Prologue

105K 879 38
                                    

Prologue

Pinagmasdan kong pagkaguluhan ng mga kaklase ko ang bago kong cell phone. Wala naman sana akong balak na ipagmalaki 'yon dahil hindi ko rin naman ugali ang magmalaki ng materyal na bagay... lalo pa at bigay lang naman sa akin.

May hinanap lang ako sa internet kaya ko nagawang ilabas. Pasimple na nga pero may sa-lawin ata ang mga mata nitong mga kaklase ko.

"Ang ganda talaga nitong cell phone mo, Fatima! Saan mo ito binili? Akala ko ba ay may utang ka pa sa tuition fee?" tanong ni Kyla, isa sa mga kaklase ko at nakikigulo rin sa pagtingin sa cell phone ko.

"Baka naman mas inuna mo pa ang bumili ng cell phone kaysa ang bayaran ang tuition mo?" sabat naman ni Anicka.

Umiling ako. "Ibinigay lang iyan sa akin nung kaibigan ko sa simbahan. Narinig niya akong nagdadasal para sa isang cell phone at iyan nga ang nangyari."

"Ang swerte mo naman! Apple pa ito at mamahalin talaga. Lalaki ang nagbigay sa'yo?"

"Hindi. Babae siya at nagsisilbi sa simbahan."

"Alam mo may tawag diyan, e. Good samaritan ba iyon, Anicka?" tanong ni Kyla.

Nagkibit balikat si Anicka at tumayo na. Pansin ang iritasyon sa mukha niya saka kami nilagpasan dalawa ni Kyla. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa lumabas siya ng classroom.

Hindi ko masasabing magkakaibigan kaming tatlo. Bihira kami magkasama dito sa school dahil palagi silang may sariling mundo. Ganoon rin ako. May mga pagkakataon na nagkakasabay sa pagkain pero hanggang doon lang. Kung minsan, mailap sila sa akin lalo na si Anicka.

Nito ko lang rin naman sila nakilala. Bagong lipat ako dahil kinailangan rin namin lumipat ng bahay. Ito ang mas malapit at pinakamura. Huling taon ko na rin sa kolehiyo kaya pilit kong iginagapang kahit mahirap.

Umismid si Kyla. "Naiinggit siguro iyang si Anicka kaya ang sama timpla ng mukha. Dito sa classroom natin ay ikaw pa lang ang may ganiyang mamahalin na cell phone. Ay si Royce pala ay naka Iphone rin. Mas latest nga ilang iyon sa kaniya."

Ngumiwi ako. "Bigay lang naman sa akin iyan kaya hindi dapat kainggitan. Gagamitin ko 'yan sa pag-aaral natin lalo pa at practice teaching na tayo."

Malaki talaga ang pasasalamat ko kay Ate Embry na binigyan niya ako ng bagong cell phone. Hindi ko rin inaasahan lalo pa at alam kong imposibleng magkaroon ako ng ganitong kaganda. Keypad lang ang gamit ko noon at iyong Nokia pa ang tatak. Hindi ko naman sana kailangan ng bago kung hindi lang dahil sa pag-aaral.

Hirap na nga ako sa paghahanap ng magiging baon ko sa araw-araw, iyon pa kayang makabili ng bagong gadget. Mahirap na magtiwala sa panahon ngayon pero si Ate Embry, ang dali niyang ibinigay iyon sa akin. Kaya naman pursigido rin talaga akong makapagtapos para makabawi sa kaniya kahit pa sinasabi niyang huwag ko nang bayaran iyon.

Minsan talaga, naiisip kong totoo ang mga anghel sa lupa at nagbabalat kayo lang bilang isang tao. Si Ate Embry ang patunay no'n.

"Mabait siguro talaga siya para bigyan ka basta ng cell phone. Pero huwag ka rin masiyadong tiwala sa ibang tao, Fatima." Si Royce, isa sa mga kaklase ko na kaibigan ko na rin.

Nasa ilalim kami ng puno para kumain ng tanghalian. Puno na sa cafeteria kaya naisip kong dito na lang para iwas na rin sa ingay. Kapag ganitong nag-iisa ako, sinasamahan ako ni Royce dahil wala rin naman siyang kaibigan sa eskwelahan na ito.

"Siya nga itong basta nagtiwala sa akin, Royce. Kakakilala niya lang sa akin pero ginastusan niya na kaagad ako. Isa pa, sa itsura ni Ate Embry ay talagang mahahalata nang mabait siya. Lagi pa siyang nakangiti."

Suarez Empire Series 3: The Devil's TouchWhere stories live. Discover now