Chapter Thirty

1.8K 84 7
                                    

ISANG araw matapos ang 'overnight' ni Champagne sa unit ni James kasama ang mga pamangkin nitong sina Brianna at Britanny, binisita siya ng binata sa apartment. Weekend noon kaya naroon din sa bahay si Penelope. Hindi sila lumabas ng kaibigan niya dahil katatapos lang dumaan ng bagyo at sigurado silang hindi kagandahan ang maaabutan nila sa labas.

Niyaya siya ni James na sumama sa charity work na gagawin nito at ng mga kaibigan nito—ang mag-donate ng groceries na ire-repack din nila para maipadala sa mga survivor ng bagyo sa Iloilo, ang parte ng bansa na nasalanta nang husto. Pumayag siya dahil gusto rin naman niyang tumulong kahit sa maliit na paraan lang. Maging si Penelope ay nag-volunteer.

Nag-grocery sina Champagne, Penelope, at James ng mga ido-donate nila. Panay mga de-latang easy-to-open, tubig, tinapay, bigas, at mga gamot ang pinamili nila. Nagkanya-kanya sila ng bayad dahil gusto ni Champagne na sa bulsa niya galing ang mga ido-donate, ganoon din si Penelope. Sa unang pagkakataon, pumayag si James na hindi ito ang gagastos sa lahat.

Pagkatapos mamili ng mga kahon-kahong food donations ay nagtungo sila sa isang malaking center na ginawang repacking area ng mga volunteer group.

Nagulat at natuwa si Champagne nang makita niya roon sina Magnet at ang Fletcher Brothers. Nagbubuhat ng isang sako ng bigas si Magnet nang bigla itong matigilan at mapatingin kay Penelope na nanatiling blangko ang mukha habang nakatitig din kay Magnet.

"Hey. You're here," tila gulat na sabi ni Magnet, titig na titig kay Penelope na para bang hindi napapansin na naroon din sina Champagne at James.

Tumaas ang kilay ni Penelope. "Gusto mo ba 'kong umalis?"

Nagsalubong ang mga kilay ni Magnet. "Bakit ba parati mong minamasama ang lahat ng sinasabi ko?"

"Hindi lahat," kaila naman ni Penelope. "Nakalimutan mo bang na-appreciate ko nang sabihin mong gusto mo 'kong halikan para lang mawala ang mayabang kong ngisi?"

"Shit, woman. Not here. Dalisay ang dahilan ng pagpunta ko sa charity work na 'to kaya huwag mo 'kong akitin, please."

Nawala lang ang atensiyon ni Champagne sa dalawa nang hawakan siya ni James sa siko at akayin papunta sa Fletcher Brothers na gaya ng madalas mangyari ay mainit ang pagbati sa kanya. Well, si Flynn lang talaga ang bumati sa kanya ng malakas na 'hello,' pero tumango naman si Fern.

Nagulat siya nang malamang isa si Flynn sa group leaders ng mga volunteer worker. Ang binata rin ang nagturo sa kanila ng tamang pagre-repack gaya ng kung anu-anong items ang ilalagay sa isang supot at kung ilang gatang ng bigas ang isasama.

Mayamaya lang, nakaupo na sina Champagne, James, Penelope, Magnet, at Fern at bumuo ng bilog kung saan isang tumpok ng bigas na nakalatag sa sako ang nasa gitna nila. Naglalagay sila ng bigas sa mga supot.

Nang tumayo si Penelope para dalhin ang mga nakasupot nang bigas sa grupo ng volunteer workers na nagre-repack naman ng mga de-lata, tumayo rin si Magnet at binawasan ang dala ng dalaga. Pagkatapos ay sabay na naglakad ang dalawa. At halatang sinasadya ni Magnet na idikit ang braso nito sa braso ni Penelope.

"Sa tingin ko, may gusto si Magnet kay Pen," bulong ni Champagne kay James.

Ngumiwi si James. "Kung ako ang papipiliin, ayokong magkalapit ang dalawa. Madali kasing ma-bore sa isang babae si Magnet. Ayokong masaktan niya ang kaibigan mo."

Natawa nang mahina si Champagne. "Eh, di quits lang sila ni Pen. Hindi rin naman nagseseryoso 'yon sa isang lalaki. Baka 'yong best friend mo ang masaktan ng kaibigan ko."

Nagkibit-balikat lang si James. "Matanda na sila. Alam na nila ang ginagawa nila."

Ngumiti lang si Champagne. Mamaya na niya iintrigahin ang love life ni Penelope.

Of Hugot, Memories, At Marami Pang IbaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon