Petal Two: "Only for Her"

2.8K 88 10
                                    

Petal Two: “Only for Her”

~**~**~**~**~**~**~**~

He Says

~**~**~**~**~**~**~**~

“Yuan Lim, sa loob ng tatlong buwan, puwede ba kitang maging boyfriend?”

Xiara Ching.

Iyan daw ang pangalan ng babaeng lumapit sa akin kanina.

Nakakahiya. Ako ang nahiya sa ginawa niya kanina. Kung siya eh hindi nahiya, pwes ako ay hiyang-hiya. Nakakahiya talaga ang ginawa niya. Hindi ko akalaing ang isang nerd na katulad niya ay may tinatagong pagiging isang modernang babae. Siya pa talaga ang lumapit. Sinabi pa talaga niya ‘yun. Hiyang-hiya talaga ako kanina. Idagdag pa ang mga pangangantiyaw ng mga kaibigan ko. At pinilit pa nila akong kunin ang pesteng papel na inabot ng babaeng ‘yun.

Kinuha ko mula sa bulsa ko ang papel. Binuksan ko iyon. May nakasulat na numero. Para namang ite-text ko siya. Asa. Inihagis ko ang papel sa loob ng compartment ng lamesa ko dito sa classroom. Itatapon ko na sana kaso ang layo ng basurahan at tinatamad akong tumayo.

“Dude, nandiyan na si Katie!” biglang sabi ni DJ. Agad naman akong tumingin sa pintuan. Bumungad sa akin ang kagandahan ni Katie. Ang ganda niya talaga. Perpektong mukha, perpektong hubog at perpektong buhok. Lahat sa kanya ay perpekto para sa akin. Ngumiti siya sa mga bumati sa kanya.

“Bakit ‘di mo siya lapitan?” tanong ni DJ.

Kumunot ang noo ko. “Para ano? Para mapahiya na naman sa harapan ng ibang mga kaklase natin?”

Tumawa si DJ. “Mukhang ayaw niya talaga sa’yo, Dude!”

Nagbuntong-hininga ako at pinagmasdan si Katie habang naglalakad papunta sa upuan niya. Pinagkakaguluhan na naman siya ngayon at bukod sa mga lalakeng nakapaligid sa kanya, pati mga babae ay nakikigulo na rin. “Ayaw pa niya ‘kong sagutin, pero ‘di naman niya ‘ko binabasted. ‘Di ko na nga alam kung saan ako lulugar eh,” sabi ko.

Umiling si DJ. “Alam mo, Dude, OK ka na eh. Ibig kong sabihin eh wala namang kulang sa’yo maliban sa isang bagay.”

Lalong kumunot ang noo ko at agad naman akong napatinging muli sa direksiyon ni Katie kung saan biglang naghiyawan ang mga tao.

“Whoa! You’re the man, Bry!” “Ikaw na!” “Galing!”

Naikuyom ko ang kamao ko at susugod na sana ako, pero bigla akong pinigilan ni DJ.

“Huwag mo nang ituloy ang binabalak mo, Dude. Baka mapatapon ka lang sa guidance office.”

Napaupo ulit ako sa silya.

Ang sakit. Paano hindi magiging masakit eh nakita mong hinalikan sa labi ng isang lalaki ang mahal mong matagal mo nang nililigawan?  Paano hindi magiging masakit eh hindi naman sila ng lalaking iyon?  At paano hindi magiging masakit eh imbes na magalit ang mahal mo, namula pa siya at halatang nagustuhan ang ginawa ng lalaking iyon?

Mula pa noong third year, nililigawan ko na si Katie. Unang tingin ko pa lang sa kanya, nabihag na niya ang puso ko. Baduy man, tinamaan talaga ako.

Torpe ako. Pero naglakas-loob akong lapitan siya noong third year at naglakas-loob din akong magtapat ng nararamdaman ko para sa kanya. Pumayag naman siyang ligawan ko siya kahit na may iba siyang nagugustuhan noong mga panahong iyon. Maraming nanliligaw sa kanya at nakipagsabayan ako sa mga iyon. Ganoon ko siya kamahal. Naging sila ng isa sa mga manliligaw niya, pero hinayaan pa rin niya akong manligaw sa kanya. Lalo akong nahulog sa kanya kahit na may iba siyang karelasyon.

Petals of LoveWhere stories live. Discover now