Chapter 16

1.4K 48 1
                                    

UMAALINGAWNGAW sa utak ni Yana ang sinabi ni Gideon. Girlfriend siya nito? Kailan pa? May nangyari ba kagabi na di niya naalala at bigla siyang naging girlfriend nito? Ano pang kagagahang ginawa niya habang wala siya sa sarili? Bakit wala siyang maalala?

Nagpapalit-palit ang tingin ni Sang Hee sa kanila ng binata. Bakas ang sakit sa mga mata nito. Did she feel betrayed? Basta na lang isinantabi ng taong mahal nito nang walang sabi-sabi? At nararamdaman niya ang sakit na nadarama nito.

Anong kaibahan niya kay Eu Jin na nang-agaw kay Dong Uk? Di pa nga tapos ang problema ko, may bago na naman. Bakit ba lagi na lang akong napapasok sa gulo? I don't want to be the other woman. Gusto ko lang umuwi ng Pilipinas!

Pinalis ng babae ang luha at biglang ngumiti. "No. She's leaving soon. I know you, Jin Woo. You will never take a woman seriously."

Ngumisi si Gideon. "Are you sure? Yana had just arrived from the Philippines to spend time with me. She's staying here for good, if I can convince her." Hinawakan ng lalaki ang kamay niya at pinagsugpong ang mga daliri nila. Tiningnan niya ang mga kamay nila. It was too intimate. As intimate as a kiss. "I told you to find another guy, Sang Hee. Someone who will appreciate you. That is not me. And next time you enter my house without permission and harass my girlfriend, I will call the police. And halmoeni can't do anything to protect you."

Nahintatakutan ang babae sa banta ni Gideon. Nawala na ang tapang nito at nagmamadaling lumabas ng bahay nang walang sabi-sabi. Naestatwa si Yana sa kinatatayuan at di makapaniwala sa nangyari. Napaalis ni Gideon ang girlfriend nito at siya na ang bagong girlfriend nito? Doon na siya sa Jeju forever?

Inangat ng binata ang braso niya at sinipat. "Sinaktan ka ba ni Sang Hee? Namumula ang balat mo."

"Ayos lang ako. Malayo sa bituka," sabi niya at walang lakas na bawiin ang braso nito. "H-Hindi ko sinasadyang manggulo sa inyo ni..." Natigilan siya nang makatitig sa hubad na dibdib nito pababa sa abs nito. Nakalimutan bigla niya ang sasabihin. Anuena? Ano ulit ang ganap? Sino ako? Nasaan ako?

"Hindi ko siya girlfriend," sabi agad ng lalaki. "Hindi ko rin siya ex-girlfriend. I didn't even kiss her. Inirereto siya sa akin ni halmoeni. Walang pakundangan siyang pumasok dito sa bahay ko na parang mag-asawa na kami."

Nakahinga siya nang maluwag nang malamang wala siyang nasisirang relasyon. "B-Bakit mo sinabi na girlfriend mo ako?"

Binitiwan siya ng lalaki at isinuklay ang daliri sa basang buhok. "Iyon lang ang paraan para umalis siya at tigilan na niya ako. Sorry kung di agad ako nakapunta sa iyo kanina. Naliligo pa ako..."

Kusang gumala ang mga mata ni Yana sa katawan ng binata. Bigla ay wala na sila sa sala at nasa banyo na nito. Wala na itong tapis na tuwalya. Bumabagsak ang tubig sa katawan nito mula sa shower. Mula sa guwapo nitong mukha, pababa sa matipuno nitong dibdib, ang six-pack abs nito hanggang sa sentro ng katawan nito. Nakatitig na lang siya sa tuwalya nito habang ini-imagine ang size nito. Tiningnan niya ang kamay nito. Malaki ang kamay niya. Malaki.

"Nahihilo ka ba? Masakit ang ulo mo? May hangover ka ba? Are you hungry?" sunud-sunod na tanong ng lalaki.

Puno ng pag-aalala ang mukha nito nang iangat niya ang tingin. Habang nag-aalala ito sa kanya, pinagnanasaan naman niya ito.

Ilang beses siyang kumurap bago iniwas ang tingin dito. "Okay lang ako. Kukunin ko lang ang mga gamit ko at aalis na ako, Sir Gideon. Ayoko nang makaabala talaga. Salamat sa pagtulong sa akin."

"No. You don't look good. I am sure may hangover ka pa. Nakailang bote ka daw ng soju kagabi sabi sa bar. Sa palagay mo ba papabayaan kita na lumabas na lang ng bahay ko nang ganyan ang itsura mo?" may kataasan ang boses na tanong nito at itinuro ang suot niya na T-shirt at boyleg nito.

Nangilid ang luha niya. "Galit ka ba? D-Dahil ba hiniram ko ang T-shirt at boyleg mo nang walang paalam?"

Hinawakan nito ang ulo niya sa magkabilang gilid. "Di ako galit. Ganyan lang kami magsalita dito sa Korea. Akala mo may kaaway lagi. Saka may hangover ka kaya siguro sumasakit ang ulo mo sa mataas o matapang na boses. Ipagluluto kita ng ramyeon habang naliligo ka. Effective iyon sa hangover."

"W-Wala akong damit," aniya at suminghot.

"Hindi mo ba nakita 'yung damit mo na nakasampay sa couch at nakatupi? Iniwan ko doon," sabi ng lalaki. Umiling siya. Baka di niya napansin sa sobrang pagkataranta kanina. "Nasa guestroom ang mga gamit mo. Come."

Sumunod siya dito na umakyat ng hagdan habang nakababa ang tingin sa baba. She didn't want to get a nice view of his ass. Baka matukso na naman siya. Epekto ba ito ng soju sa akin? I am suddenly man-hungry. Wala na akong excuse ngayon. Hangover na lang ang meron ako. At kung paano ko pa naiisip na pagnasaan siya kahit na parang binabarena ang ulo ko, that is beyond me.

Tumigil si Gideon sa unang pinto at binuksan iyon. "This is the guestroom. Nandito ang gamit mo."

Tumigil siya sa labas ng pinto at sumingit. Mas neutral ang kulay ng kuwartong iyon at mas maaliwalas dahil sa light yellow at green na nagdo-domina na kulay sa silid. Ibang-iba sa kuwarto na pinanggalingan niya kanina.

"Di ba 'yung kuwartong tinulugan ko kagabi ang guestroom?" tanong ni Yana kay Gideon.

The corner of his mouth kicked up. "That is the master's bedroom," he uttered in a low, seductive voice. As if he was the master and she was the slave.

Doon siya natulog sa kuwarto nito. At naalala niya kung paano siya nakiusap na turuan siya nito kagabi kung paano akitin si Dong Uk. Gusto niyang tanungin ang lalaki kung ano ang nangyari kagabi pero baka lalong sumakit ang ulo niya.

"Kukunin ko na lang ang pinagpalitang damit mo kagabi at dadalhin sa iyo," sabi ng lalaki nang papasok na siya ng guestroom. "Tawagin mo lang ako kung may kailangan ka."

"S-Salamat, Sir Gideon," sabi niya sa binata.

Tipid itong ngumiti. "Gideon is fine. Hindi mo na ako boss. Bisita kita."

Naiwang nakatulala si Yana nang umalis ang lalaki. Ngumiti sa kanya si Gideon. Parang iyon ang unang beses na ngumiti ito sa kanya. Dahil ba higit pa sa ngiti ang pinagsaluhan nila kagabi? Dahil ba nakita na nito ang lahat ng itinatago niyang kayamanan na di man lang nasilip at nahawakan ni Dong Uk?

Ihinilamos ni Yana ang mga palad sa mukha. Kilos na, Yana. Wala ka nang oras para magpantasya o alalahanin ang mga kapalpakan mo. Ligo na at umalis ka na dito. Wala ka na sa katinuan. Huwag mo nang dagdagan ang kapalpakan mo.

Baka adverse effect lang ng soju at ng trauma na nakita niya ang kataksilan ni Dong Uk kaya pinagnanasaan niya si Gideon. Siguro naman kapag nakaligo na siya at nawala ang hangover niya, mahihimasmasan na siya.

Gusto na lang niyang kalimutan ang lahat ng nangyari sa Korea at umuwi na lang ng Pilipinas. She shouldn't have left the country in the first place.

Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)Where stories live. Discover now