Chapter 25

1.4K 41 1
                                    

"GUSTO mo ba ng seafood?" alok ni Gideon habang nasa Seogwipo Olle Market sila at namimili ng ilulutong hapunan para sa lola ng binata. Mas maayos na ang mood nito at ngumingiti na matapos maligo. Maaliwalas ang mukha nito di tulad kanina na parang galit ito sa kanya.

"Gusto ko," sabi ni Yana at tumango habang ngumangata ng bongeupang o tinapay na hugis isda at may palaman na minatamis na pulang monggo. Nabili nila iyon sa bungad lang palengke. Gusto ni Gideon na tikman niya ang mga street food ng Jeju Island dahil iba pa rin daw ang lasa ng mga pagkain sa Korea kumpara sa mga nabibili sa Korean store at Korean restaurant sa Pilipinas.

Gusto niya ang palengke ng Seogwipo. Malinis iyon at walang kalat sa paligid. Maya't maya ay may matandang babae na naglilinis doon. Di rin mabaho kahit nang nadaanan nila ang bilihan ng karne at seafood. May maliit din na stream sa gitna ng palengke at may harang sa magkabilang gilid na pwedeng upuan ng mga namamalengke para magpahinga o maghintay ng kasama.

"Live octopus, gusto mo?" nakangising tanong ng lalaki.

Ngumiwi si Yana. "Buhay na octopus talaga? Di ba delikado iyon? Balita ko may namatay nga doon." Kahit tadtarin ang katawan ng pugita, buhay pa rin ito at gumagalaw. Madalas ay bumabara sa lalamunan.

"May option ka naman kung ayaw o gusto mo na buhay ang octopus. Pwedeng kilawin o pwede din isama sa seafood soup. Iyan ang paborito ng mga turista dito."

"Alam mo ba na may siyam na utak ang pugita, may tatlong puso at blue blood pa?"

"And so? Ilang millenia nang kinakain ang mga pugita dito sa Jeju Island at ibang parte ng mundo. Di naman big deal," anang lalaki at nagkibit-balikat.

"Hindi ko yata ma-imagine ang sarili ko na kumain ng hayop na mas matalino at mas maraming puso kaysa sa akin. Hindi rin madali para sa mga lalaking octopus na makahanap ng makaka-partner nila sa lawak ng dagat. Kailangan din maingat sila dahil cannibals ang mga babaeng octopus."

Tumango si Gideon. "I see."

"Kailangan pa nilang I-distract ang female octopus habang kumakain para mai-insert ang sperm nila. Tapos nagsisimula nang manghina ang male octopus at mamamatay. Same with female octopus. Matapos manganak at alagaan ang anak, manghihina na rin ang female octopus. At sa fifty-six thousand na eggs na iniluwal niya, dalawa lang ang nagiging adult. Maatim mo ba na kainin pa sila?"

Tiningnan siya nito na parang nakakita ito ng alien. "Nangonsensiya ka pa. Okay. Di tayo bibili ng octopus ngayon at di ako kakain hangga't kasama kita. Ano pa ang ayaw mong kainin?"

"Yung octopus lang. Pero gusto ko 'yon." At itinuro ang malaking pusit. "Ahjumma, eolmaeyo?" Nawala ang ngiti niya nang isenyas nito ang walong daliri. "Eight thousand won para sa isang pusit? Halos four hundred pesos. E magkano lang iyan sa Pilipinas?"

"Wala ka sa Pilipinas. Kung gusto mong kumain ng pusit, bibilhin ko, girlfriend. Sabihin mo lang kung ano ang gusto mo at bibilhin ko,"

"Makes me feel like a gold digger." Di pa rin niya makakalimutan ang isyu nito sa kanya na interesado siya sa pera ni Dong Uk para buhayin ang pamilya niya.

"Pati ba naman pusit at pagkain gagawin pa nating isyu?" Kinawayan nito ang tindero. "Ahjumma, i-geo sal-ge-yo."

Ibinalot ng matandang babae ang pusit at nagpasalamat na lang sila. Si Gideon na ang namili at ine-explain lang nito sa kanya kung ano ang mga putahe na pwede pang gawin sa mga ingredients. Nanahimik na lang siya at hinayaan itong mamili. Di naman para sa kanya ang iluluto nito kundi para sa lola nito. Nandoon lang siya para magpanggap na nobya nito.

She had never seen this side of him. Mukhang domesticated ito. Parang di bagay sa image nito na party boy. Mas marami pa yata itong alam sa pagluluto kumpara sa kanya. Sabagay, di naman siya maluho sa pagkain. Kung ano lang ang nakayanan ng bulsa niya.

Sinundo nila sa dog sitter si Moody at saka sila bumiyahe papunta sa cottage ng lola nito. Di sinasadya na nadaanan nila ang street na papasok sa restaurant ni Dong Uk nang papunta na sila sa bahay ng lola ng nobyo. Di niya maiwasang tanawin iyon. "Gusto mo bang tawagan ko si Dong Uk?" tanong ng lalaki.

"No. Pwede mag-focus na lang tayo sa lola mo?"

Maganda ang mood niya pero parang biglang nasira nang banggitin ang nobyo. Di siya pwedeng magpakita o makipag-usap sa lalaki hangga't di pa tapos ang lesson niya kay Gideon. Kailangan pa niyang maraming kompiyansa para mabawi ito mula kay Eu Jin.

Humimpil sila sa maliit na cottage na gawa sa bato, may asul na bubong at nakaharap sa dagat. May maliit na garden din iyon sa harap. "Wala pa si Lola. Naiwan daw sila ng ferry pabalik ng Jeju."

"Paano na iyon?" tanong ni Yana kay Gideon.

"Maghihintay pa ng next na ferry at kulang dalawang oras pa para makarating dito. Alas kuwatro na. Baka bago mag-alas siyete na sila dumating."

Nagwalis-walis muna sila sa bahay at nagpunas ng alikabok bago magluto. "Walang aircon itong bahay ni Madam," napansin ni Yana. "Parang makaluma. Ganito ang traditional house dito sa Jeju, di ba?"

"Ito ang gustong bahay ni halmoeni. Tahimik at malapit sa dagat. Pwede daw siyang mag-relax-relax kung gusto niya. Kasama lang niya ang aso niya, okay na siya."

"Bakit di ka dito lumipat kasama niya? This place is so romantic."

"I am not romantic," anang lalaki. "I don't have to."

"Paano mo mapapatunayan sa lola mo na in love ka nga sa akin?"

"Huwag kang masyadong excited. Sosorpresahin na lang kita. Sa kusina na tayo. Pakikitaan kita ng culinary expertise ko para lalo kang ma-in love sa akin."

Kinindatan siya nito at saka nagpatugtog ng Korean bossa nova music sa cellphone nito para I-set ang mood nila. Inabot nito sa kanya ang apron at isinuot din nito ang sariling apron. Pink ang apron nito na may design na pulang mga puso. Very girly. Gusto sanang kantiyawan ni Yana ang lalaki pero parang komportable naman ito sa suot. Soooo cute!

Soju Trilogy 1: Tipsy in Jeju (Published under Precious Hearts Romances)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon