Chapter Twenty

1.5K 75 1
                                    

NAKATULALA si Champagne sa text message ni Kingston sa phone niya. Nag-aalala pala ang binata nang bigla siyang nawala sa party nito kagabi. Sinabi na lang niya na biglang sumakit ang kanyang ulo kaya hindi na siya nakapagpaalam at nagpahatid na lang kay James pauwi.

"Take a rest, Cham," iyon lang ang reply ni Kingston.

Nakakapanibago. Noon, kapag sinabi ni Champagne na may sakit siya, tinatawagan agad siya ni Kingston. Pagkatapos, susunduin siya nito mula sa opisina at ihahatid sa apartment niya para lang masigurong makakapagpahinga siya nang maayos. Siyempre, dadalhan din siya nito ng mga prutas, ipagluluto ng kahit anong gusto niyang pagkain at paiinumin ng gamot.

Pero ano pa ba nga ba ang inaasahan niya? May fiancée na ang kanyang best friend, busy na sigurado sa pag-aayos ng kasal nito. Hindi puwedeng siya pa rin ang unahin nito.

Ah, iyon siguro ang isa sa pinakamasakit na bagay kapag may iba nang mahal ang best friend mo. Hindi na ikaw ang priority niya. Hindi na sa 'yo umiikot ang mundo niya samantalang ikaw, tumigil sa pag-ikot ang mundo nang magpasya siyang magmahal ng iba.

Ang sabi ng iba, hindi puwedeng maging magkaibigan ang isang babae at isang lalaki. Darating ang punto na may isang mai-in love. Ang mas masakit, puwedeng kung kailan naka-move on na iyong isa, saka pa lang mai-in love iyong isa. Bibihira lang ang magkaibigan na sabay nai-in love sa isa't isa. They were probably the lucky ones.

Sa kasamaang-palad, kasama roon si Champagne sa mga unang na-in love. Nagising na lang siya na iba na ang tingin kay Kingston. Lahat ng maliliit na detalye tungkol sa best friend niya, napapansin at iniingatan niya sa kanyang puso. Naging mahalaga ang bawat salita nito, ang bawat gesture, ang bawat tingin na ibinibigay sa kanya.

Naipon ang lahat ng mga iyon bilang memories. Memories na binabalikan niya kapag nalulungkot.

Gaya ngayon.

Habang nakatayo si Champagne sa gilid ng kalsada at naghihintay ng masasakyang taxi, nakatulala siya habang binabasa ang mga old conversation nila ni Kingston. At least, five years' worth of memories ang nakaimbak doon. Iyong iba, nasa lumang phone niya. Hindi naman lahat ng text message ng kanyang best friend ay isine-save niya kaya hindi naman napupuno ang memory ng kanyang phone. Bihira din namang mag-text si Kingston dahil mas madalas itong tumawag.

Iyong mahahalaga lang gaya ng special message ng kaibigan kapag birthday niya, o kahit anong okasyon ang talagang hindi niya binubura. Pero siyempre, mahahalaga rin ang mga random text nito gaya ng 'I miss you, Cham' na tinext nito kahit ilang oras pa lang ang lumilipas mula nang naghiwalay sila.

Pinakapaborito ni Champagne ang mga text message ni Kingston na 'You're the best girl ever' tuwing may gagawin siyang hindi nito inaasahan gaya ng pagdadala ng kape sa opisina nito kapag alam niyang pumasok ito nang may hangover.

Bigla ay parang bumigat ang phone ni Champagne. Kalahating dekada. Daan-daang messages. Isang lumang phone na naging imbakan ng summary ng relasyon nila ni Kingston.

Dumarami ang memories, pero hindi naman umuusad ang kanilang relasyon.

Naputol lang ang mahaba at malalim na pagmumuni-muni ni Champagne nang may kung sinong umagaw ng phone niya kasabay ng sigawan ng mga tao. Sa sobrang gulat at bilis ng mga pangyayari, napatulala na lang siya sa payat pero matangkad na lalaking nakasuot ng orange na T-shirt at itim na shorts, at nakatsinelas na tumatakbo bitbit ang phone niya.

Ang phone na naglalaman ng five years' worth of memories niya kay Kingston.

Natauhan siya at hinabol nang mabilis ang snatcher. "Hoy! Ibalik mo ang memories ko!"

Itinulak ni Champagne ang mga nakakasalubong sa pagmamadali sa paghabol sa snatcher habang sumisigaw ng tulong. Pero wala namang pumapansin sa kanya. Lahat yata ay takot madamay dahil alam naman ng mga tao na hindi kumikilos mag-isa ang mga sindikatong iyon. Gayunman, hindi pa rin siya sumuko.

"Sinabi nang ibalik mo ang memories ko!" sigaw ni Champagne sa paos nang boses dahil kanina pa siya sumisigaw nang napakalakas. Sumasakit na nga ang lalamunan niya. "'Yan na nga lang ang meron ako, aagawin mo pang hayup ka!"

Hindi madaling tumakbo, lalo na at nakasuot siya ng skirt at high-heeled shoes. Iyon ang dahilan kung bakit natapilok siya at nagtuloy-tuloy sa pagbagsak. Ramdam niya ang pagkapunit ng balat sa kanyang mga tuhod at binti. Maging ang mga gasgas sa mga palad na ipinantukod niya sa kalsada para hindi sumubsob ang mukha sa aspalto.

Masakit ang buong katawan ni Champagne. Pero alam niyang hindi ang sakit na iyon ang iniinda niya na dahilan para maiyak siya na parang bata. Naawa yata ang mga tao sa paligid niya dahil nilapitan siya ng mga babae, ng matatanda. Tinatanong kung ano ang nangyari sa kanya, pero wala siyang nagawa kundi ang umiyak.

Noong bata pa, iniiyakan din naman niya ang mga sugat na nakukuha niya mula sa paglalaro. Pero ngayong matanda na siya, sa kabila ng mga sugat, mas iniiyakan na niya ang sakit na nararamdaman ng kanyang puso. Sana ay bata na lang uli siya na kapag nagkasugat, lagyan lang ng Betadine at Band-Aid ay mawawala na ang sakit.

Sana ay maimbento na ang glue na puwedeng magdikit sa nabasag na puso ng isang tao.

Bigla tuloy na-miss ni Champagne ang kanyang mama at papa na naka-base na sa Canada mula nang mag-retire sa kanya-kanyang trabaho limang taon na ang lumilipas. Kinukuha na siya ng mga magulang noon pa pero tumanggi siya dahil nasa Pilipinas ang buhay niya. At naroon kasi si Kingston.

Pero ngayon, parang nakakaengganyo na ang ideya na samahan ang mga magulang sa ibang bansa. Hindi man permanente, pero puwede naman siguro siyang magbakasyon doon nang matagal-tagal.

Ang balak ni Champagne pag-uwi sa apartment ay tatawagan agad niya ang mga magulang. Pero nagbago ang kanyang isip nang makita si James sa tapat ng gusali, nakasandal sa kotse nito habang nakapamulsa, halatang hinihintay siya.

Tiningnan siya ni James mula sa magulong ayos ng kanyang buhok, sa makeup niya na humulas dahil sa pag-iyak, sa mga sapatos na bitbit niya sa kamay dahil nasira ang takong ng isa, sa mga sugat niya sa tuhod, at sa mga paang walang sapin. Oo, sumakay siya sa taxi na ganoon ang hitsura dahil kanina ay wala na siyang pakialam sa mundo.

Halatang nagulat si James sa hitsura niya, pero imbes na magtanong ay lumapit lang ito at niyakap siya nang mahigpit.

The warmth and the strength of his body were comforting. Mugto na sigurado ang kanyang mga mata. Sa totoo lang, masakit na nga pero habang naroroon siya sa malalakas na bisig ni James, nakaramdam siya ng panghihina. Na para bang okay lang na maging mahina dahil hindi siya pababayaan ng lalaki.

Binitawan ni Champagne ang kanyang mga sapatos. Isinubsob niya ang mukha sa dibdib ni James at ipinulupot ang mga braso sa baywang nito habang umiiyak.

"Na-snatch ang phone ko kanina," parang batang sumbong ni Champagne. "Na-snatch ang memories ko."

"Sshh. Papalitan natin 'yan," malambing na sabi naman ni James. "Papalitan ko ang mga 'yon."

Of Hugot, Memories, At Marami Pang IbaWhere stories live. Discover now