Chapter 27:

3.4K 31 0
                                    

Magmula nung gabing makita ni Robert sa isang piraso ng papel ang isang masakit na katotohanang tapos na sa kanila ang lahat ni Rina ay tila labis siyang naging miserable. Para bang napabayaan na niya ang lahat sa kanyang buhay. May ilang araw na rin siyang hindi pumapasok sa kanyang pinapasukang trabaho sa Ballroom Hall sa may Quezon City Memorial Circle kung saan siya ay isang kilala at pamosong D.I. Napabayaan niya na rin ang dati ay iniingat-ingatan niyang pangngatawan. Ilang araw na rin kasi siyang hindi nagwo-workout sa gym kung saan siya madalas mag-workout at maghubog ng katawan. Hindi na siya makakain at makatulog ng matino. Sa ilang araw pa lamang ng paghihiwalay nila ni Rina ay tila napakalaki na ng ipinayat at ibinagsak ng pangangatawan ni Robert. Para bang siya ay nagmistulang isang taong gumuho bigla ang buong mundo.

Walang araw mula noon na hindi niya sinubukang makausap si Rina. Makailang ulit niyang sinubukang tawagan ang landline number ni Rina sa bahay, pero laging walang sumasagot dito hanggang sa pagdaka ay naputol na ang linyang ito. Makailang ulit niya ring binalak puntahan si Rina sa kanilang bahay, pero ayaw na siyang papasukin ng mga guwardiyan sa subdivision nila Rina. Kung ilang beses niya ring tinawagan ang cellpone number ni Rina, pero ang laging sinasabi sa kabilang linya ay “not accessible and cannot be reached”. Dahil hindi niya magawang makausap si Rina ay tila mas lalo pa siyang naging miserable. Halos ang buong araw niya ay nauubos lamang at nagugugol sa pag-iyak at pagkatulala.

“Hanggang dito na lang ba talaga ang lahat sa atin, Rina? Hanggang dito na lang ba…”, ang minsan ay nasabi ni Robert sa kawalan habang siya ay nakatulala naman at napapaluha.

Pero hindi lang si Robert ang labis na naghihirap sa kanilang biglaang paghihiwalay, dahil maging si Rina din ay naging masyadong miserable matapos ang gabing iyon. Bagamat maganda na ang trato sa kanya ng asawang si Andy na kadalasan pa nga ay parang prinsesa pa ang turing sa kanya ay tila ang lungkot-lungkot niya parin. Madalas ay bigla na lamang siyang napapaluha ng walang patid sa tuwing maaalala niya si Robert at ang mga maliligaya nilang sandalis sa piling ng isa’t isa. May mga pagkakataon na kahit na paano niya pa piliting maging masaya ay nagiging napakalungkot niya parin sa tuwing sasagi sa isipan niya si Robert. Para bang sa pakiwari niya, sa pagkawala sa buhay niya ni Robert ay nawala na rin ang pinakamahalagang bahagi nito. Isang bahaging tila tanging nagbibigay sa kanya ng kaligayahan at kasiyahan. Pinilit niyang hagkan ang buhay sa piling ng ngayo’y nagbabago na niyang asawang si Andy pero sa pakiwari niya ay tila napakahirap pala. Ito ay dahil patuloy parin siyang binabagabag ng multo ng nakaraan at pag-iiibigan nila ni Robert. Gusto niyang maging mabuti at maging tapat na asawa muli kay Andy, pero tila may malaking bahagi sa puso niya ang patuloy na nangungulila at naghahanap at nag-aasam kay Robert. Tila ba sa pakiwari niya ay hindi na niya magagawa pang magmahal uli ng katulad ng pagmamahal niya para kay Robert.

Nang minsang lungkot na lungkot na talaga ang pakiramdam ni Rina ay naisipan niyang buksan uli ang cellphone na bigay sa kanya ni Robert na matagal na rin niyang pinatay. Sa pagbukas niyang muli sa naturang cellphone ay nalulungkot at naluluha niyang binasa ang mga mensahe sa kanya dito ni Robert. Tila bumalik pa nga sa isipan niya ang mga pagkakilig na nararamdaman niya habang nababasa niya ang mga love quotes na ipinapadala sa kanya ni Robert. Pero maging ang mga simpleng hi at hello na mensahe ni Robert ay nagpapakilig din sa kanya. Sa goodmorning message ni Robert ay tila nagiging maganda na kaagad ang buong araw niya. Sa goodnight message naman nito ay tila napapahimlay siya sa sobrang pagka-inlab. Tila gusto niya tuloy bumalik sa panahon na sila pa ni Robert at sila ay nagsasalo pa ng tila walang kasing wagas na pagmamahalan kahit pa nga bawal at mali ang relasyong meron sila.

“Robert… Robert…”, ang naluluhang bulong ni Rina habang siya ay lihim na tumatangis matapos muling mabasa ang mga dating mensahe sa kanya ni Robert sa cellphone.

Sa gitna ng tila pagtangis na ito ni Rina ay labis siyang nagulat nang bigla na lamang mag-ring ang cellphone na hawak niya. Sa screen nito ay nakita niyang si Robert ang tumatawag. Binalak niyang muling patayin ang binuksan niyang cellphone upang maputol na ang tawag ni Robert, pero sa hindi niya maintindihang bagay ay bigla niyang sinagot ang tawag. Bagamat sinagot niya ay hindi siya nag-hello. Siya ay nakinig lang sa kabilang linya. Sa pakiramdam niya ay naroon pa ang excitement niya sa isiping muli niyang maririnig ang boses ng pinakamamahal na lalaki.

“Hello! Please, Rina! Huwag mong ibaba! Gusto lang kitang makausap. Kahit sandali lang, Rina. Please!”, ang tila pagmamakaawa ni Robert kay Rina sa kabilang linya sa basag at garalgal na tinig.

Naluluha ay napapapikit si Rina na para bang iniisip kung dapat pa nga ba siyang makipag-usap kay Robert. Sabi ng kunsensiya niya ay huwag na niyang kausapin pa si Robert upang tuluyan nang maputol ang dati nilang ugnayan. Pero meron kung ano sa puso niya ang tila napakalakas ang pagnanasa na muli niyang kausapin si Robert kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon. At ang kung anong ito sa puso niya ang tila nangibabaw.

“Okay, Robert. Pero isang minuto lang. Tama na, Robert. Tigilan na natin ito. Wala rin itong patutunguhan. Tanggapin na lang natin na hindi talaga tayo maaring mag-ibigan…”, si Rina na tila itinataboy na palayo si Robert.

“Maari ba tayong magkita kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon lang? Please, Rina! Gusto lang kitang makita sa huling pagkakataon at pagkatapos nito ay hindi na kita guguluhin pa. Please! Pumayag ka na!”, si Robert na nagmamakaawang sila ay muling magkita ni Rina.

Muli ay napapikit si Rina na para bang tinitimbang at tinatantiya kung ano ba ang dapat niyang maging desisyon sa pakiusap at pagmamakaawa sa kanya ni Robert. Muli ang sabi ng kunsensiya niya ay mali ito dahil baka may mamagitan na naman sa kanila ni Robert sa kanilang muling pagkikita. Pero muli rin ay may kung ano sa puso niya ang naghahangad na muling makita si Robert kahit sa kahuli-hulihang pagkakataon. At sa muli na namang pagkakataon ay ang kung anong ito sa puso niya ang nangibabaw.

“Sige, Robert! Bukas ng tanghali. Sa may art exhibit sa Mega Trade Hall. Sige na at baka magising pa ang asawa ko. Bukas na lang!”, ang tila pagpayag ni Rina na sila ay magkita ni Robert sa kahuli-hulihang pagkakataon.

“Salamat, Rina! Salamat!”, si Robert sa kauna-unahang pagkakataon ay tila biglang naging masigla ang tinig.

Nang matapos si Rina sa pakikipag-usap kay Robert sa cellphone ay napaluha siya nang napaluha na para bang ang lungkot-lungkot at ang sakit-sakit ng pakiramdam niya.

“Bukas na mabibigyan ng closure ang lahat sa atin, Robert… Bukas na…”, ang naluluhang bulong ni Rina habang yakap-yakap ang cellphone.

Lingid naman sa kaalaman ni Rina ay gising palang nakikinig sa kanya ang asawang si Andy at kinakikitaan ang mukha nito ng sobra-sobrang galit…

KabetWhere stories live. Discover now