Chapter 15

1.4K 50 0
                                    

"ANG sakit ng ulo ko. Gusto ko nang mamatay."

Parang may Build, Build, Build project at may hinuhukay para dadanan ng subway ang bungo ni Yana nang magising. Nanunuyo ang lalamunan niya at masakit ang buong katawan. May sakit na naman ba siya?

She had a bad dream. Nasa Jeju Island daw siya para makasama ang boyfriend na si si Dong Uk. Sa halip na I-welcome siya ito ay nakita niya na may kahalikan itong ibang babae - ang kababata nitong si Eu Jin. Kokomprontahin dapat niya ito pero sumakay na ito ng kotse kasama ang haliparot nitong kababata. Di na niya ito nahabol kaya napadpad siya sa isang bar at tumagay ng soju.

Yeah, right! As if naman magpupunta siya sa South Korea sa dami ng responsibilidad niya. Panaginip lang iyon.

Ikiniskis niya ang katawan sa kama. Parang madulas. Sinipat niya ang kubre kama at unan. At kailan pa naging dark blue ang kama at punda ng unan niya? Sa init ng Pilipinas at wala naman siyang aircon sa kuwarto niya, di pwede iyon. Gumulong siya para bumaba sa makitid na kama pero kama ulit ang nakatangan ng paa niya, hindi sahig. Nasa isang malawak siya na kama. Hindi ko kama ito.

Inikot niya ang mata sa paligid. Nahigit niya ang hininga dahil di niya kilala ang kuwarto na iyon. May mga libro na Korean ang sulat sa gilid niya. May painting ng canola fields ng Jeju Island na nakasabit sa dingding.

Bumangon siya at dumausos ang kumot sa katawan niya. Nahantad ang hubad niyang dibdib. Hubad siya. Di siya natutulog nang nakahuhad. May suot siyang underwear pero sobrang sakit ng katawan niya.

Kinipit niya ang makapal na kumot sa katawan at hinawi ang kurtina. Nakita niya ang isang establishment sa tapat na may sulat Korean. May mga teenager din na Koreano na nakasuot ng uniporme na di isinusuot ng estudyante sa Pilipinas malibang nasa exclusive school.

Nasa Korea nga siya. Ibig sabihin totoo na nakita niya na may ibang babae si Dong Uk at ang sakit ng ulo niya ay dala ng hangover nang uminom siya sa bar. Pero paano siya nauwi sa bahay na iyon? Sino ang kasama niya? Bakit siya nakahuhad? Nakipag-sex ba siya? Wala siyang ibang weird na nararamdaman sa katawan niya. Nakasuot pa nga siya ng panties.

Inikot ulit niya ang paningin sa kuwarto. Natigilan siya nang makita ang picture ng dating amo na si Gideon Lee. Parang sikmuraan siya. Unti-unting bumalik sa kanya ang alaala nang nagdaang gabi.

"Si Gideon. Sinundo ako ni Sir Gideon sa bar. Shit!"

Ibig sabihin nasa bahay siya ng binata. At ang masaklap, unti-unting bumalik sa kanya ang mga eksena nang nagdaang gabi. Sinundo siya nito sa bar habang may kainuman siyang mga lalaki. Sinamahan siya ng mga ito sa mesa para samahan siya sa pag-iisa. Tapos ay tumawag si Gideon at kalaunan ay dumating sa bar para sunduin siya. At kung anu-anong kagagahan ang sinabi niya dito habang nagpa-practice siya ng sasabihin kay Dong Uk.

She asked for his help on how to be a woman. A real woman. She kissed him. Siya pa ang namuwersa dito dahil desperada siya na mabawi si Dong Uk. At di lang iyon. Hinubaran pa niya ang sarili at inalay ang katawan sa lalaki para turuan siya na maging kaakit-akit na babae.

Napaupo siya sa sahig at sumandal sa dingding. Parang hinahalukay ang sikmura niya at nahihilo siya sa alaala. "Ah! Hindi totoo iyon." Isinandal niya ang ulo sa dingding at mariing pumikit. "Diyos ko! Ano po bang ginawa ko? Sana panaginip lang talaga ito. Ayoko na talaga. Uuwi na ako ng Pilipinas. Ayoko dito."

Huminga ng malalim si Yana. "Don't panic. Don't panic." Kailangan niyang mag-focus. Di siya basta-basta makakaalis doon. Kailangan muna niyang magbihis. Naghalughog siya sa paligid. "Nasaan ang damit ko? Bakit wala dito?"

Wala rin ang maleta at bag niya. Ibig sabihin di siya makakaalis basta. Saan ba iyon idinala ng lalaki? Binuksan niya ang aparador. May makapal na T-shirt doon at kinuha niya ang boyleg shorts na malamang ay pag-aari ng binata.

Mukha na siyang disente. Pwede na. Ang mahalaga ngayon ay makausap niya si Gideon. Ayaw man niyang makita pa ang mukha nito pero hawak pa nito ang ibang gamit niya. Walang siyang ibang pag-aari ngayon kundi ang underwear niya. Pwede naman siguro siyang magpanggap na walang naaalala. Di naman siguro nito masyadong ipapamukha sa kanya ang mga kahihiyang ginawa niya nang nagdaang gabi. At kung ipaalala man nito, magmamakaawa niya na kalimutan nito ang lahat at magpanggap na di sila nagkita. Kapag nakuha na niya ang gamit niya, tutuloy na agad siya ng airport at uuwi ng Pilipinas. Di na siya mang-aabala. Ituturing na lang niyang masamang panaginip ang lahat at magmu-move on sa buhay.

"Tao po! Sir Gideon," tawag niya habang dahan-dahang lumalabas ng pinto. "Hello! May tao ba dito?" Wala pa ring sumasagot.

Pababa siya ng hagdan nang may isang Koreana na pumasok ng pinto. Light brown ang buhok ng babae at kulot ang dulo ng buhok na lampas-balikat. May twisted headband ito na kulay puti. Maputi at makinis ang balat nito. Nananapak din ang make up nito at pulang mga labi. Nakasuot ito ng polka dots dress na puti at pula na hanggang ibabaw ng hita ang laylayan. May dala din itong eco bag. Mukhang katatapos lang nitong mamalengke. Baka kasama ito ni Gideon sa bahay at alam nito kung nasaan ang binata.

"A-Anneong hasaeyo," alanganin pero magalang pa rin niyang bati sa babae.

Nanlaki ang mata nito nang makita siya pero tumalim din ang tingin kalaunan. "Nuguseyo? Yeogiseo mwohae?" Tinanong nito kung sino siya at kung anong ginagawa niya doon.

Biglang umurong si Yana paakyat ng hagdan. Galit ata ito sa kanya. Saka niya naalala na nakasuot lang siya ng malaking T-shirt at boyleg sa ilalim. Kung girlfriend ito ni Gideon, iniisip nito marahil na gumawa sila ng kababalaghan.

Itinaas niya ang mga kamay. "Ahhh... I am... I only know English. I am Yana, Gideon's ex..."

Malalaki ang hakbang nito palapit sa kanya habang nakaduro. "You are the witch who wants to take Gideon away from me." Hinaklit nito ang braso niya at kinaladkad siya papunta sa pinto. "Get out! Get out!"

"W-Wait! I am sorry. Let me explain. I need to see Sir Gideon. He can explain everything," apela ni Yana.

Di siya pwedeng basta umalis doon. T-shirt at boyleg lang ang suot niya. Ni wala siyang bra. Wala pa ang gamit niya. Ni wala siyang pera, passport at cellphone.

Bakit ba sobrang malas ko? Pinagtaksilan na nga ako ng boyfriend ko, inakit ang ex-boss ko habang wala ako sa hulog tapos ngayon palalayasin ako nang walang kahit anong gamit sa isang lugar na wala akong kakilala at matatakbuhan.

"Take your hands off her, Sang Hee!" sigaw ni Gideon na nakatayo sa tuktok ng hagdan.

Bagong ligo ito at nakasuot lang ng tuwalya. Mukha itong aparisyon mula sa langit habang bumababa ng hagdan. Maigting ang mukha nito. Nanuyo ang lalamunan niya nang makita niya ang hiwa ng abs nito.

Heto na ang papandesal ni Mayor. Hanggang picture lang niya iyon nakikita dati pero iba pala kapag sa personal. Parang may sariling buhay ang abs nito. Naiintriga din siya kung ano ang nasa ilalim ng tuwalya nito.

Muntik batukan ni Yana ang sarili. Nagkakandaleche-leche na ang buhay ko dito sa Korea, inuuna ko pang pagnasaan si Sir Gideon. Gusto ko talagang magpakasira 'no?

Atubili siyang binitiwan ni Sang Hee. "B-But..." Mangiyak-ngiyak ang babae at parang napahiya.

Hinatak siya ni Gideon at inilagay sa likuran nito para protektahan siya. Hinarap nito ang babae. "You have no right to manhandle my guest."

"Mianhamnida, Jin Woo," mapagpakumbabang usal babae at sinubukang abutin si Gideon. Mukha itong maamong tupa ngayon.

Naawa siya sa babae. Ito ang girlfriend ni Gideon pero nag-aaway pa ang mga ito dahil sa kanya. Na-guilty si Yana. Paano ba maaayos ang gulong ito?

"Yana, did you let her in or did she just enter my house?" tanong ni Gideon sa kanya na may halong akusasyon. Hala! Sa kanya na ito galit.

"I saw her enter the door on my way down," sagot ng dalaga.

"Trespassing, Sang Hee? You are not invited here. I told you not to come here. I already have a girlfriend." Hinawakan ni Gideon ang braso niya at hinila siya sa tabi nito. "She's my girlfriend."

Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)Where stories live. Discover now