MTJAB: Chapter 11

498K 5.7K 1K
                                    

MTJAB: Chapter 11

Nagmadali akong lumabas ng bahay dahil mali-late na ako sa klase ko.

"Lian!!" Sigaw niya. Kanina pa niya ako tinatawag pero hindi ko siya pinapansin. Oo, iniiwasan ko siya dahil natutuliro ako sa tuwing nakikita ko siya. Ewan ko ba. Mag-iisang buwan ko pa lang siya kilala pero may kakaiba akong nararamdaman at hindi ko nagugustuhan iyon.

Ibinato ko sa passenger's seat ng kotse ko ang bag ko at umikot ako sa harapan. Doon ko lang napansin na nagawa na pala niya ang nasira niya sa sasakyan ko.

"Lian! Sabay na tayo!" Sigaw niya at dali-dali siyang lumabas sa maliit na gate ng apartment. Sandali ko siyang tinitigan. Nakasuot siya ng kulay maroon na t-shirt at pants saka sapatos na pang-basketball. May dala-dala rin siyang bag na medyo maliit. Nakita ko kanina na inaayos niya ang damit niyang pang-basketball.

"Huy." Pinitik niya ang noo ko at doon ko lang napagtanto na nasa harapan ko na pala siya. Sobrang bango niya at hindi ko alam kung bakit biglang nanghina ang binti ko.

"Ayoko." Sabi ko saka nagmadali akong sumakay sa kotse ko pero dumungaw siya sa bintana ng kotse ko.

"Lika na. Hindi pa magaling 'yang balakang mo. Bawal ka pang mag-drive." Suway niya sa akin. Nakakainis. Bakit ba ang bait-bait ng tono ng boses niya ngayon? Dahil ba 'yon sa luto ng Mommy niya? Naiilang kasi ako.

"Kaya kong mag-drive, Liam." Sabi ko sa kanya nang hindi tumitingin saka ko ini-start ang sasakyan ko pero bigo ako dahil ayaw nitong umandar.

Narinig kong ngumisi siya. Inirapan ko siya at sinubukan ko ulit paandarin ang sasakyan ko. Pero bwisit lang! Nakikisabay pa 'to!

"Hindi na aandar 'yan." Bulong niya saka niya kinabig ang lock ng pinto ng kotse ko at hinila niya ako palabas. Pilit kong hinihila sa pagkakahawak niya ang kamay ko pero hinigpitan niya iyon. Ang init-init ng palad niya kahit pa bagong paligo siya.

Kinuha naman ng isang kamay niya ang bag ko at pabalang niyang isinara ang sasakyan ko. Pinagbuksan naman niya ako ng pinto ng isang Hummer na kulay itim.

"Nasaan ang sasakyan mo?" Pagtataka ko. Ngumisi siya at halos mapalundag ako nang bigla niya akong itaas mula sa baywang ko para makasakay.

Umikot na rin siya at sumakay.

"Sa bunsong kapatid kong lalaki 'to. Nakipagpalit siya ng sasakyan kahapon." Aniya.

Oh, e 'di sila na ang mayaman. Ngumuso ako at hinayaan na lang siyang mag-drive. Badtrip pa rin ako sa kotse ko! Tss. Kung hindi lang ako mali-late, hindi ako sasabay sa kanya. Nakakailang kasi talaga.

Kung ito man ang tinatawag nilang crush, kailangan kong iwasan ito. Ano ba? Hindi naman ako tanga para hindi malaman kung anong nararamdaman ko. Kahit na no boyfriend since birth ako, nagkaka-crush naman ako nung elementary at high school ako. Kaya lang ang weird dahil sa buong buhay ko, ngayong college lang ulit ako nagka-crush at sa lalaking mahangin pa talaga.

Alam kong walang masama sa paghanga pero masisisi niyo ba ako? Kapag nagkaka-crush ako dati, sobrang layo lang talaga niya at hanggang tingin lang ako. Pero ngayon, sobrang lapit niya na nagiging dahilan para matuliro ang buong katauhan ko.

Nang makarating na kami sa school, mabilis akong bumaba nang hindi man lang nagpapasalamat sa kanya. Narinig ko pang tinawag niya ako pero hindi ko siya nilingon pa.

"Ara!" Napalingon ako sa tumawag sa akin.

"Xander!" Hiyaw ko. Nakita ko ang pagkunot ng noo ni Liam mula sa malayo kaya naman hinila ko na si Xander papunta sa classroom. Hindi ba sinabi niyang magkaklase kami sa lahat ng subject?

More Than Just A Bet [Published under Pop Fiction/Summit Media]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon