70: The Punishment. The Visitors. The Seed. And the Class.

269 20 3
                                    

Tulad ng inaasahan, nakarating kaagad kay Miss Minchan ang nangyari sa kamalig. And as usual, nakatanggap na naman si Meiji ng parusa kasama ang kappa.

Hindi naman mabigat ang parusa. Tutulungan lang naman niya ang mga farmer gome na ayusin at kumpunihin ang nasirang bahagi ng kamalig... nang walang gagamiting kahit anong mahika. Pinagbawalan kasi siya ni Miss Minchan na gumamit ng anumang mahika para raw malaman niya ang hirap sa mano-manong paggawa. Siempre hindi na siya nakaangal pa.

Swerte na lang din ni Meiji dahil kahit paano naturuan siya ng kanyang ama kung paano humawak at gumamit ng martilyo maging kung paano pumukpok ng pako. Kaya nga lang, aniya, mas mapapadali sana ang trabaho niya kung may mahika ngunit anong magagawa niya. Si Miss Minchan ang nagbigay ng parusa kaya wala siyang karapatang umangal.

Gayunpaman, nagpapasalamat na rin si Meiji dahil hindi na niya kinailangan pang ipaliwanag kung anong nangyari.
Ang mga farmer gome na rin mismo ang gumawa ng alibi niya nang di sinasadya. Inakala kasi ng mga ito na pinaglaruan nila ng kappa ang mga naglalaking Brobdingnagian fowls kaya nasira ang kalahati ng kamalig. Pero malayong-malayo naman ito sa tunay na nangyari.

Kung kaya, sa ngayon ay ligtas pa rin ang malaking sekreto niya kasama ng kappa— ang tungkol sa tunay na anyo ng munting nilalang.

Gabi na rin nang matapos sila sa pagkukumpuni ng kamalig. Tinulungan din nila ang mga farmer sa pagpapakain sa mga alagang hayop ng academy. Naging productive ang dalawa nang gabing iyon kung kaya naman pagod na pagod na sila nang pumasok sa kastilyo ng academy.

Isang naghihintay na Kosuke ang nadatnan nila sa entrada ng pintuan sa likurang bahagi ng kastilyo. Nakakunot ang noo nito. Marahil nagtataka ang Emperateur kung bakit magkasama ang dalawa.

Magtatanong na sana si Kosuke pero naunahan na siya ni Meiji.

“ So, bukas na lang ulit, Kipper,” baling ni Meiji sa kappa. Humarap naman sa kanya si Kipper.

“Sure!” masiglang saad ng kappa. Nakuha pa nitong magthumps up. Yumuko naman si Meiji para makipag-apir sa kappa na tinugon naman ni Kipper.

Tumayo na ng tuwid si Meiji at tumalikod na. Nakailang hakbang na rin siya pero huminto siya at muling nilingon ang kappa habang natalikod si Kosuke. Ini-form niyang hugis-baril ang mga kamay saka pakunwaring salitang binaril si Kipper. Ang laki pa ng pagkakangiti ni Meiji habang ginagawa 'yon. Ginantihan din siya ni Kipper at ginaya rin ang ginawa niya.

Napansin iyon ni Kosuke kaya kaagad itong lumingon kay Meiji. Pero mabilis din at patay-malisyang itinago ni Meiji ang mga kamay patalikod. Nakangiti pa rin siya sa kappa ngunit kagat na niya ang pang-ibabang labi. Sinubukan naman ni Kosuke na hulihin ang tingin ni Meiji pero sulyap lang ang ginawa ng dalaga sa kanya.

Ilang hakbang patalikod ang ginawa si Meiji habang nakatingin pa rin kay Kipper saka kumaway ng dalawang kamay pagkatapos ay pumihit na patalikod.

Naiwan ang kappa at ang Emperateur na nagtataka sa ikinikilos ng dalawa lalo na kay Meiji na nakita pa niyang parang bata kung maglakad. Yung tipong patalon-talon pa.

Nacurious tuloy si Kosuke.

“ Sabihin mo nga, Kipper anong ginawa n'yong kalokohan ni Tanaka. Mukhang ang saya-saya nung isa, ah,” usisa ni Kosuke pero tinalikuran lang siya ni Kipper.

“ Basta,” tugon ng kappa. Nilingon nito ang amo saka nakapeace sign pang ngumiti ng malawak.“ Isa yung sekretong malupet,”

                         *******

Pagpasok pa lang kwarto ay kaagad na tinungo ni Meiji ang kanyang kama saka pabagsak na humiga. Patang-pata na ang katawan niya sa pagod pero ang kasiyahan sa kanyang puso ay naroroon pa rin. Hawak ang munting dragon ay itinaas niya ito. Nasa anyong gecko pa rin ang dragon ngunit kahit paano ay mapapansin na ang ilang pagbabago rito. Kung tutuusin nga ay mukha na itong isang maliit na salamander ngayon.

Mischievous WitchWhere stories live. Discover now