H05

71.7K 2.1K 338
                                    

H05

“Are you okay?” Pagmulat na pagmulat ng mga mata ni Hera ay sumalubong sa kanya ang nag-aalalang mukha ni Artemis. Hindi niya halos naintindihan ang sinabi nito sa kanya pero naisip niyang tumango na lang bilang tugon dito. Dahan-dahan niyang inilibot ang kanyang mga mata sa paligid at nagtataka siya kung bakit parang nasa ibang lugar siya. Ang huli niyang natatandaan ay tumatakbo siya kanina papuntang swimming pool area.

“Nasaan ako?” Nanghihinang tanong niya rito. Ngayon niya lang napansin na nakahiga pala siya sa isang kama at naka-PE uniform na siya. Sinubukan niyang maupo ngunit bigla siyang nakaramdam ng panghihina at pananakit ng katawan kaya naman muntik na siyang bumagsak. Mabuti na lang at nasalo agad siya ng kaibigan. Tinulungan siya nitong muling makahiga sa kama at pagkatapos ay naupo ito sa katapat na upuan. Bumuntong hininga ito ng malakas at muli siyang tiningnan.

“Andito tayo sa infirmary. May nakakita sa’yong janitor kanina na nakahiga sa may gilid ng pool sa swimming pool area. Basang-basa ka daw at walang malay. Dinala ka niya rito agad para magamot. Ano bang nangyari sa’yo kanina? At anong ginagawa mo sa swimming pool area?” Nag-aalalang tanong sa kanya nito. Napakunot ang noo niya sa sinabing iyon ng kaibigan. Siya? Basang-basa at walang malay sa pool area? Ipinikit niya ng mariin ang kanyang mga mata upang pilit alalahanin ang nangyari sa kanya. Ang huling naaalala niya lang ay iyong pagtakbo niya kanina papuntang swimming pool area dahil na-track niya na naroon ang cellphone na ginamit ng caller niya kanina.

‘At ano pang nangyari kanina? Pilitin mong alalahanin, Hera…’ Bulong niya sa kanyang isipan. Ilang segundo pa ang lumipas at maya-maya’y mabilis na idinilat niya ang kanyang mga mata. Naaalala na niya ang nangyari! May tumulak sa kanya sa pool habang pilit niyang kinukuha ang cellphone ng caller niya sa ilalim ng tubig!

“May tumulak sa akin sa pool kanina!” Naibulalas niya ng malakas. Nakita niyang nanlaki ang mata ni Artemis sa gulat dahil sa sinabi niya.

“A—”

“Ano?!” Mabilis na lumipad ang mga mata nila ni Artemis sa pintuan at nakita nila si Marianne na nakatayo roon habang may hawak-hawak na plastic na sa tingin niya ay naglalaman ng pagkain. Katulad ni Artemis, ay nanlalaki rin ang mga mata nito dahil sa gulat. Marahil ay narinig nito ang kanyang sinabi. Dali-dali itong lumapit sa kanila at naupo sa tabi ni Artemis.

“Sinong tumulak sa’yo?!” Galit na galit na sabi nito sa kanya ng makaupo ito at mailapag sa table ang hawak-hawak nito.

“Oo nga. Sinong tumulak sa’yo? Nakilala mo ba kung sino?” Segunda naman ni Artemis. Umiling siya bilang sagot sa tanong ng dalawa niyang kaibigan.

“Hindi…hindi ko siya namukhaan. Ang natatandaan ko lang ay nakita ko yung pigura niya at alam kong nakatingin siya sa akin habang nalulunod ako sa ilalim ng tubig.” Nagtagis ang kanyang bagang ng maalala niya iyon. Ang ngiting demonyo nito habang nakatingin sa kanya habang unti-unti siyang nawawalan ng hininga. Kung marunong lang sana siyang lumangoy ay hindi na sana siya muntik na malunod at sana ay nahuli niya kung sino man ang taong iyon na tumulak sa kanya.

“So tama nga ang hinala naming nahulog ka sa pool. Malaman lang namin ni Artemis kung sino ang tumulak sa’yo, maghahalo talaga ang balat sa tinalupan,” Nanggagalaiting sabi ni Marianne sa kanya. Gusto niyang matawa sa mga salitang ginamit nito pero pinigilan niya ang kanyang sarili dahil paniguradong maiinis ito sa kanya dahil iisipin nitong nagawa niya pa itong pagtawanan sa kabila ng pag-aalala nito sa kanya.

Hera: The Hacking Goddess [Completed]Donde viven las historias. Descúbrelo ahora