CHAPTER 44

1.1K 61 4
                                    

CHAPTER 44: WORDS UNDER THE MOONLIGHT

Hindi ako mapakali mula noong pumasok at mahiga ako sa kama. Hindi ako nakakatulog sa hindi ko malamang dahilan. Tiningnan ko ang katabi ko na mahimbing na ang pagkakatulog.

Magmula noong pumasok kami sa kwarto ay panay lang ang kanyang pag-iyak, tinatanong ko siya ngunit wala akong nakukuhang sagot sa kanya habang napagdesisyunan kong hayaan na lamang siya. Alam kong mabigat pa rin ang dinadala niya mula sa nangyari.

Marahan kong hinawi ang kanyang buhok na kumalat sa kanyang mukha.

"Inara," sambit ko sa kanyang pangalan. Ilang segundo ko rin siyang tinitigan bago ako nagpasyang lumabas ng silid.

Tiningnan ko ang kwarto kung saan doon dapat kami matutulog ni Inara pero dahil sa nangyari kanina ay pinili naming humiwalay ng matutulugan.

"Sorin," tawag sa akin ni Verux at sumenyas na wag na akong maingay. Tumayo ito at lumapit sa akin. Sumenyas muli siya na sa sala na lang kami mag-usap.

Marahan niyang isinara ang pinto ng kwarto. "Pasensya ka na, nakakatulog pa lang 'yon, eh. Hindi ko kayang patahanin, pinapaalis pa nga n'ya ako kanina kaso alam mo naman ako matigas ang ulo ko saka wala naman talaga akong balak na iwanan s'ya." Mapait na ngumiti at pumasok naglakad papunta sa kwarto nilang tatlo nina Chase. Sinilip n'ya lang ito at muling bumalik sa akin.

"Salamat," sambit ko. Ngumiti lang siya at tumango.

"Bakit hindi ka pa natutulog?"

"Hindi ako makatulog, eh. Pinipilit ko naman kaso ayaw talagang pumikit ng mga mata ko." Natatawa kong sabi.

"Wala si Chase, malamang ay nasal abas 'yon. Binabantayan tayo." Napakamot sa ulo si Verux at binigyan ako ng isang nakakalokong ngiti. Nangunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Hindi ko naman tinatanong kung nasaan si Chase.

Hindi niya na napigilan ang kanyang sarili, natawa na ito at lumayo nang bahagya sa akin. Hindi ko siya masisisi. Lagi niyang binabanggit sa akin si Chase sa akin kahit na hindi ko naman siya hinihingian ng impormasyon sa taong 'yon. Nakaugalian na ata niyang bigyan ako ng balita tungkol sa isang 'yon.

"Inaantok na ako, Sorin. Matulog ka na rin." Pumasok na ito sa kanilang silid at isinara ang pinto. Naiwan ako sa isang silid na nababalutan ng katahimikan.

Hindi talaga ko dinadalaw ng antok. Siguro ay dahil na rin sa nangyari kanina. Marami akong gustong itanong ngunit kailangan kong respetuhin ang nararamdaman ng mga kasamahan ko lalo na't sa ganoong sensitibong sitwasyon.

Kinuha ko ang aking katana sa silid ni Thalia. Dahan-dahan ako sa paghugot nito at paglabas ng silid para hindi ko magising si Thalia na mahimbing ang tulog.

Inilabas ko ito at hinawakan ang talim. Ito ang talim na siyang maghuhusga simula bukas. Bukas din ang simula ng aming isipin kung makakabalik pa ba kami nang buo o hindi na.

Habang nililinisan ko tila nakikita ko sa aking harapan ang mga araw na pagpasok ko sa Yugen University, kung paano ko nakilala ang mga taong itinuturing ko mga kaibigan sa ngayon. At hindi ko rin inaakalang mapapasabak ako sa ganitong bagay. Hindi ko akalaing ang malinis na katana na hawak ko ngayon ay mababahiran ng dugo.

Hindi ko pangarap ang pumatay ng tao, ngunit sa dami nang naranasan ko sa loob ng Yugen University sa ilang buwang pamamalagi ko rito malamang ay hindi ko matitiis na patawarin na lang nang patawarin ang mga taong marurumi kung maglaro.

Napabuntong hininga na lamang ako habang ibinabalik ang katana sa kaha nito.

Napatingin ako sa orasan na nakasabit sa taas ng pintuan papuntang silid ni Inara. Ala una na nang madaling araw. Wala pa rin si Chase. Bumalik ako sa silid ni Thalia at itinabi ang katana. Kinuha ko ang jacket ko at isinuot ito.

Yugen University - [COMPLETED]Where stories live. Discover now