Chapter Nine

2.2K 94 8
                                    

"NAKITA ko nga pala sa bar 'yong ex mo," kaswal na sabi ni Champagne kay Penelope habang naggo-grocery sila ng Linggo nang umaga.

"Anong ex?" pagmamaang-maangan ni Penelope na nakatutok ang atensiyon sa phone nito.

Ipinaikot niya ang mga mata bago inilagay ang spaghetti sauce sa grocery cart nila. "Ex, you know? Minsan letter, madalas hayop."

Natawa si Penelope. Tiningnan siya nito na parang sinasabing gaga siya. "Sigurado akong inaway mo na naman 'yong bartender," anito na ang tinutukoy ay si Gabe. Pagkatapos ng pangit na pagtatapos ng relasyon ng dalawa, hindi na mabanggit ng kaibigan niya ang pangalan ng ex-boyfriend nito.

"Hindi ko siya mapapatawad sa ginawa niyang panloloko sa 'yo," paghihimutok ni Champagne. Naalala na naman kasi niya kung gaano ka-devastated si Penelope isang taon na ang nakakalipas. Nakipag-sex lang naman ang gagong si Gabe sa ibang babae. "Sa isang relasyon, puwedeng patawarin ang kahit anong kasalanan maliban sa pagtsi-cheat. Because cheating is unforgivable. Puwede namang hiwalayan muna ang karelasyon bago makipag-churvahan sa iba, 'di ba? Lalo na kung mabait naman ang partner mo at wala kayong problema maliban sa kating-kati kang magpakamot sa iba. Respeto lang, gano'n."

Muli, natawa lang si Penelope. Pero kita naman sa mga mata nito ang sakit. Para siguro itago iyon ay ibinalik nito ang atensiyon sa kung anumang bina-browse sa phone nito. "Well, gano'n talaga. May dalawang klase lang naman ng lalaki sa mundo. 'Yong una, magpapaniwala sa 'yo na totoo ang fairy tales. 'Yong pangalawa naman, magpapa-realize sa 'yo na walang forever."

"May forever. Hindi lang applicable sa inyo," giit naman ni Champagne. Ang totoo niyan, surang-sura na siya sa mga taong nagsasabing 'walang forever.' Naiintindihan niya ang bitterness, pero minsan, OA na. Bukod sa nasa dictionary ang salitang 'forever,' para sa kanya ay isa iyon sa pinakamagandang salita sa mundo.

Forever meant never-ending. How beautiful was it to possess something that was incessant? It was everyone's dream to hold something dear that would never disappear from their grasp.

Ang problema, na-associate na ang forever sa mga karelasyon, na para bang ang mga boyfriend at girlfriend o mga asawa lang ang puwedeng paggamitan ng salitang forever.

"Talaga? May forever?" nakataas ang kilay na tanong ni Penelope.

"Oo. Ako ang buhay na patunay." Tinapik ni Champagne ang dibdib. "Forever best friend."

Natawa si Penelope, pero bakas ang simpatya sa mukha nito. "The more na kailangan mo ng ka-date para sa engagement party nina Kingston at Gypsy two weeks from now."

Aray, bumuka uli ang sugat sa feelings ni Champagne. Kaninang umaga lang kasi ay nakatanggap sila ng e-mail mula kay Kingston. Iniimbitahan sila ng binata para sa celebration ng engagement nito at ni Gypsy. Pasasalamat daw iyon para sa mga tumulong dito sa pagpo-propose sa babae.

Siyempre, imbitado si Champagne. Bastos, 'no?

"Sayang si James Grande," iiling-iling na sabi ni Penelope, saka iniharap sa kanya ang phone nito kung saan panay business articles tungkol kay James ang makikita (may litrato pa ni James ang iba kung saan nakasuot ng suit at nakapusod nang maayos ang brown na buhok). "Siya pala ang bagong CEO ng Supremeland Corporation. Ipinamana sa kanya ng daddy niya ang posisyon no'ng isang taon lang."

"Supremeland Corporation?" kunot-noong tanong ni Champagne. Ngayon lang niya narinig ang kompanyang iyon.

Ipinaikot ni Penelope ang mga mata na para bang bata ang kausap nito. "Their expertise lies in real property development. Ilan sa subsidiaries ng company nila, eh, ang Indulgence Island Resort Corporation at Supremeland Development, Incorporated. At kanila rin ang Supremeland Tower na araw-araw nating nadadaanan sa Makati."

"Cool," sabi lang ni Champagne, walang interes sa kung gaano kayaman si James Grande. Iniangat niya sa harap ni Penelope ang hawak na magkaibang brand ng red wine. "Ano'ng mas gusto mo sa dalawa?"

"Si James," nakasimangot na sagot ni Penelope. "Champagne, alam kong alam mong si James Grande ang perfect replacement ni Kingston. Guwapo, mayaman, at mukha namang mabait. Ano'ng ayaw mo sa kanya?"

Napasimangot si Champagne. Alam naman niyang naging OA lang siya dahil nakakailang naman talaga na makita ng isang estranghero ang mga dibdib niya sa una nilang pagkikita. Isa pa, tuwing nakatingin siya kay James noon, nakikita niya sa isip ang, well, junior nito. Kaya halos takbuhan niya ang binata nang gabing iyon.

Pero ngayong isang linggo na rin ang lumipas mula noon, nahimasmasan na siya. James Grande was absolutely like another Kingston Montereal in her life which she badly needed.

"Re-reply-an ko na ba si James?" nag-aalangang tanong ni Champagne kay Penelope.

Nanlaki ang mga mata ng kaibigan sa gulat. "Tine-text ka pa rin ni James Grande kahit nilait-lait mo siya no'n sa ospital?"

At tumatawag din, hindi lang niya sinasagot. "Oo. Pauwi pa lang tayo no'n, text na siya nang text. Ang huling message niya sa 'kin kaninang umaga, gusto raw niyang makipagkita."

Isasauli raw ni James ang kanyang blouse. Hindi niya iyon masabi kay Penelope dahil hindi naman niya sinabi sa kaibigan ang eksaktong "first encounter" nila ng binata kung saan nakita na nila ang hindi dapat makita sa isa't isa.

Sa tingin kasi niya, sa kanila na lang dapat ni James ang kung anumang nakita nila sa isa't isa nang gabing iyon.

Hinawakan siya ni Penelope sa mga balikat at niyugyog na para bang ginigising siya. "Friend, ano pa'ng hinihintay mo? Makipagkita ka na kay James Grande! Hindi araw-araw, eh, may milyonaryong Greek god na nagkatawang-lupa na papatol sa ads ng baliw na tulad mo!"

Of Hugot, Memories, At Marami Pang IbaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon