Chapter 22:

3.6K 33 0
                                    

Inakala ni Robert na ang pagkakabuntis at tila pagkakasira ng buhay ng paborito niyang kapatid na si Lenny ang pinakamalaking trahedyang puwedeng dumating sa kanyang buhay, pero may mas matindi pa palang trahedya na sa buhay niya’y nakatakdang dumating. Ito ay nangyari nang isang madaling araw na siya ay gisingin ng sunud-sunod na mga pagkatok sa pintuan ng kanilang tirahan. Mula sa pagkakahiga sa kanyang langitngiting papag ay agad siyang bumangon upang silipin kung sino ang kumakatok ng walang humpay sa kanilang pintuan. Nang tignan niya kung sino ito ay nabatid niyang ito ay ang isa sa mga kabarkada ng kapatid niyang si Rommel na si Melvin.

“O Melvin! Napasugod ka! Wala pa dito si Rommel e. Paniguradong kasama na naman nung ungas na iyon sila Terry.”, bati ni Robert kay Melvin nang makita ito.

“Kuya Robert! Si Rommel!”, si Melvin sa naghahabol ng hininga at halos hindi makapagsalitang tinig.

“Ano si Rommel? Ano nangyari kay Rommel? Putang ina, Melvin! Magsalita ka! Ano nangyari kay Rommel?”, ang nag-aalala nang tanong ni Robert kay Melvin.

Bago magsalita ay napatangis pa ng husto si Melvin.

“Kuya Robert! Si Rommel! Wala na si Rommel, Kuya Robert! Wala na siya!”, ang bigla ay pahayag ni Melvin kay Robert sa tumatangis na tinig.

“A-ano bang sinasabi mo? Paano mangyayaring wala na si Rommel? E kanina lang ay nagpaalam siyang may pupuntahan kasama si Terry. Nagbibiro ka lang hindi ba? Sabihin mong nagbibiro ka lang! Sabihin mo! Putang ina!”, si Robert na tila ayaw maniwala kay Melvin na wala na ang nakababatang kapatid niyang si Rommel.

“Pero wala na talaga si Rommel, Kuya Robert. Kani-kanina lang ay natagpuan ang duguang bangkay niya sa may Bagong Ilog. Puno ito ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ang haka-haka ng mga pulis ay kasapi siya sa sindikato ng droga! Wala na siya, Kuya Robert! Wala na si Rommel!”, si Melvin na tila pilit ipinapaintindi kay Robert na wala na ang nakababatang kapatid nito.

Bigla naman ay nangalit si Robert at sa nakakabiglang paraan ay itinulak niya si Melvin pasandal sa sahig at saka niya ito kinuwelyuhan at itinaas.

“Sabihin mong nagbibiro ka lang! Sabihin mong hindi totoong wala na si Rommel! Nagbibiro ka lang hindi ba? Nagbibiro ka lang! Putang ina! Sabihin mong nagbibiro ka lang! Sabihin moooo!!!”, si Robert na tila hindi talaga matanggap ang katotohanang wala na ang nakababata niyang kapatid na si Rommel.

“P-pero ‘yun talaga ang totoo, Kuya Robert. Wala na si Rommel… W-wala na siya…”, si Melvin sa naluluha at kabang-kabang tinig.

Nangangalit ay itinulak ni Robert pabagsak sa sahig si Melvin at pinagsusuntok niya ng pinagsusuntok ang pader na parang isang taong nababaliw. Nang mapagod sa pagsuntok sa pader ay inilugmok niya na lang ang mukha niya dito.

“Putang inaaaaaaaa!!!!!!!!!!!!!! Rommel!!!!!”, si Robert sa humahagulhol na pasigaw.

Awang-awa ay tinignan na lamang ni Melvin ang tila labis-labis na paghihinagpis na ito ni Robert.

Kinagabihan ay makikita si Robert na napakatamlay na nakaupo sa isa sa mga upuan ng chapel ng Quioge Funeral Homes, isang pamosong punerarya sa may Rotonda, Pasig. Dito sa chapel na ito kasalukuyang nakaburol ang bangkay ng nakababatang kapatid ni Robert na si Rommel. Sa tabi ng ataul ni Rommel ay makikita si Aling Lena na tila walang humpay sa pag-iyak habang yakap-yakap ang ataul. Sa may labasan naman ay makikita ang panganay sa magkakapatid na si Wacky na payosi-yosi habang kausap ang tila mga barkada at kainuman nito. Sa bandang likurang upuan naman ng chapel ay makikita si Lenny na iyak din ng iyak habang tila pinapatahan ng nobyo nito. Makikita din ang pagdating at pag-alis ng mga kasamahang kolboy ni Robert sa naturang chapel upang makiramay sa kanya. Pero ang talagang bahagyang nagpasaya kay Robert sa mga nakiramay sa kanya ay walang iba kundi ang pinakamamahal niyang babae na si…Rina!

Gayun na lamang ang kanyang pagkagulat nang bigla niyang mamataan ang pagdating sa naturang chapel ng isang napakapamilyar na babae. Mula sa matamlay at halos walang buhay niyang pagkakaupo sa isa sa mga upuan ng chapel ay napatayo siya at halos hindi makapaniwalang napatitig sa naturang babae.

“R-rina…”, si Robert na halos hindi mapaniwalaan ang nakikita.

Patakbo ay sinalubong ni Robert si Rina at nang magpang-abot ay nagyakapan sila ng anong higpit. Halos mapahagulhol pa nga si Robert habang kayakap si Rina.

“Condolence, Robert! Condolence…”, ang naluluhang pakikiramay ni Rina kay Robert.

“Dito ka lang sa piling ko, Rina… Dito ka lang… Damayan mo lang ako… Damayan mo lang ako sa napakalungkot na sandaling ito ng aking buhay…”, pagtangis ni Robert habang dinadama ang mga yakap ni Rina.

Sa gitna naman ng tagpong ito ay mapapansin ang pagkakatinginan at pagkakatanguan ng ina ni Robert na si Aling Lena at ni Rina. Mula sa pakikipagyakapan kay Robert ay sandaling lumapit at tumingin si Rina sa nakaburol na si Rommel at pagkatapos ay nalulungkot niyang niyakap ang ina ni Robert na si Aling Lena. Pagkatapos nito ay umupo siya sa isa sa mga upuan sa chapel katabi si Robert. Habang nakaupo siya ay mapapansin na nakadantay lamang sa balikat niya ang tila napakalungkot talagang si Robert.

“Nitong mga nakaraang araw ay puro na lamang trahedya ang dumarating sa buhay ko, Rina… Una ay ang pagkakabuntis ng maaga at pagkakasira ng buhay ng paborito at bunso kong kapatid na si Lenny. Tapos ngayon naman… Ngayon naman ay ang biglaang pagpanaw ng isa ko pang kapatid na si Rommel… Napakabata pa niya, Rina… Napakabata pa niya para mamatay! Marami  pang puwedeng mangyari sa buhay niya. Marami pa siyang puwedeng magawa. Puwede pa niyang maituwid ang maling landas na tinatahak niya. Pero ngayon… Putang ina! Pero ngayon ay wala na siya! Wala na siya, Rina! Wala na siya…”, ang tila pagsasabi ni Robert kay Rina ng kanyang mga sentimyento.

“Ilabas mo lang lahat ang mga sama ng loob at hinanakit mo, Robert! Nandito lang ako para damayan ka. Ngayong gabi ay dito lang ako at hinding-hindi kita iiwan…”, ang tila pagkalinga naman ni Rina kay Robert.

“Salamat, Rina… Salamat…”, si Robert na tila labis na naa-appreciate ang pakikiramay at pagkalinga sa kanya ni Rina.

KabetWhere stories live. Discover now