MTJAB: Chapter 10

516K 6.2K 975
                                    

MTJAB: Chapter 10

ARA'S P.O.V

Napaawang ang bibig ko nang hilahin niya ang kamay ko palapit pa lalo sa peklat niya. Pumikit pa siya at parang dinarama niya ang haplos ng palad ko.

"Liam..." Nauutal na tawag ko sa kanya. Marahan niyang iminulat ang mga mata niya at nanigas siya sa kinauupuan niya sa hindi ko malamang dahilan.

Titig na titig siya sa mga mata ko na akala mo ngayon lang siya nakakita ng pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Kahit na hindi naman ako maganda.

"B-Bianca..." Bulong niya. Napaatras ako at hindi ko alam kung bakit parang may kumurot sa puso ko.

Marahan kong hinila pabalik sa akin ang kamay ko. Halatang nagulat siya sa ginawa ko. Mariin niyang ipinikit ang dalawang mata niya at umiling iling siya. Isang malutong na mura ang narinig ko mula sa kanya saka siya padabog na lumabas ng bahay.

Nanatiling nakatulala ako sa kawalan. Bianca? Sino si Bianca? Girlfriend ba niya 'yon? Bakit gano'n na lang ang reaction niya nang ma-realize niyang hindi ako ang Bianca na sinasabi niya?

Maliwanag na at narinig ko na rin ang pagkilos ni Liam mula sa labas. Nakakainis. Hindi kasi ako pinatulog sa kaiisip sa pangalan nung Bianca na 'yon. Sino ba kasi iyon? Aish, nabubwisit na ako sa sarili ko. Bakit ko ba iniisip ang taong hindi ko naman kilala? Mabilis kong ipinikit ang mga mata ko nang marinig kong pinihit niya ang door knob ng kwarto. Kaagad kong nasinghot ang mabangong pangangatawan ni Liam. Iminulat ko nang maliit ang isang mata ko at nakita kong kinuha niya ang laptop niya sa monoblock maging ang saxophone niya ay kinuha niya. Sandali pa siyang tumingin sa akin kaya mabilis kong ipinikit ulit ang isang mata ko.

Isang malalim na paghinga ang narinig ko mula sa kanya at halos manigas ako nang ayusin niya ang kumot ko bago ko tuluyang narinig ang paglabas niya ng kwarto.

Tumayo na rin ako nang marinig kong umalis na ang sasakyan niya. Medyo masakit pa rin ang balakang ko pero kaya ko na naman. Dahil siguro sa ginawang paghilot ni Aling Nena kaya mabilis akong gumaling. Nakita kong may pinggan na nakatakip doon sa center table ng sala. Kaagad kong nilapitan 'yon at tiningnan.

"Hotdog." Bulong ko, "With hot pandesal." Dagdag ko. Umupo ako sa kawayan at napakunot ang noo ko nang makita kong may maliit na papel sa ilalim ng pinggan. Kaagad kong binasa iyon.

--Kumain ka, uminom ka ng gamot.--

Ganun ka-plain ang sulat niya pero masasabi kong maganda ang sulat kamay niya. Napanguso ako. Ipinalaman ko yung hotdog sa pandesal saka ko kinagat iyon. May mabuting puso naman talaga siya kaya lang sobrang sutil niya to the point na talagang nakakapikon na siya. Pero ayos naman siyang kasama; 'yon nga lang, ang bilis niyang toyoin.

Pagkatapos kong kumain, uminom na rin ako ng gamot. Nakakabore dito sa apartment kaya naman naglinis na lang ako kahit kumikirot kirot ang balakang ko. Kapag kasi ihiniga ko ito, paniguradong matagal gagaling 'to.

Napatigil ako sa pagwawalis nang biglang may kumatok. Kunot noo kong binuksan iyon at isang magandang babae ang bumungad sa akin. Mukhang nasa 40's na ang babae pero sa pustura nito ay halatang maganda siya.

"Ah, eh. Sino pong hinahanap niyo?" Magulong tanong ko. Sandali niyang inilibot ang paningin sa buong apartment bago niya ako nginitian.

"Ikaw ba si Ara?" Nakangiting tanong niya sa akin. Namilog ang mga mata ko sa pagkagulantang na kilala niya ako.

"O-opo. Si-sino po kayo?" Nauutal na tanong ko pero nginitian niya lang ako kaya naman pinapasok ko na siya.

"Naku, pasensya na po kayo makalat. Naglilinis po kasi ako!" Sabi ko saka ko inilapag ang tubig sa center table. Napangiwi pa nga ako dahil hindi man lang malamig yung tubig. Kahit nga yelo, wala yung tubig.

More Than Just A Bet [Published under Pop Fiction/Summit Media]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon