CHAPTER 60

105K 1.7K 10
                                    

Naging maliksi ang mga mata ni Guia habang pinagmamasdan ang mga lalaking nakabantay sa kaniya.

Umalis ang lalaking tinatawag ng mga itong "Boss" kanina at may pupuntahan daw. Naiwan ang tatlong lalaki na nagbabantay sa kaniya.

Ang tatlong mga lalaking iyon ay tulog na habang nakahilig ang mga ulo sa mesa dahil sa kalasingan at malalakas ng humihilik.

Nanahimik na ang paligid na kanina ay pinuno ng mga ito ng mga halakhakan. Tanging hampas na lamang ng mga alon sa labas ang naririnig niya.

Bigla siyang kinilabutan nang may marinig na mahinang kaluskos sa likuran niya. Inignora niya ang mga kaluskos at nag-concentrate sa pag-iisip ng paraan kung paano siya makakatakas at mahanap si Kelly.

Napasinghap siya nang may kamay na biglang tumakip sa bibig niya.

"Guia,it's me," rinig niyang bulong ni Kelly sa likuran niya.

Napalingon siya rito, ito pala ang naririnig niyang gumagawa ng kaluskos kanina! Naramdaman niyang lumuwang ang pagkakatali ng mga kamay niya.

Naalis na pala nito ang pagkakabuhol ng lubid na nakagapos doon. Agad naman nitong sinunod ang lubid sa mga paa niya.

Mariing pinagmasdan niya ang mga lalaking tulog at baka magising ang mga ito. Pero duda siyang magigising ang mga ito bago pa man maisagawa ni Kelly ang ginagawa. Ang bilis kasi ng mga kilos ng babae!

Hinila ni Kelly ang kamay niya at inalalayan siyang tumayo.

"Let's go!" mahinang sambit nito saka hinila uli siya paalis.

Dahil sa pagmamadaling makaalis ay hindi niya napansing nakaharang sa dinadaanan niya ang silyang inuupuan niya kaya natisud siya roon at natumba.

Agad na lumikha ng ingay ang silyang nakatisud sa kaniya dahil natumba rin iyong kasama niya.

"Damn!" napamura si Kelly.

Nahigit niya ang hininga nang malingunan ang mga lalaking nagbabantay sa kaniya. Nagising ang mga ito at nakatingin na sa kanila!

"Hurry up,Guia!" sigaw ni Kelly sa kaniya.

Mabilis na hinawakan ni Kelly ang braso niya at hinila siya para tumakbo papasok sa mga makikipot na espasyong pinapaligiran ng mga malalaking kaing. Nagpatianud naman siya rito.

"Pare, tumatakas ang mga bihag!" sigaw ng isa sa mga kidnappers.

Napasigaw siya nang makarinig ng mga putok ng baril sa likuran nila.
Hindi na niya ininda ang pananakit ng katawan at ulo at mabilis na tumakbo kasama si Kelly.

Hindi niya alam kung saan sila papunta basta sumuot lang sila sa mga makikipot na daanan doon.

Nagulat siya nang itulak siya ni Kelly sa isang sulok at pilit na pinapaupo samantalang nagtago naman ito sa kabilang sulok na katulad ng kinauupuan niya.

Pinagmasdan niya ito habang may binubunot na baril sa likuran ng pantalon. Nasapo niya ang bibig nang mag-umpisang paulanan nito ng mga bala ang humahabol sa kanilang mga lalaki.

Limang magkakasunod na mga putok ang pinakawalan ng babae saka nagtago uli sa kinasasandalan nitong kaing. Gumanti naman ng putok ang mga kalaban.

Mula sa bibig ay lumipat ang mga kamay niya sa magkabilang tenga. Nabibingi siya sa lakas ng mga putukan.

God, please save us! daing niya.

Pinaputukan uli ni Kelly ang mga lalaki. Kinabahan siya nang sunod-sunod na gumanti rin ng mga putok ang mga kalaban. Mabuti na lang at mabilis na nakapagtago si Kelly sa likuran ng kaing bago pa man ito tamaan ng bala.

Hindi na magkamayaw ang puso niya sa kaba. Takot na takot siya sa mga nangyayari.

Sandaling tumigil ang putukan, nakita niyang sumilip si Kelly sa mga kalaban saka pinaputukan uli ang mga ito.

Nang tumigil ito sa kakabaril ay tumayo uli ito at hinila ang kamay niya.

"Let's go!" anito. Mabilis siyang tumayo at sumunod dito.

Nang lingunin niya ang mga lalaking humahabol sa kanila ay nahindik siya. Duguan ang mga ito habang nakahandusay sa sahig.

"Hurry up,Guia!" anas ni Kelly.

Binilisan na rin niya ang pagtakbo. Ilang minuto rin silang tumatakbo hanggang sa umabot sila sa isang nakapinid na pinto.

Nagpalinga-linga sila ni Kelly ngunit wala na silang makitang puwedeng malusutan. Pinapalibutan kasi sila ng mga naglalakihang kaing at bariles. Wala rin silang nakitang mga bintana.

Dead End.

Sinubukang buksan ni Kelly ang seradura ng pinto ngunit hindi bumukas iyon.

"Step back,Guia!" utos nito sa kaniya. Tumalima naman siya at nagtungo sa likuran nito. Itinutok nito ang baril sa seradura ng pinto saka pinaputukan iyon ng ilang beses.

Nang tangkain nitong buksan uli ang pinto ay naka-lock pa rin iyon.

Namangha siya nang bigla nitong tanggalin ang dalawang heels ng boots nito saka itinusok sa maliit na butas ng doorknob. Kinalikot nito iyon hanggang sa magtanggalan ang mga parte ng seradura.

Ginalaw uli nito ang seradura at laking pasalamat niya nang bumukas na iyon. Napayakap tuloy siya kay Kelly sa tuwa. Ang galing-galing nito! Nakapahusay nito!

Naramdaman niyang nag-alangan itong gumanti sa yakap niya kaya lumayo na siya rito. Tumango lang ito sa kaniya saka tuluyang binuksan ang pinto.

Sa wakas makakaalis na sila sa lugar na iyon. Sa wakas ay makakausap na niya si Diego dahil alalang-alala na siya rito.

Nahigit niya ang hininga nang imbes na tuluyan na silang makatakas ay may humigit kumulang dalawampung armadong lalaki ang naghihintay sa kanila sa labas.

Nakatutok sa kanila ni Kelly ang mga baril na hawak ng mga ito. Sa gitna ng mga ito ay ang tinawag ng mga itong "Boss". Hindi maipinta ang mukha nito saka marahas na hinablot ang buhok niya.

Akmang susugurin ito ni Kelly ngunit mabilis na nahawakan ng dalawang lalaki sa likuran nito ang mga braso ng babae.

"Dalhin na ninyo ang dalawang ito sa abandonadong daungan!" sigaw ng Boss ng mga ito.

Agad na lumapit ang isa sa mga kasama nito sa kanila ni Kelly at kinabitan sila ng mga posas sa kamay. Mayamaya ay hinila na sila nito at dinala sa sinasabi nitong abandonadong daungan.

Undercover Heart (Completed)Where stories live. Discover now