"Oh, nanalo ka ba? Hindi 'di ba? Alam mong pwede kang manalo, pwede ka ring matalo. Walang masama kung sumubok, pero sa sitwasyon natin, bahay at lupa natin ang tinaya mo. Ano na ngayon? Paano na, ha? Wala na nga tayong matitirhan, binigo ko pa ang mga magulang ko. Pinangako ko na aalagaan ko itong bahay. Paano na?"

Nanghihina si Tita sa bawat salitang binitawan na tila nauupos na kandila. Napaawang ang labi ko nang mag-sink in sa akin ang lahat.

At ngayon, naintindihan ko na ang lahat. Natalo si Tito, itinaya niya ang bahay at lupa. Wala na kaming matitirhan.

Nag-init ang sulok ng mata ko at tinakpan ang bibig. Hindi madali ang buhay namin. Minsan, dumarating sa point na halos wala kaming makain. At ang comfort lang namin ay may tirahan kami. At ngayon...wala na.

Kinaumagahan ay tahimik kami sa hapag kainan. Ramdam ang lungkot at tensyon dito. Napatingin ako sa inosenteng mukha ni Ella. Tingin ito nang tingin sa mga magulang niya. Alam kong ang tangi niyang naiisip ay magkaaway ang magulang niya. Hindi niya naiisip ang tunay na dahilan dahil masyado pa siyang bata.

Nagawi ang tingin ko sa mga karton at ilang malalaking bag kung saan naroon ang mga gamit namin.

"Anong plano mo Alvin?" malamig na saad ni Tita. Nakita ko ang lungkot sa mata ni Tito ng hindi niya narinig ang malambing na boses ni Tita at endearment pa nilang 'mahal'.

"Doon tayo kila Nanay. Malaki-laki naman ang bahay nila," tugon ni Tito. Nalukot ang mukha ni Tita ngunit nanahimik na lamang. Alam kong hindi sila in good terms ng nanay ni Tito.

Matapos mag-asikaso ay nilagay na ang mga gamit namin sa jeep na pinahiram ng kapit-bahay namin na kaibigan nina Tita.

Malungkot kong pinagmasdan ang bahay na kinalakihan ko. Ang bahay na saksi nang halos ng lahat ng pangyayari sa buhay ko. Ang bahay na kahit sandali ay nakitang nasa bisig ako ng aking ina. Pinalis ko ang umalpas na luha at tumalikod. Puno ng lungkot ang kalooban ko hanggang sa makapasok sa jeep.

Tahimik lamang kami sa byahe, matapos ang ilang oras ay tumigil kami sa bahay na medyo may kalumaan na. Pero maganda pa rin ito.

Inilibot ko ang tingin sa paligid. Payapa ang lugar na 'to. Hindi naman ganoon kalayo sa dati naming tirahan pero iba ang atmospera dito na malamang ay dahil sa mga mayayabong na halaman at puno.

Pagpasok namin ay sinalubong kami ng isang matanda. Nakataas ang kilay nito at pinasadahan kami ng tingin. Akmang mag-mamano si Tita ngunit inismiran niya ito.

"Nay," saad ni Tito at bakas sa boses na hindi natuwa sa inasta ng kaniyang ina. Tinaasan lamang niya ng kilay ang huli.

Hindi ganoon kalaki ang bahay. Isang palapag lamang, at may tatlong kwarto. Isang kwarto lamang ang nakalaan sa amin. Hindi rin ito ganoon kalaki at may iisang kama na mukhang tatlo lamang ang kasya.

Nagsusuklay ako ng buhok dahil tapos na rin ako maglatag ng higaan nang pumasok sila Tito at Tita. Buhat-buhat ang tulog na tulog na si Ella. Marahan niya itong inilapag sa kama.

Napatingin sa akin si Tita Elaine. Tumaas ang kilay nito.

"Bakit ka naglatag?" Tanong niya. Napatingin rin sa amin si Tito.

"Ah, dito po ako matutulog," tugon ko. Nakakahiya naman kung si Tito ang matutulog dito, e anak siya ng may-ari.

"Hindi. Dito tayo sa kama. Hayaan mo ang Tito mo diyan," saad niya at inismiran ang asawa. Tumingin sa akin si Tito at tumango.

"Sige na, Eirian," aniya. Nag-aalangan akong humiga sa tabi ni Ella. Pinagitnaan namin siya. Bago ako pumikit ay narinig ko pa ang pagsuyo ni Tito kay Tita.

Maaga akong nagising. Mas nauna pa ako kila Tita. Dahan-dahan akong kumilos at nag-asikaso bago lumabas. Nakikitira ako sa ibang bahay, sa hindi ko kamag-anak dahil hindi ko naman kadugo si Tito... si Tita lamang. Kaya dapat mas maging maingat ako. Napatingin ako sa malaking relo. Alas-singko pa lang ng umaga.

Pagdating ko sa kusina ay nakita ko na si Lola Iseng na nagkakape sa lamesa. Nagtaas siya ng kilay nang makita ako.

"Sabit na nga lang, tamad pa. Tanghali magising. Ang kapal ng mukha."

Wala man siyang binaggit na pangalan alam kong ako ang sinasambit niya dahil kami lang naman ang nandito.

"M-magluluto na po ako ng umagahan." Magsisimula na sana akong kumilos nang tinapik niya ako.

"Hindi. Ayokong hawakan mo ang mga gamit ko. Ang gusto ko, umalis ka dito. Hindi naman kita kaano-ano," singhal niya.

"Mama!" Nabigla kami pareho ni Lola nang may sumingit sa amin. Nanlaki ang mata ko nang makita ang namumulang si Tita Elaine. Lumapit ito sa akin at hinawakan ako sa balikat at itinago sa likod niya.

"Wag po niyong ginaganyan ang pamangkin ko. Kung galit kayo sa akin, wag kay Eirian. aniya.

"Tita.." pagpapakalma ko.

Ayokong lumala ang gulo sa pagitan nila lalo na kung ako lang ang dahilan.

"Aba't. Ang kakapal talaga ng mukha ninyo! Nakikitira na nga lang kayo!"

"Opo, nakikitira lang kami pero sana wag niyo naman po kaming babastusin. Lalo na si Eirian na nagmamagandang-loob lang!" Hinila ako ni Tita paalis do'n at pumasok sa kwarto.

Napangiti ako habang pinagmamasdan siya. Napaka-bait talaga ni Tita. Alam kong mahal niya ako.

"Hayaan mo 'yung matandang yun. Sumosobra na iyon eh. Nananahimik ako kahit anong ginagawa niya, wag lang ikaw at si Ella ang galawin niya!" Nang-gigigil na saad niya.

Malungkot akong ngumiti bago hinaplos ang balikat ni Tita. Kahit saan naranasan ko na ang ganito. Being neglected, rejected or unwanted. At sila Tita, Tito at Ella lamang ang tumatanggap sa akin nang buo. At nagpapasalamat ako para do'n.

"Tita..." Saad ko.

"Ano iyon? May kailangan ka ba?" Hinaplos niya ako sa buhok. Napapikit ako pero maya-maya ay may umalpas na luha mula sa mata ko.

"M-may problema ka ba, pamangkin ko? Ano iyon Eirian? Hayaan mo na si Mama. Matanda na kasi iyon," pag-aalo niya.

"Mamimiss ko lang po kayo," saad ko. Kumunot ang noo niya.

"Bakit? Saan ka pupunta?" Aniya.

"Nakapag-desisyon na po ako. Tatanggapin ko po iyong offer. Papasok na ako sa Angst Academy," saad ko.

*****

Supladdict<3

Angst Academy: His QueenWhere stories live. Discover now