MTJAB: Chapter 21

518K 6K 477
                                    

MTJAB: Chapter 21

Alas kwatro na ng madaling araw. Naihatid na namin si Oyen sa bahay nila dahil may pasok pa raw ito bukas. Nakaupo kami ngayon ni Liam dito sa ilalim ng puno ng manga. Tahimik lang kaming dalawa habang nakatanaw sa palayan. Bukas na ang balik namin sa Maynila. Sigurado akong marami kaming kahaharapin doon at doon ko rin malalaman kung gaano katotoo ang lahat ng lumalabas sa bibig ni Liam.

"Pinagplanuhan mo talagang bilhin 'to?" Natatawang tanong niya tungkol sa saxophone niya. Bumuga ako ng malalim na hininga.

"Hindi ba sinabi ko na sa'yo, ayokong mawala ang importanteng bagay na mayroon ka dahil lang sa akin." Paliwanag ko sa kanya. Hindi na siya nagsalita pa ulit kaya naman ginawa ko na itong pagkakataon para makapagtanong sa kanya.

"Kailan ka natutong mag-saxophone?" Usisa ko. Gusto kong may malaman tungkol sa kanya. Gusto kong bawat maliliit na detalye sa kanya ay alam ko.

"Elementary pa ako noon. Bilib na bilib kasi siya sa mama niya. Naisip ko baka sakaling magustuhan niya ako kung kaya ko rin gawin ang hilig ng mama niya." Parang may kung anong kumurot sa puso ko dahil sa ikinuwento niya. Talaga palang malaki ang pagkagusto niya kay Bianca noon. Handa niyang gawin ang lahat para dito para lang magustuhan siya nito.

"Gano'n ba? Siya pala ang dahilan." Hindi ko alam kung bakit ganito na naman ang tono ng pananalita ko. Para bang nagseselos ako.

"Uhm, pero nung tumagal ay minahal ko na rin ang pagtugtog. Tumutugtog na rin ako para sa ibang tao, sa pamilya ko, sa school." Paliwanag niya.

"Gano'n ka talaga ano? Kaya mong gawin lahat para sa taong mahal mo." Bulong ko. Naramdaman kong bumaling siya sa akin. Pilit kong itinuon ang mga mata ko sa palayan kahit pa sobrang init ng titig niya sa akin.

"Handa kong talikuran lahat ng natutunan ko mula sa kanya mahalin mo lang ako. Kung nag-aalala ka tungkol sa nararamdaman ko para sa kanya, wala na. Hindi ko alam kung paano at kailan nawala. Siguro nung tinalikuran mo ako? Siguro nung dumating ka sa buhay ko? Ewan ko, Lian. Basta ang alam ko, nagwawala yung puso ko para sa'yo." Lumundag ang puso ko dahil sa saad niya. Pakiramdam ko, nag-init at namula ang buong mukha ko. Hindi ko na siya nagawang sagutin pa. Pero napatingin ako sa kanya nang magsalita siya ulit.

"Gusto mo ba h'wag na akong tumugtog? Kakalimutan ko na itong saxophone para lang mapatunayan kong wala na sa akin si Bianca." Paninigurado niya sa akin. Kahit medyo madilim ay kita ko ang panginginig ng mga mata niya.

Umiling ako.

"H'wag. Mas gusto kong marinig na tumutugtog ka. Masarap sa pandinig yung bawat pagtugtog mo." Sagot ko sa kanya. Hindi naman porket si Bianca ang dahilan niya noon sa pagtugtog ng saxophone ay patitigilin ko na siya. Nakilala ko siya bilang isang magaling sa instrumentong iyon. Saka isa pa, bagay sa kanya ang may hawak na saxophone. Nakakatawa mang sabihin pero mas lalo siyang gumagwapo sa tuwing tumutugtog siya no'n at nakakahiya mang aminin, ang sexy niyang tingnan everytime na tumutugtog siya lalo na kapag ipinipinkit niya ang mga mata niya. Para bang damang dama niya yon.

Napapitlag ako nang hawakan niya ang kamay ko at marahan na pinisil iyon.

"Gusto mo?" Halata sa boses niya ang kasiyahan.

"Oo." Sagot ko sa kanya.

"Sa wakas, may nagustuhan ka rin sa akin!" Masayang sigaw niya. Napatawa naman ako dahil para siyang bata.

"Pwede bang tugtugan mo ako? Yung para lang sa akin." Hiling ko sa kanya. Napaawang ang bibig niya sa sinabi ko at marahan siyang lumunok.

"Para sa'yo, baby. Tutugtog ako para sa'yo." Bulong niya sa akin at napapikit ako nang halikan niya ang pisngi ko bago niya kinuha ulit ang saxophone sa tabi niya. Narinig kong huminga siya nang malalim at napapikit ako nang simulan niya ang pagtugtog ng kantang A Thousand Years sa saxophone niya.

Nagtindigan ang mga balahibo ko sa galing niya. Napangiti ako nang umihip ang malakas na hangin. Iba yung pakiramdam habang pinapakinggan ko ang pagtugtog niya. Para bang unti-unting binabanlawan yung sakit na nararamdaman ko sa puso ko. Ang sarap isipin na para sa akin siya tumutugtog. Para bang espesyal ako sa kanya.

Hindi naman siguro masama kung gusto kong manigurado sa kanya kung totoo ba ang nararamdaman niya sa akin. Sobrang bilis ko siyang minahal kaya hindi ko naman hahayaan na gano'n din kabilis ang tuluyang pag-amin ko sa kanya. Minsan na niya kasi akong nasaktan at kailangan ko lang ng kaunting panahon para masabi kong karapat dapat siya sa akin.

Ang hirap kasi sa tiwala, ang bilis mabasag pero mahirap na ulit buuin. Parang isang baso. Kapag hindi mo iningatan at pinabayaan mo lang na mabasag iyon, hindi mo na ulit magagawang buuin iyon kahit anong pandikit pa ang mayroon ka. Dahil kung minsan, kapag nabasag ang baso na 'yon, may nawawala nang piraso at kahit ayaw nating aminin, sobrang importante pa rin nung maliit na piraso na iyon.

Marahan kong iminulat ang mga mata ko para titigan siya. Kagaya ng ine-expect ko, napakagwapo niya talaga habang tumutugtog ng saxophone. Nakapikit siya ngayon na para bang dinarama ang bawat paghagod sa saxo niya.

Nang matapos siyang tumugtog, bumaling kaagad siya sa akin. Isang malalim na titig ang ibinigay niya sa mga mata ko.

"I love you." At halos lumundag ang puso ko nang dumampi ang labi niya sa gilid ng labi ko. Na-estatwa kaming pareho at yung paru-paro sa tiyan ko parang tumigil sa paglipad dahil gusto na nilang sumabog sa sobrang kilig na nararamdaman. Kaagad akong lumayo sa kanya at tinakpan ko ang labi ko.

More Than Just A Bet [Published under Pop Fiction/Summit Media]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon