Chapter 1

5.1K 90 6
                                    

"Why so hot, Oppa Jin Woo? 'Yung mga titig mo sa akin kanina parang nakakatunaw," kinikilig na sabi ng pinsan ni Yana na si Yulia habang kinakaskas ang screen ng cellphone nito. Wallpaper nito ang supervisor at boss niya na si Lee Jin Woo na isang half-Korean na mas masungit pa kay Go Jun Pyo ng Boys Over Flower pero kasing guwapo naman ni Lee Dong Wook.

"Kinikilig ka pa samantalang imbyerna na nga sa iyo. Para kang stalker. Nakatanghod ka lang lagi sa lobby at nag-aabang sa kanya. Pati trabaho ko nadadamay sa iyo," reklamo ni Yana at sumimsim ng iced tea. "Mag-security guard ka na nga lang doon."

English instructor siya ng mga stay-in Korean students sa English tutorial school sa Pampanga. Dalawang taon na siyang nagtatrabaho sa naturang paaralan na nagsimula noong estudyante pa lang siya sa college. Ngayon ay ilang buwan na siyang graduate at nabigyan siya ng mas maraming load sa naturang paaralan dahil full-time na siya. Mabait at maunawain ang Korean na may-ari na si Miss Mi Su. Pero nasa Seoul ito at nagpapagamot sa sakit kaya ang apo nitong si Gideon Lee na may Korean name na Lee Jin Woo. Jin Woo ang tawag dito ng marami pero mas gusto niya na tawagin itong Gideon o Sir Gideon.

"Ano pa ba ang kulang sa akin? Bakit di niya ako magawang mahalin?" nanghahaba ang nguso na tanong ng pinsan.

"Baka mas trip niya ang mga Koreana. Feeling ko lang."

Kapag sa mga Korean na estudyante, kuntodo ngiti ito at malambing. Pero pagdating sa mga Pilipino, parang malamig ito. Ayaw ngumiti at laging pormal ang pakikitungo sa kanila. O baka naman sa kanya lang iyon. Para kasi sa mga kasamahan niya sa trabaho, mabait pa rin ang lalaki. Feeling tuloy niya, siya lang ang ayaw nito. Kaya kahit na crush niya si Jin Woo noong una, nagbago rin ang pananaw niya dito. Aanhin naman ang guwapo kung galit naman sa mundo?

"E bakit naman love na love ka ni Dong Uk?" tukoy ng pinsan sa nobyo niya. "Kung sino pa 'yung buong Koreano, siya pa ang nagmamahal nang wagas. 'Yung may lahing Pinoy, siya pa ang deadma sa ganda ko."

"Siyempre iba si Dong Uk. Di naman pwedeng pare-pareho ang mga tao. Maswerte talaga ako sa kanya."

Kinikilig siyang ngumiti nang mabanggit ang nobyo. Mag-iisang taon na itong estudyante ng I Love English tutorial at siya ang naatasang magturo dito. He looked ordinary as a Korean. Pero mabait ito at malambing. Noong una ay di niya masyadong ine-entertain ang panliligaw nito sa kanya. Siya kasi ang insructor nito at bawal ang relasyon sa estudyante at sa teacher. Anim na buwan itong nanligaw. Sinusundo siya nito sa school kapag wala siyang klase. Maging pamilya niya ay nililigawan nito. Gentleman din ito.

Nang maka-graduate siya ay saka niya ito sinagot. Hindi na siya ang instructor nito noon. Noong una ay ayaw pa ni Jin Woo na bitawan niya ang posisyon niya bilang teacher ni Dong Uk. Pero ibig ding sabihin ay di sila maaring magkarelasyon. Mabuti na lang at may approval ang lola ni Jin Woo na si Mi Su na di na siya ang naging instructor ng nobyo. Kinikillig pa nga ito para sa kanila.

Matangkad, maputla ang balat, may kapayatan, singkit ang mga mata at wavy ang buhok ni Dong Uk na kulay orange. Kantiyaw sa kanya ay mukha daw itong batang hamog na Koreano. Wala siyang pakialam kahit di ito kasing guwapo ni Gideon o ng mga bida sa Korean drama. Mabait si Dong Uk sa kanya. Kasundo din nito ang pamilya niya. Nauunawaan nito na sa buhay niya ngayon, pamilya niya ang priority niya. Na may responsibilidad siya sa mga ito.

"Isasama ka daw ba ni Dong Uk sa Korea pag-alis niya? Next month na ang balik niya sa Jeju Island," paalala ng pinsan.

Parang hinipang kandila ang saya sa puso ni Yana. Patapos na ang isang taong pag-aaral nito at itutuloy na nito ang pag-aaral sa Korea. Gusto nitong makatulong sa pamamahala sa negosyo ng magulang nito at magkaroon ng sariling negosyo balang-araw. Alam niya na di na magiging madali ang pagbalik nito sa Pilipinas. Kung tutuusin ay nag-extend na ito nang anim na buwan dahil sa kanya.

Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon