Chapter Eight

2.1K 89 1
                                    

"IKAW lang ang kaisa-isang babae na minura ako. Kahit nanay ko, hindi ako minura ni minsan. Ibang klase ka, Miss Morales. Totoo nga 'yong nakalagay sa ads mo na namumutawi ng mga interesanteng salita ang bibig mo."

Naiinis na pumihit si Champagne paharap kay James, dahilan para pareho silang huminto sa paglalakad sa gitna ng hallway. Mabuti na lang at floor iyon ng mga private room kaya wala masyadong dumadaan. "Mr. Grande, bakit mo naman ipinagkalat sa mga nurse at doktor dito na may ginagawa tayong milagro sa banyo kaya ako nadulas at nabalian ng braso?"

Napakurap-kurap si James, pagkatapos ay ngumisi. "Oh, that?" Nagkibit-balikat ito. "Tinanong ako ni Doc Agoncillo kanina kung ano'ng nangyari at kung kaano-ano kita. All I said was my fiancée and I were in the shower when she slipped and hurt her arm. I left it to his imagination. Hindi ko naman puwedeng sabihin ang totoo dahil baka isipin nilang kinidnap kita." Hinimas-himas nito ang mabalbas na baba. "Akalain mo 'yon, ang creative din pala ng mga tao sa ospital? Nice."

Lalong nakaramdam ng matinding inis si Champagne para kay James. Obviously, he was enjoying himself. Kung magaling lang ang kanang braso niya, nasapak na niya ang lalaking ito. Unang tingin pa lang niya sa pilyo at kulay-tsokolate nitong mga mata, alam niyang wala itong mabuting idudulot sa kanya.

Pero hinding-hindi na talaga ako babalik sa ospital na 'to!

"Mr. Grande, pasensiya na kung naabala kita. Salamat sa lahat ng naitulong mo sa 'kin. Pero sa tingin ko, hindi magandang ideya kung magkikita pa uli tayo," matapat na sabi ni Champagne. Isa pa, tuwing naaalala niyang nakita ng lalaking ito ang hindi dapat makita sa kanya, pakiramdam niya ay gusto na niyang lamunin na lang ng lupa. It might not be a big deal to him, but to a virgin like her, it meant a lot.

Halatang nabigla si James sa mga narinig. "Wow. You really don't like me, huh?"

Muntik na sanang makonsiyensiya si Champagne nang gumuhit ang sakit sa mga mata ni James. Pakiramdam niya ay ang sama-sama niya. Hanggang sa ngumisi ito.

"That only makes me like you more," tila excited na sabi ni James.

Ipinaikot ni Champagne ang mga mata. Boys and their chasing game.

"Let me drive you home," nakangiting alok ni James. "Bali 'yang braso mo. Hindi ako papayag na umuwi kang mag-isa."

"Hindi naman ako naimbalido," giit ni Champagne. "Isa pa, sa mahigit na dalawang daang buto sa katawan ko, walang binatbat ang injury na 'to kompara do'n sa nag-iisang vital organ na nadale sa 'kin. Broken heart nga, na-survive kong mag-isa, broken arm pa kaya?"

Kumunot ang noo ni James, halatang naguluhan sa mga hugot niya.

Bahala ka sa buhay mo.

"Champagne?"

Ah, salamat sa magandang timing, Penelope!

Nilayasan niya si James para salubungin si Penelope na kalalabas lang ng elevator. Nanlaki ang mga mata ng kaibigan nang makita siya, partikular na ang cast sa kanyang braso.

"Friend, ano'ng nangyari sa 'yo?" nag-aalalang tanong ni Penelope.

"Sa bahay ko na lang ikukuwento," sabi ni Champagne, saka hinawakan ang kamay ng kaibigan para sana hatakin na. Pero tila natulala ito habang may kung sinong tinitingnan sa likuran niya. "Pen?"

"May Greek god na bumaba sa earth," wala sa sarili na sabi ni Penelope.

Napaungol si Champagne. Alam niya kung sino ang tinutukoy nito.

"Hi, Miss Morales' friend!" masiglang bati ni James kay Penelope.

At talagang tumayo pa sa tabi ni Champagne ang mokong.

"'Yong totoo. Sinong Greek god ka?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Penelope.

Natawa nang mahina si James, halatang enjoy na enjoy sa atensiyon ni Penelope. Inilahad pa ng binata ang kamay sa kaibigan. "Apollo. But I go by the name of James Grande in this era."

Napabungisngis naman si Penelope, mukhang bentang-benta ang kalandian ni James. "Penelope. Champagne's best friend."

James seemed to squeeze Penelope's hand before letting go. "I wish I could say that I am Miss Morales' boyfriend, but she just turned me down. Hindi ko alam kung paano ko ide-describe ang relasyon ko sa kanya."

Muling napaungol si Champagne sa pagrereklamo nang tingnan siya ni Penelope na para bang nababaliw na siya. "Hindi siya pasado sa requirements, okay?"

"Requirements?" kunot-noong tanong ni Penelope. Hanggang sa umaliwalas ang mukha nito na parang naiintindihan na ang ibig niyang sabihin. Nakangiting binalingan nito si James. "Oh. Interesado ka sa ad ni Champagne?"

Tumango si James. "Oo sana. Pero hindi raw ako pasado sabi ng kaibigan mo."

Tinapunan si Champagne ni Penelope ng masamang tingin, pagkatapos ay iminuwestra nito si James. "Ano'ng hindi mo nagustuhan sa Greek god na ito?"

Tumango-tango si James. "Gusto ko ring malaman 'yan."

Naiinis na si Champagne sa dalawa. Feeling niya, eh, magiging super friends ang mga ito kapag nagkaroon ng chance. Kaya sinabi na lang niya ang unang bagay na hindi niya gusto sa binata. Iminuwestra niya ang buhok nito. "Ayoko sa mga long-haired, 'di ba? Saka gusto ko, clean shaven ang mga lalaki. Mas malinis tingnan."

Nagkaroon ng nakakailang na katahimikan.

Nilingon ni Penelope si James, binigyan ng may simpatyang tingin ang binata. "Sorry, James. Pangit talaga ang taste niyan sa mga lalaki, eh."

Tinawanan lang iyon ni James. Gaya ng madalas mangyari, mukhang hindi naman ito na-offend.

Hinawakan ni Champagne ang kamay ni Penelope. "Tara na nga."

"Puwede ko kayong ihatid," alok ni James.

"Hindi na. Salamat na lang," mabilis na tanggi ni Champagne bago pa makapag-react si Penelope. "May sasakyan naman si Pen. Nice meeting you na lang."

Bago pa makapag-react si James ay hinila na ni Champagne ang kaibigan papasok sa loob ng elevator kung saan nanatili siyang nakatingin sa mga pulang numero sa itaas para iwasang tumingin kay James. Habang hinihintay nilang sumara iyon ay tinanong ni Penelope ang lalaki kung hindi raw ba ito sasabay sa kanila sa pagbaba. Hindi sumagot ang lalaki kaya nagbaba siya ng tingin.

And then Champagne was greeted by a smiling James. His eyes were twinkling in delight as he looked at her intently. Hindi niya alam kung imahinasyon lang, pero para bang siya lang ang nakikita ng binata nang mga sandaling iyon habang nakapamulsa ito at nakatayo lang sa gitna ng pasilyo.

Pagkatapos ng ilang sandali, itinaas ni James ang isang kamay. Kumaway ang binata kay Champagne bago tuluyang sumara ang elevator. Hindi siya sigurado, pero parang nabasa niya sa mga labi ni James ang ibinulong nito sa kanya.

See you.

Of Hugot, Memories, At Marami Pang IbaWhere stories live. Discover now