Chapter One

8.2K 144 25
                                    

"PAANO ka syosyotain ng best friend mo kung nakukuha na niya sa 'yo ang benefits ng isang girlfriend, minus the commitment and sex?"

Natigilan si Champagne sa ginagawang paghahanap ng flash drive sa drawer dahil sa sinabi ng roommate na si Penelope. Kunot-noong nilingon niya ang kaibigan na nakadapa sa sahig na parang nagpa-planking. "Huh?"

Iminuwestra siya ni Penelope. "Kapag may naiiwan siyang gamit, ikaw ang naghahanap at nagdadala sa kanya n'on. Kapag kailangan niya ng ka-date sa mga party na pinupuntahan niya, ikaw ang isinasama niya para may pang-front siya sa mga kaibigan o ex-girlfriends niya na gusto niyang itaboy. Kapag may bibilhin siya sa mall, kahit isang araw lang ang nag-iisa mong rest day sa trabaho, hahatakin ka pa rin niya para lang hingin ang opinyon mo sa kung anong kulay ng briefs ang bibilhin niya."

"Boxer briefs ang ginagamit ni Kingston, hindi briefs," pagtatama ni Champagne, saka bumalik sa pagkakalkal sa drawer. "Saka ang tawag sa ginagawa ko, friend duties."

"May mas magandang term d'yan—pagpapakatanga."

Natawa naman si Champagne, sanay na sa pagiging prangka ni Penelope. "Paano naman naging pagpapakatanga ang pagtulong sa kaibigan ko kapag kailangan niya 'ko?"

"Kapag may halong expectations ang tinatawag mong 'friend duties,' pagpapakatanga na ang tawag do'n," pumapalatak na sagot ni Penelope. "Champagne Morales, sabihin mo nga sa 'kin. Naaalala ka ba ng best friend mo kapag lumalandi siya? Hindi, 'di ba? Tuwing masaya siya sa kandungan ng kung sinumang celebrity o model na idine-date niya, lungkut-lungkutan ka naman sa sulok. Kasi nasasaktan kang makita siyang may kasamang ibang babae habang ikaw, ni abs ni Nick Bateman ay hindi mo ma-appreciate dahil wala kang ibang nakikita kundi 'yang Kingston Montereal na 'yan."

Napangiti si Champagne nang makita ang hinahanap niyang flash drive. Noong nakaraang linggo kasi ay may kinopyang movies si Kingston sa laptop niya. Naiwan nito ang flash drive sa kanya, at kanina ay tumawag ang binata at sinabing kailangan nito iyon ngayon.

Hinarap ni Champagne si Penelope na nakatihaya na ngayon sa sahig habang nakatingala sa kisame. "Ano ba'ng issue mo sa friendship namin ni Kingston? Masaya naman ako na maging kaibigan niya, ha?"

"Ten years, Champagne. Ten years na ang sinasayang mo sa buhay mo sa pagiging best friend ng lalaking bulag na 'yon!"

"Bakit naman sayang agad? Wala pa naman ako sa finish line."

Kunot-noong tumingala sa kanya si Penelope. "Bakit? Ano ba ang finish line?"

"Ang maging wife niya."

Binigyan siya ng kakaibang tingin ni Penelope. Pagkatapos ay bigla itong natawa. "Seryoso?"

Ngumiti si Champagne na puno ng kumpiyansa. "Pen, ten years na kaming magkaibigan ni Kingston. Ako 'yong taong mas kilala siya kaysa sa pagkakakilala niya sa sarili niya. At alam ni Kingston 'yon. Kapag napagod na siya sa pakikipag-date sa kung sinu-sinong artista o model o socialite, sa 'kin din siya babagsak. Kasi alam niyang ako 'yong pinaka-perfect na makasama niya forever. Even his family loves me."

Natawa si Penelope, halatang hindi naniniwala sa mga sinasabi niya.

Imbes na mainsulto ay ngumiti lang si Champagne dahil sanay na siya sa pagiging pessimist ng kaibigan. "Hey, don't laugh! I'm serious! Ang totoo nga niyan, may savings account ako na nakalaan para sa pagpapagawa ko ng dream wedding gown ko. Para sa kasal namin ni Kingston. Magiging kami rin someday."

Sa pagkakataong iyon ay napahawak na sa tiyan si Penelope habang wala pa ring patid sa pagtawa. "Sinasabi ko na nga ba, eh. Imposibleng hindi ka mabaliw pagkatapos mong ma-friend zone sa loob ng ten years."

Of Hugot, Memories, At Marami Pang IbaWhere stories live. Discover now