MTJAB-Season 2: Chapter 40

460K 6.4K 971
                                    

MTJAB-Season 2: Chapter 40

Nakangiti kong pinagmamasdan ang mukha ni Liam habang mahimbing siyang natutulog ngayon sa kama niya. Ayaw niya akong patabihin sa kanya dahil baka raw mahawa ako sa kanya. Hanggang ngayon, hindi pa rin ako makapaniwala na sa pangalawang pagkakataon ay niyaya niya akong magpakasal. Buong pag-aakala ko ay magsasawa na siya sa kasusuyo sa aki pero mukhang ako pa itong muntik na talagang sumuko sa aming dalawa.

Pinagmasdan ko ang singsing na isinuot niya sa akin kanina. Kung pwede ko lang ipagsigawan sa lahat kung gaano ko siya kamahal, ginawa ko na. Pero bakit hanggang ngayon, wala pa rin akong lakas ng loob na gawin iyon para sa kanya? Bakit natatakot pa rin ako na baka may matapakan kaming ibang tao? Pero kahit na gano'n, this time, sisiguraduhin kong hindi ko na rin pakakawalan si Liam kagaya ng ipinangako niya sa akin.

"I love you." Bulong ko sa kanya at saka ko hinalikan ang noo niya. Medyo mainit pa siya dahil sa lagnat niya. Gusto ko sanang matawa dahil kung nung nakaraan ako ang inalagaan niya, ngayon naman, ako ang nag-aalaga sa kanya. Ubo siya nang ubo kaya naman hinaplos ko ang dibdib niya.

"Liam?" Tawag ko sa kanya. Halos mamula na siya sa kauubo.

"Liam..." Tawag ko ulit sa kanya. Marahan niyang iminulat ang mga mata niya at kahit naniningkit siya ngayon, binigyan niya ako ng isang magandang ngiti na ginantihan ko rin naman ng ngiti.

"Inom ka munang tubig." Sabi ko sa kanya. Tumango tango siya at umupo. Iniabot ko sa kanya ang isang baso ng tubig na marahan niyang ininom.

"Kumusta ang pakiramdam mo?" Usisa ko sa kanya. Ngumisi siya, sandali niya akong niyakap at dinampian niya ng halik ang pisngi ko pero mabilis din siyang humiwalay sa akin.

"Baka mahawa kayo ng anak natin, baby." Pilyong sabi niya. Kinurot ko ang tagiliran niya na mas lalong nagpangiti sa kanya.

"Maka-anak ka naman. Wala pa nga, 'di ba?" Natatawang sabi ko sa kanya. Ngumiti siya at hinawakan niya ang kamay ko. Ang init init ng palad niya dahil sa lagnat.

"Baby... meron na 'yan. Tingnan mo after a week or 2 weeks, may symptoms ka na ng pregnancy. Magsusuka ka na, mahihilo ka na, magiging medyo masungit ka na, paglilihihan mo na ang gwapong mukha ko, tatakaw ka—" Napatigil siya sa pagsasalita nang mapansin niyang napaawang ang bibig ko at halos mamilog ang mga mata ko.

"Why?" Kunot noong tanong niya.

"Seriously, Liam? Paano mo nalaman 'yang mga sintomas na 'yan?" Pagtataka ko sa kanya. Ngumiti siya at umiling iling.

"Basta." Nakangiting sabi niya. Marahan niya akong hinila para halikan ang noo ko.

"Sige na, baby. H'wag ka munang lumapit sa akin. Ayokong mahawa kayo. Hindi pa magaling ang tigdas ko." Nahihiyang sabi niya. Tiningnan ko ang braso niya at napapatawa na lang ako dahil mukha siyang batang may tigdas ngayon.

"Mahal kita." Paninigurado niya. Tumango tango ako sa kanya at saka ako lumayo sa kanya. Titig na titig lang siya sa akin habang lumilipat ako sa upuan sa may bed side table.

"Unit mo ba 'to?" Usisa ko sa kanya. Humiga siya at mas lalong nilaliman ang titig sa akin.

"Yes, baby." Sagot niya.

"B-bago?" Tanong ko sa kanya, umiling iling siya.

"2 years na sa akin 'to, baby, pero 2 months ko pa lang tinitirahan." Sagot niya sa akin na nagpalaki sa mga mata ko. Magtatanong pa sana ako sa kanya pero napansin kong medyo napipikit na ulit siya dahil sa sobrang antok.

"Good night, baby." Nahihiyang bulong ko na sa tingin ko, hindi niya narinig dahil sa pagkakahimbing niya mula sa pagtulog. Pinagmamasdan ko na ngayon ang singsing na isinuot niya sa akin. Napapangiti na lang ako sa tuwing maaalala ko kung paano niya isinuot sa akin ito.

More Than Just A Bet [Published under Pop Fiction/Summit Media]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon