Napasubsob ako sa manibela ng kotse ko. Why is this happening to me? Hindi ba talaga ako deserve na mahalin? Bakit lahat ng mga lalaking minamahal ko ay iniiwan ako? Si daddy. Si Tim. Nangako siya sa akin na hindi niya ako iiwan. But just like dad, bigla na lang siyang nawala ng walang paliwanag. Iniwan akong nag - iisip kung ano ang nagawa kong mali. Iniwan akong mag - isa sa pagsubok na ito.

Mabilis kong pinahid ang mga luha ko at itinago ang ultrasound report sa bag ko. Wala pang makakaalam ng kalagayan ko. I'll try to function as normal as possible. Binitbit ko ang bag ko at bumaba sa kotse tapos ay diretso ako sa loob ng bangko.

Pinilit kong ngumiti sa mga kasama ko bago ako tumuloy sa cubicle ko. I took a deep breath kasi para akong naduduwal na hindi ko maintindihan.

"Girl, okay ka lang?"

Napatingin ako sa nagtanong sa akin at si Kim iyon.

"Oo naman," pinilit kong ngumiti sa kanya kahit na nga talagang nasusuka na ako.

"Namumutla ka, eh. Nag - breakfast ka ba? Saka mukha kang haggard. Hindi ka mukhang fresh. May problema ba?" Ramdam ko ang concern sa boses ni Kim.

Sunod - sunod ang iling ko.

"Okay lang ako. Okay lang talaga," pinilit kong ngumiti sa kanya.

"Sure ha? May food sa pantry. May dala si Jana na palabok. Punta ka na lang doon."

Tumango uli ako. Hindi ko na yata mapipigil ang masuka kaya sumenyas ako kay Kim na magbabanyo. Hindi ko na hinintay ang sagot niya. Nagmamadali akong nagtungo sa banyo at doon nagduduwal ng nagduduwal.

Wala naman akong maisuka. Basta ang asim - asim lang ng sikmura ko. Para akong nanghihinang napatingin sa salamin at tiningnan ang itsura ko. Totoo ang sinasabi ni Kim. Haggard ang itsura ko. Nanlalalim ang mata. Namumutla ang kulay ko. Gabi - gabi kasi akong hindi makatulog. Pilit kong iniisip kung ano ang nagawa kong mali bakit ako iniwan ni Tim. Galit ako sa kanya kasi iniwan niya ako. Naaawa ako sa sarili ko kasi bakit niya ako ginanito? Bakit niya ako pinaasa? Bakit niya pinaramdam sa akin na mahal na mahal niya ko pero sa bandang huli ay iiwan din niya?

Mabilis kong pinahid ang luha ko at mabilis na naghilamos ng marinig kong may kumatok sa pinto ng banyo.

"Andie." Boses ni Kim iyon.

"Bakit?" Pinilit kong pa - normalin ang boses ko.

"Okay ka lang talaga? Kumain na muna tayo."

"Okay lang talaga ako. Susunod ako." Sagot ko. Inayos ko ang sarili ko at lumabas ako ng banyo. Nagulat pa ako ng paglabas ko doon ay nakatayo si Marco at nakangiti sa akin.

"Surprise." Sabi niya na may hawak na isang bungkos ng bulaklak. Sa likuran niya ay naroon ang mga kasamahan namin sa trabaho at pare - parehong nagtutuksuhan.

Hindi ako makapagsalita. Sa laki ng problema ko, talagang sasabay pa itong si Marco.

"Girl, tanggapin mo naman ang bulaklak. Galing pa ng Pampanga 'yan at dito na agad dumiretso," sabi ni Jana.

Alanganin akong tumingin kay Marco at nakangiti lang siya sa akin.

"Tapos na 'yung trabaho ko sa Pampanga. Dito na ulit ako naka - assign." Halata sa boses ni Marco na excited siya.

Tumango lang ako at napipilitan akong tanggapin ang bulaklak na bigay niya. Umasim na naman ang tiyan ko. Konti pa ay masusuka na naman ako.

Pinilit kong ngumiti sa kanya at sumenyas ng sandali tapos ay nagmamadali akong pumasok ulit sa banyo.

Tulad kanina, duwal na naman ako ng duwal. Nanghihina na ako. Siguro dapat mag - halfday na lang ako ngayon. Sobrang sama talaga ng katawan ko.

Pagbukas ko ng pinto ay wala na doon ang mga kasama ko at tanging si Marco na lang ang naghihintay sa akin. Hindi na siya nakangiti. Nakatingin lang siya sa akin.

"Salamat sa flowers. Saka welcome back," halatang pekeng - peke ang ngiti ko sa kanya.

"Are you okay?" Tanong niya.

Tumango ako. "Oo. Okay lang. Sige ha? Salamat uli dito," itinaas ko pa ang bulaklak na bigay niya at tinungo ko na ang cubicle ko. Naipagpasalamat kong hindi na ako sinundan ni Marco.

Napahinga ako ng malalim at kinuha ko ulit ang ultrasound report sa bag ko at tiningnan iyon. Tapos ay kinuha ko ang telepono ko. Kahit alam kong wala din namang sasagot ay sinubukan kong i-dial ang number ni Tim. Pero tulad ng nakaraan, cannot be reached na ang telepono niya.

Napapikit ako at hindi ko na napigil ang pagtulo ng mga luha na pumatak sa ultrasound report na hawak ko.

LOVE BETWEEN THE LIES (SELF-PUB) Reprints of Physical book still availableWhere stories live. Discover now