Chapter 11

41.4K 832 27
                                    

Chapter 11

Panay ang sulyap ko kay Papa na siyang nasa mesa at umiinom ng kape. Gusto ko siyang lapitan para sabihin sa kaniya ang tungkol sa paglipat ko sa apartment pero hindi ko alam kung sa paanong paraan ko sisimulan.

Masama man ang loob ko sa kaniya dahil sa ginagawa niyang pangbabaliwala sa akin, alam kong kailangan ko pa rin magpaalam sa kaniya tungkol sa desisyon ko bilang respeto na rin. Ano man ang mangyari, ama ko pa rin siya. Kung may pagkukulang man siya sa akin, Diyos na lang ang bahala sa kaniya.

Huminga ako nang malalim. Mas magandang kausapin siya ngayong wala sa paligid si Auntie Rose. Walang kontrabida.

Tahimik at mabagal akong naglakad palapit sa gawi niya. Dahil nakatalikod ay hindi niya namamalayan ang presensiya ko. Nakatitig rin siya sa kawalan at tila malalim ang iniisip.

Napahinto ako. Kung huwag na lang kaya ako magpaalam? Mukha naman kasi wala na siyang pakialam sa akin. Kung mawala ako dito, baka hindi na rin niya ako hanapin.

"May kailangan ka, Fatima?"

Bago pa man tuluyang makapagdesisyoy ay pumailanlang na sa tainga ko ang boses ni Papa. Kahit pala hindi niya na ako lingunin ay nararamdaman niya na ang presensiya ko.

Isang beses pa akong bumuntonghininga at naglakad a palapit sa kaniya. Nagtama ang mga mata namin. Titig na titig siya sa akin hanggang sa maupo ako sa harapan niya.

"Tila ba ngayon na lang ulit kita nakita." panimula niya.

Itinuon ko ang mga mata sa mesa. "Palagi po akong maaga umaalis. Abala po sa trabaho at pag-aaral."

"Kumusta na ang pag-aaral mo?"

Simpleng tanong pero nagbigay kirot sa puso ko. Ang tagal na panahon ko nang gusto marinig sa kaniya ang tanong na iyon. Gusto kong marinig sa kaniya ang kumustahin niya ako sa pag-aaral ko.

Simula ng mabulag siya sa pagmamahal niya kay Auntie Rose, hindi ko na naramdaman pang may pakialam siya sa akin.

"Maayos naman po. Nakakaraos pa."

Narinig ko ang malalim niyang paghinga. Hangga't maaari, ayaw kong tumingin sa mga mata niya dahil nag-aalala akong makikita niya ang sakit sa mga mata ko.

"Nandito po ako, Papa, para magpaalam sa inyo. Bubukod na po sana ako at titira sa isang apartment na malapit sa trabaho ko."

Hindi siya sumagot. Saka pa lang ako nagkaroon ng lakas ng loob tingnan siya sa mga mata. He was staring deeply at me and I had to stare at him back just to show him that this is what I really want. Na hindi man siya pumayag, aalis pa rin ako sa puder niya.

"Magiging totoo na po ako sa'yo, Papa. Hindi ko na po kaya manirahan sa bahay na ito kasama sina Auntie Rose at Winona. Wala po akong kapayapaan sa bahay na ito at ayaw ko po dumating sa puntong pati ang pag-aaral ko ay maapektuhan. Mahal ko po kayo pero naniniwala po akong puwede pa rin tayo maging mag-ama nang hindi na kailangan pa magsama sa iisang bubong."

Nag-iwas siya ng tingin sa akin. Sa isang banda, napansin ko ang pagdaan ng sakit sa mga mata niya.

"Marami akong pagkukulang sa'yo, Fatima. Alam kong ang responsibilidad ng isang ama ay hindi ko na rin nagagampanan pa at humihingi ako ng tawad sa'yo."

Nag-iwas ako ng tingin sa ikalawang pagkakataon. Hindi naman ako umaasang hihingi siya ng tawad sa akin. Pero kung gagawin niya, sigurado naman akong kaagad ko rin siya mapapatawad. Mabilis rin akong lalambot dahil ama ko pa rin siya.

"Alam kong sa mundong ito, kakayanin mo ang mabuhay kahit pa wala ako. Hindi mo kakailanganin ang tulong mo dahil kung tutuusin ay mas malakas at matapang ka pa nga kaysa sa akin. Namana mo ang ganiyang pag-uugali ng Mama mo. Naaalala kong ganiyan rin siya noong panahon namin."

Suarez Empire Series 3: The Devil's TouchМесто, где живут истории. Откройте их для себя