses si Yana at nakitang idinala sa counter ang items. Nagulat siya nang makitang naghakot pa ng ibang items ang babae at inilagay sa cashier. Saka lang siya gumalaw nang lumapit sa counter si Gideon at inilabas ang credit card. "S-Sandali. Bibilhin mo lahat iyan?"

"Oo. Para di ka na mahirapan na magdesisyon."

"Pero ang mahal nga."

"I am paying for it, girlfriend," kaswal na sabi ng lalaki at nakangiting inabot sa kahera ang credit card nito. "Kung ayaw mo ng pinamili ko, itapon mo. I don't really care."

"Bakit ko naman itatapon? Sayang kaya iyan," sabi niya at di pa rin makapaniwala na hinayaan niya itong bilhan siya ng beauty products. "Alam mo ba na masyado akong magastos kumpara sa kukuha ka ng maganda at sexy na girlfriend? 'Yung total package na."

"Not interested. Ikaw ang gusto ko. Let's go. Marami pa tayong pupuntahan."

Sumunod ay tumuloy sila sa isang salon. "Magpapagupit ka ba?" tanong niya sa lalaki. Sa panggigilalas ni Yana ay siya ang inaya ng mga isang Koreana na may blonde na buhok para mag-shampoo sa shampoo cart. "Gideon, anong nangyayari?"

"You need a makeover. I don't want a mousy girlfriend."

Inangat ni Yana ang sarili at akmang susugurin ito pero pinigilan siya ng salon assistant. Hindi niya gusto na parang minamanipula siya nito at binabago nang wala siyang permiso. Pero kinalma niya ang sarili dahil naisip niya na kailangan niya iyon kung para mabawi si Dong Uk. Nilunok na lang niya ang pride dahil naisip niya na kailangan din naman siya ni Gideon.

"You need new color and hair cut, Yana," sabi ng lalaki na nakabantay sa tabi niya habang sinusuklay ang buhok niya. "Do you want me to pick it out? O ako na mismo ang pipili para sa iyo?"

Pumikit siya at humalukipkip. "Ikaw na ang bahala."

Ito naman ang magbabayad kaya ito na lang ang masunod. Pikit-mata na lang siya habang tinatastas ang buhok niya at nilalagyan ng kulay. Ni hindi siya nagtanong kung ano ang magiging itsura niya. Maganda at kakaiba ang mga hairstyle ng mga Koreana pero di niya alam kung babagay sa kanya. Ipapanalangin na lang niya ang kapalaran ng buhok niya.

Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)Unde poveștirile trăiesc. Descoperă acum