63: Goodbye My Almost.....Part II

324 34 9
                                    

Dahil na rin sa narinig na sinabi ni Demetrius, di nag-atubili at kagaad ding humangos ang mga natirang tulisan, kasama ng mga aliping dragon patungo sa nangyayaring two versus one fight. Maging ang mga wendigo ay nakisunod na rin.

Mula naman sa sulok ng kanyang mata, napansin iyon ni Meiji.

Ano ba? Kailan n'yo ba ako tatantanan? sa isip ay sabi ni Meiji. Ang pakay lang niya ay makalapit sa kinalalagyan ni Astrid ngunit mukhang mas mahihirapan siyang gawin iyon ngayon.

Napangiwi siya ngunit muli ring bumaling sa dalawang kalaban. At saktong nagawa pa niyang muling makatalon paatras bago pa man tumama sa kanya ang magkasabay na pag-atake ni Sicarius at Klavir. Sa ginawa'y nakakuha ang dalaga ng bwelo para muling kontrolin ang sariling dugo. Ikinumpas niya ang kanang kamay at sa isang iglap, ang sariling dugo'y  tila mabibilis na punyal na dumaluyong kina Sicarius at Klavir. Bagaman mabilis ay naiwasan naman iyon ng dalawa. Napaatras sila't bahagyang naglayo nang makitang tila nagricochet ang dugo ng dalaga kung saan muntik na sana silang tuhugin ng sabay.


Napangisi naman si Meiji nang makitang kumagat sa plano niya ang dalawa. Gamit ang isa pang kamay, kumumpas siyang muli at sa isang iglap ang blood dagger sanang tutuhog sa dalawa ay parang mabilis na kidlat na tumuhog sa unang hanay ng mga tulisang paparating. Pati mga aliping dragon at wendigo na nasa unang hanay ay hindi rin nakaligtas. Mahigit sa sampu rin ang kaagad na nalagas sa hanay ng mga kalaban.

Tila naman balewala lang sa mga kalaban ang nangyari sa mga kasamahan nila. Nagpatuloy pa rin ang mga ito sa pag-atake kay Meiji. Sabay-sabay silang umatake kaya naman ang kaninang two versus one fight ay naging all versus one na.


Isa laban sa lahat. Si Meiji laban sa humigit kumulang di mabilang na kalaban.

Naroong umatras, tumalon, umilag at sumangga si Meiji para dumepensa ngunit kapalit naman noon, isa o higit pang kalaban ang kaagad na bumulagta. Kasabay kasi ng pag-iwas ni Meiji sa mga atake ay ang pagkumpas naman niya't pagkontrol sa blood daggers na pasaktong tumutuhog sa mga kalaban. Hindi tuloy napigilan isipin ni Meiji na tila ba naging pabor pa sa kanya ang ginawang pagkuha ng dugo sa kanya ng mga kalaban dahil ito ngayon ang nagsisilbing sandata niya.  

Dumaan pa ang ilang minuto at nagpatuloy ang nangyayaring labanan. Bagaman nag-iisa,  tila ba si Meiji ang may hawak sa nangyayari. Nagagawa niyang pumitas ng isa hanggang tatlong kalaban gayong ni isang daliri niya'y di magawang makanti man lang ng mga kalaban. Lamang na lamang siya kahit nag-iisa. Kaya ang naging resulta, halos maubos na ang mga kalaban ng dalaga. Ngayon, mabibilang na lamang sa daliri ang mga kalaban niya.


Matapos ang ilang minuto ng walang kapagurang pagkumpas at pag-iwas, humihingal na sandaling lumayo si Meiji sa mga kalaban. Ngunit pagkaraan lang ng ilang segundo, eto na naman ang mga kalaban, muli na naman siyang aatakihin ng sabayan.


Wala talagang kadala-dala, ang nakangising turan ni Meiji sa sarili.


Sandaling natuon ang tingin niya sa mga papasugod na kalaban ngunit kalauna'y muli niyang binawi ang tingin. Sa pagkakalingon niya sa kanyang kanan, napansin niya ang pagkabakante ng daan patungo sa kinaroroonan ni Astrid. Hindi na siya nagdalawang-isip at mabilis tumalilis ng takbo. Napansin naman iyon ni Sicarius.

Mischievous WitchWhere stories live. Discover now