Chapter 12:

7.6K 60 0
                                    

Habang tumatagal ay lalo pang nagiging malamig at malupit ang pagtrato kay Rina ng asawa niyang si Andy. May mga panahon nga na tila hindi na niya makayanan pa ang pagiging sarkastiko ng kanyang asawa, na para bang nais na niyang dito ay humiwalay. Pero saan nga ba siya pupunta pagkatapos ng nakakabatong pakikisama niya at pakikibagay sa isang asawang tila isa lamang maruming basahan ang trato sa kanya? Alam niyang kapag umalis siya sa walang kabuluhang pagsasama nila ni Andy ay maaring maging isa na lamang siyang basurang pakalat-kalat sa gitna ng lansangan. Siya na walang anumang alam at walang kamuangan sa pag-ikot at pangyayari sa mundong ibabaw. Siya na pinaniwala ng lipunang ito na isa lamang tangang maybahay na dapat maging sunud-sunuran at martir sa kanyang barakong asawa. Kaya kailangan niyang pagtiisan at tanggapin ang lahat kahit na hindi na niya kaya pang masikmura at lunukin ang pagsasamang kanyang kinabibilangan. Ang pagiging sarkastiko ni Andy. Ang patuloy na paggawa sa kanyang tanga at martir ng sitwasyon at pagkakataon. Ang nakakabatong buhay may asawa niya. At ang asawa niyang tila isang alipin lamang ang tingin at turing sa kanya. Para siyang isang preso na maaring piliing maging malaya pero mas pipiliin ang pagkakapait, sa kadahilanang wala nang anupamang buhay ang sa kanya ay naghihintay sa buhay-laya.

Siguro nga ay winasak na ang buong pagkatao ni Rina ng pagsasamang kanyang kinabibilangan. Ng kanyang pakikisama sa isang tipikal na asawa sa lipunang kanyang ginagalawan. Nawala na sa kanya ang kakayahang makapagdesisyon ng malaya at makahulugan. Tila hindi na niya alam kung paano maging isang indibiduwal na mamamayan sa lipunan, na may sariling halaga at pagkataong di puwedeng nakawin ng sinuman. Siya ay isa na lamang asawa na pag-aari ng kung sino. Walang sariling pangalan. Walang angking pagktao. Walang malinaw na halaga at esensiya sa lipunan. Ganito na marahil siya naging kanakakaawa matapos niyang mag-asawa. Katulad ng libo-libong babaeng nag-asawa nung nakaraang panahon ay isa na lamang siyang miserableng maybahay na sa araw-araw ay umaasang gaganda rin ang trato sa kanya ng kanyang hunghang na asawa. Kasabay marahil ng pagbibigay niya ng kamay niya sa kanyang asawa noong hingin nito ang kanyang kamay ay ibinigay niya na rin dito ang kanyang buong pagkatao at dignidad bilang tao. Na para bang ang kasal nila ay isang kasunduan sa pagitan ng amo at ng alipin sa isang Caste System na lipunan.

“Tatanga-tanga ka! Kailan ka ba matututo babae ka?! Palagi na lang ba kitang tuturuan?!”, si Andy na binubulyawan na naman si Rina dahil lamang hindi tama ang kulay ng long sleeve na naibigay nito sa kanya.

“P-pasensiya na. Nalimutan ko kasi na asul pala ang isinusuot mo kapag Martes...”, ang nauutal-utal pa sa kabang paghingi ng tawad at pagtanggap ni Rina sa pambubulyaw sa kanya ng asawa.

“Pasensiya! Pasensiya! Ang kailangan ko ‘yung matuto ka! Hindi ‘yang pasensiya mo! Walang naitatama ang pasensiya! Tonta!!”, si Andy na patuloy parin sa pambubulyaw kay Rina.

Sa puntong ito ay nagsimula nang tumulo ang mga luha ni Rina katulad ng madalas mangyari sa ganitong eksena nila ni Andy. Sisinga-singa ay pilit niyang pinapahid ang tila di mapatid na mga luha mula sa kanyang mga mata. Pero parang wala lang sa kanyang asawa ang makita na siya ay lumuluha. Nanonood lang ito na tila nasisiyahan pa sa tanawing nagagawa nitong paulit-ulit na saktan ang damdamin ng asawa. Maya-maya pa ay bigla na lamang aalis si Andy ng walang paalam at padabog pang isasara ang pinto. At si Rina ay muling maiiwang naghihinagpis at labis na lumuluha. Isang eksenang tila paulit-ulit na lang nangyayari, na tila ba eksena sa isang pelikula sa DVD na nirerewind ng paulit-ulit.

“Bakit, Andy...?? Bakit palagi mo na lang akong ginaganito...?? May pagkakataon na ba sa buhay mo na tinignan mo ako bilang isang kaparehang makakatuwang mo sa iyong buhay sa gitna ng hirap at ginhawa at hindi isang asawang puwede mong gawing alipin at parang isang de susing robot na sunud-sunuran? Minahal mo nga ba akong talaga...??”, ang paghihinagpis ni Rina habang pinagmamasdan ang papaalis na oto ng asawa.

KabetWhere stories live. Discover now