MTJAB: Chapter 14

492K 6.6K 1K
                                    

MTJAB: Chapter 14

"Liam, ayusin mo ang sarili mo. Mas lalo kang magkakasakit niyan." Wala sa sariling sagot ko sa kanya. Hinila ko ang suot niyang sapatos kasama ang medyas dahil nabasa ito ng ulan. Ramdam ko pa rin ang malalim na titig niya sa akin. Hindi gano'n kadali yon. Parang pinipiga ang puso ko dahil sa panginginig niya pero hindi naman maaari na patawarin ko siya kaagad.

"Hubarin mo 'yang t-shirt mo pati pants mo. Heto ang mga damit, sa tatay ko 'yan. Doon ka magpalit sa likod." Utos ko sa kanya habang inaabot ang mga damit na kinuha ko sa aparador ni Tatay. Bahala na. Alam kong pagagalitan ako ni Tatay dahil pinatuloy ko si Liam at pinahiram ko ng damit niya pero hindi ko naman talaga matiis ang isang ito kahit na may namumuong galit sa puso ko.

Pagkatapos niyang magpalit, pinahiga ko siya sa kahoy na upuan namin at kinumutan ko siya. Kunot na kunot ang noo niya habang nakapikit. Kung nandito siguro si Tita Kei, aalagaan niya si Liam. Pinunasan ko ng maligamgan na towel ang noo ni Liam maging ang gwapo niyang mukha na ngayon ay may mga nakabukas na sugat dahil sa pambubugbog ni Tito Kyle.

"Li-Lian..." Nagsimula na namang umikot at magparada ang mga paru-paro sa tiyan ko dahil sa malambing na pagtawag niya sa pangalan ko. Wala 'yan. Alam kong kinabukasan, makakalimutan niya rin ako. Sa ngayon kasi, alam kong kailangan niya lang ako.

"Uminom ka muna ng gamot." Bulong ko at saka ko siya inalalayang uminom ng paracetamol na ipinabili ko sa kapatid ko sa tindahan.

"Hindi ba sinabi kong h'wag mong papasukin ang isang 'yan!" Napapitlag ako nang marinig ko ang malakas na boses ni Tatay na ngayon ay kararating lang. Nagmulat ng mga mata si Liam at nagpumilit sa pagtayo pero pinigilan ko siya.

"Hindi mo pa kaya!" Suway ko sa kanya.

Humarap ako kay Tatay at nakita ko ang galit sa mga mata niya na ngayon ay titig na titig sa akin. Buong buhay ko, hindi ko sinuway si Tatay pero anong gagawin ko? Naaawa ako sa lalaking nagpapatuliro sa akin.

"Tay... Sorry pero nakakaawa po kasi si Liam. Inaapoy po kasi siya ng lagnat." Paliwanag ko. Napakunot ang noo ni Tatay nang dumako ang mga mata niya sa tattoo ko sa collar bone! Mabilis kong tinakpan iyon ng kamay ko pero hinila niya ang kamay ko at muli niyang tinitigan ang tattoo ko.

"Kailan ka pa natutong mabaliw sa lalaki ha, Ara?" Hiyaw sa akin ni Tatay. Nanginginig ang tuhod ko dahil sa takot. Alam kong hindi maniniwala si Tatay na nagkamali ang pinsan ni Claire sa pagta-tattoo sa akin. Malinaw na malinaw kasi ang pagtawag ko ng Liam sa kanya.

"Ariel! H'wag mong saktan ang anak mo!" Sigaw ni Nanay sa kanya. Napatingin si Tatay sa pagkakahawak niya sa akin. Mahigpit kasi ito at masakit. Marahas niyang binitiwan ang kamay ko.

"Bahala ka na sa buhay mo. Tanga ka sa pag-ibig, Ara. Minsan ka nang sinaktan niyan." Galit na suway sa akin ni Tatay at saka ako tinalikuran at lumabas ng bahay. Bigla na lang tumulo yung luha ko. Bwisit kasi. Kung ganito pala ang pakiramdam nang ma-in love sa isang lalaki, ayoko na.

"Anak, hayaan mo muna magpalamig ang Tatay mo. Ayaw lang no'n na nasasaktan ka." Pag-aalalo sa akin ni Nanay. Tumango ako at pinunasan ang luha ko.

"Pinainom mo na ba siya ng gamot?" Tanong niya.

"Opo, Nay." Sagot ko. Hinipo naman niya ang noo ni Liam na ngayon ay nakapikit pa rin at nangangatog sa lamig.

"Diyos ko! Eris! Kumuha ka pa ng kumot sa kwarto! Inaapoy ng lagnat ito!" Sigaw ni Nanay. Mabilis namang sumunod si Eris sa kanya.

Tinitigan ko lang si Liam habang inaasikaso ni Nanay. May parte sa akin na naiinis sa kanya. Hindi ko kasi siya maintindihan kung bakit nagpunta pa siya rito. Ano bang gusto niyang palabasin at sinundan niya pa ako? Doon ko lang napagtanto na baka kay Claire niya nalaman ang bahay namin dito sa Lucban.

Tapos na kaming kumain ng hapunan pero hindi pa rin pumapasok si Tatay dito sa bahay.

More Than Just A Bet [Published under Pop Fiction/Summit Media]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon