Chapter 3

46.8K 903 23
                                    

Chapter 3

Napakamot ako sa ulo nang umiling si Papa sa akin. Sa ganoong reaksyon niya, mukhang negatibo na naman ang magiging sagot niya.

Lagi naman.

"Pasensiya ka na, Fatima. Naibayad ko na kasi ang pera sa catering service para sa gaganaping kaarawan ni Winona."

Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang ginawang pagngisi ni Auntie Rose habang nakatingin sa akin, tila nang-aasar. Kung hindi ko lang ama ang kaharap, at kung wala lang akong respeto sa mga matatanda, siguradong kanina ko pa sila nasagot parehas.

"Sarili mong anak ay hindi mo magawang gastusan, Papa? Pero ang anak niyang babae mo ay walang alinlangan mo pong pinag-aaksayahan ng pera?" hilaw akong natawa. "Ano pong nangyari sa pangako mo sa akin na magpapaka ama ka pa rin kahit wala na si Mama?"

"Aba't! Malaki ka na, Fatima! Maawa ka naman sa ama mo na pati pag-aaral mo ay inaasa mo pa sa kaniya-"

"At iyang birthday po ng anak mo ay ayos lang gastusan? May pa catering service pa! Ano'ng feeling n'yo sa Papa ko? Mayaman?"

Nanglaki ang mga mata ni Auntie Rose sa akin. Kung wala lang siguro si Papa dito, malamang ay hinaklit niya na naman ang buhok ko. Kapag ginawa niya iyon, lalaban ako. Oo at masama ang pumatol sa matatatanda pero kung alam mo naman na naaagrabyado ka na, puwede mo rin naman ipagtanggol ang sarili mo.

Sa sitwasyon ko, sarili ko lang ang mayroon ako.

"Tama na iyan. Huwag kang mag-alala at gagawa ako ng paraan-"

"Huwag na, Pa. Kaya ko na po ang sarili ko. Simula ngayon ay hindi na ako hihingi sa inyo ng kahit anong tulong pinansyal."

Tumalikod na ako, kabastusan man. Ramdam ko na ang pag-iinit ng sulok ng mga mata ko at hindi ko maaatin ang umiyak sa harapan ng madrasta ko.

Naglakad ako papuntang kanto at pinara ang jeep na dumaan. Sumakay ako nagpadiretso sa eskwelahan para ayusin ang ilang dokumento para sa nalalapit na practice teaching ko.

Umalpas ang luha mula sa mga mata ko habang nakatingin sa daan. Bago pa man ito mapunasan ay tinangay na ito nang malakas na hangin.

"Sana lang, Papa, ay huwag kang magsisi na kinasama mo ang babaeng iyan. Makita mo rin po sanang hindi siya nakakabuti para sa'yo."

Pagkarating sa school ay natanaw ko si Royce na naglalakad papasok sa gate. Ilang araw siya absent at hindi rin sumasagot sa mga text ko.

"Royce!" tawag ko.

Naglakad takbo ako papalapit sa kaniya. Huminto siya sa paglalakad pero hindi naman lumingon sa akin. Nang makarating sa tabi niya ay binalingan ko siya.

"Ano'ng nangyari sa'yo? Bakit absent ka ng ilang araw?"

Marahan siyang bumaling sa akin. Ganoon na lang ang panglalaki ng mga mata ko nang makita ang pasa sa ilalim ng mga mata niya at pamumula nito. Tila ba namaga sa bugbog!

"Huy! Ano'ng nangyari? B-Bakit ganiyan ang mata mo? Napaano ka?" sunod-sunod na tanong ko.

Naging malikot ang mga mata niya. Dinala niya ang kamay roon at bahagya itong hinaplos. Hilaw siyang natawa.

"Wala ito, Fatima. Naaksidente lang ang kotse nung nakaraan kaya sa ospital ako namalagi. Hindi ko nagawang sagutin ang mga text mo sa akin."

"Naaksidente ka? Kumusta ka naman? Sana ay sinabi mo sa akin para nadalaw kita sa ospital."

"Maayos na ako. Alam kong marami tayong ginagawa ngayon kaya hindi na kita inabala pa."

Bumuntonghininga ako. "Hindi ka naman abala."

Suarez Empire Series 3: The Devil's TouchWhere stories live. Discover now