Chapter 10:

9.1K 65 0
                                    

Nang minsang mag-grocery si Robert sa SM Supermarket ng SM North Edsa kasama ang paborito niyang kapatid na si Lenny ay hindi niya inaasahan ang tila isang muling pagtatagpo sa kung sinong labis niyang inaasam-asam. Linggo ito ng hapon at sila ni Lenny ay namimili sa naturang grocery na pang dalawang linggong stock nila sa bahay. Napupuno pa nga ang itinutulak nilang cart ng two bottles of Nestle Fresh Milk 500  liter, fourteen packs of vegetable salads, two packs of Skyflakes Flaxseed biscuits, fourteen bottles of Fit N’ Rite juices, three pack of Pond blackheads removal pads, one bottle of Casino hand sanitizer, one pack of Cleene cotton balls, one pack of Johnson N’ Johnson cotton buds, two bottle of Clear shampoo, two bottle of Clear conditioner, one bottle of Ponds skinwhitening lotion, one bottle of Johson N’ Johnson baby oil, one pack of Master oil control pads, one pack of Biolink Green Papaya whitening soap, one pack of Likas Papaya whitening soap, one bottle of Rexona roll-on, at one pack of Joy bathroom tissue. Karamihan sa mga pinamimili nila ay puro mga pang-hygienic dahil kapwa nila ito kailangan ng kapatid niyang si Lenny. Si Lenny dahil sa ito ay isang babaeng may kaartehan sa katawan at siya naman dala ng pangangailangang laging maging maganda at kaakit-akit dahil sa kanyang napiling propesyon sa buhay. Sa kanilang pamimili sa naturang grocery ay hindi sinasadyang mapatingin si Robert sa meat section ng naturang grocery. Dito ay nakita niya ang isang babaeng napakapamilyar sa kanyang paningin bagamat dalawang beses pa lamang sila nagkikita at nagkakatagpo. Muli sa pagkakakita sa naturang babae ay napapapikit at napapadilat si Robert na para bang gustong kumpirmahin kung tunay ba ang nakikita niya o isa lamang pamamalikmata. Pero hindi siya maaring magkamali sa nakikita niya. Alam niyang ang babaeng nakikita niya ay walang iba kundi si Rina…

Si Rina naman nang mga sandaling ito ay abala sa pamimili ng bibilhing manok upang magawang pang tinolang manok (putaheng paborito ng asawa niya). Hindi niya ganap na mapagdesisyunan kung leg part ba o thigh part ng manok ang bibilhin niya. Kung minsan kasi ay hindi niya malaman kung ano ang gusto ng asawa. May mga pagkakataon na thigh part lang ang gusto nitong parte ng manok at may mga pagkakataon ding leg part ang hinahanap nito. Ang masama pa ay bulyaw na katakot-takot ang aabutin niya kapag siya ay mabigong mahulaan ang inisip nito. Daig pa niya tuloy si Madame Auring sa panghuhula tuwing siya ay namimili. At ganito na naman siya sa mga sandaling ito. Litong-lito sa pagdedesisyon. “Hay! Ano nga kaya ang gusto niya para sa linggong ito? Thigh part nga ba o leg part? Hay! Litong-lito na talaga ako!”, si Rina na tila labis na talagang nalilito. Sa gitna ng kalituhan ni Rina sa pamimili ay bigla na naman niyang naisip si Robert. Isiping tila bigla na lamang sumulpot mula sa kung saan. “Hah! Bakit kaya naiisip ko na naman siya? Na tila ba nais kong siya ang sumagip sa akin mula sa kalituhan ko... Hah! Kahangalan! Paano pa nga ba siya magiging parte ng buhay ko gayung siya ay tila bahagi na lamang ng aking masayang alaala at ng aking bawat mapangarap na pantasya...”

Totoong hindi talaga iniisip ni Rina na muli pa silang magkakatagpo ni Robert at muling mabibigyang buhay ang tila umuusbong na damdamin nila para sa isa’t isa. Ang pagtitinginan nilang may kahulugan ng romansa. Pero sa isang mala-pangarap na sandali ay bigla na lamang nangyari ang sa tingin niya’y sa imahinasyon na lamang. Mula sa kung saan ay biglang may kung sinong kumalabit sa kanya at sa kanyang paglingon ay nakita niya ang lalaking laman ng kanyang mapangarap na damdamin at dahilan ng kanyang tila di maibsang pangungulila. Si Robert! Nasa harap na niya ngayon ang isang taong hinahanap ng kanyang mga mata at uhaw na damdamin. Nasa harap na niya ngayon ang lalaking iniisip niyang papawi sa tila walang katapusang kalungkutang nadarama niya. At hindi siya makapaniwala at hindi niya lubusang mapagtanto kung ano ang kaibahan ng paniginip at ng katotohanan. Para bang ang lahat ay isang kidlat na biglang tumama sa kanya sa isang napakabilis at hindi namamalayang kaparaanan.

“Kumusta na?”, unang bati ni Robert nang sila ay ganap nang magkaharap ni Rina.

Pero parang hindi magawa ni Rina na maibuka ang kanyang bibig, na tila ba ito ay nagdikit at hindi na magkahiwalay pa upang bumuka. Para bang kinain ng kanyang pagkatulala ang buo niyang presensiya nang mga sandaling ito. Ni hindi niya magawang makakilos man lang at kahit ang mga mata niya ay hindi rin niya maigalaw o maikurap. Basta nakatingin lang siya sa mukha ni Robert at tila siya ay nanalaytay sa gitna ng ilusyon at katotohanan. Isang kalituhang kay sakit sa ulo, subalit kay tamis damhin. Isang sandaling ang romansa at pantasya ay namumukadkad sa gitna ng kay pait na katotohanan. Pero bago pa niya tuluyang mahagkan ang tila mapanaginip na sandaling ito ay bigla na itong naglaho sa kabagsikan ng realidad. Isang pamilyar at nakakairitang tinig ang ganap na pumutol sa tila sandali ng kanyang romansa at pantasya.

“O darling! Matagal ka pa ba diyan?”, ang tinig ng padating na si Andy na papalapit na sa kinalalagyan ng magkatitigang sina Robert at Rina.

Matapos marinig ang boses ng dominanteng asawa ay tila nagbalik na ang kanina’y nawalang huwisyo ni Rina. At mula sa pagkakatitig kay Robert ay sa tumatawag na asawa napunta ang kanyang paningin.

“Sandali na lang, darling. Namimili lang ako ng magandang part ng chicken.”, mabilis na pagtugon ni Rina sa pagtawag at pagtatanong ng asawa.

Nang ganap nang makalapit si Andy sa asawa ay ginawaran niya ito ng isang halik sa noo. Bagay na madalas niyang gawin kapag sila ay nasa pampublikong lugar upang mapagkublihan niya sa mata ng iba ang pagiging walang kuwenta niyang kabiyak sa kanyang asawa. O mas tamang sabihing pagiging tipikal at tradisyunal niyang asawa.

Parang hindi naman mapaniwalaan ni Robert ang kanyang nakikita. Ano’t ang babaeng pinangarap niya at sinariwa sa puso’t isipan ng kung ilang gabi ay nilalambing ngayon ng isang lalaking tila dito ay napakalapit. Para bang ang pakiramdam niya nang mga sandaling ito ay bigla siyang binuhusan ng isang napakalamig na tubig sa gitna ng kanyang pagdama sa isang napakainit at napakasidhing pakiramdam.

“Ah, excuse me. Do you know my wife?”, ang isang tanong na biglang pumutol sa tila natahimik at natulala niyang diwa.

“Pardon?”, ang natugon niya na lang sa tanong ni Andy.

“Ang sabi ko, pare, kung kilala mo ba kako ang asawa ko? Kasi kanina ka pa nakatingin sa kanya e.”, ang muling pagtatanong ni Andy kay Robert.

 Sandali munang napasulyap si Robert kay Rina na tila hindi makatingin sa kanya ng diretso at pilit itinutuon ang paningin sa mga pinipiling manok. May pagtatanong at panunumbat sa mga tingin ni Robert kay Rina. Alam ni Rina ang gustong ipahiwatig sa kanya ni Robert, pero siya ay mistulang isang pipi at tuod sa harap ng kanyang dominanteng asawa, na walang magagawa kundi ang tahimik na managhoy lamang sa gitna ng kay pait na sitwasyon. At nang mapagtanto ni Robert ang reaksiyong ito ni Rina ay marahan niyang sinagot ang tanong ni Andy.

“No. I don’t think so. Para kasing may kamukha lang na kung sino ang asawa mo. Pero nagkamali pala ako. Hindi pala siya ang taong hinahanap ko. Paumanhin kung naistorbo at nagambala ko kayo.”, marahang tugon at paghingi ng paumanhin ni Robert kay Andy. Iyon lang at agad nang umalis si Robert ng hindi na sumulyap pang muli kay Rina.

Tila naman nakaramdam ng isang napakasakit na pakiramdam si Rina sa pag-alis ni Robert. Para bang ang pakiramdam niya ay parang paulit-ulit na sinasaksak ng patalim ang kanyang damdamin at kalooban habang nakikita niya ang paglalakad papalayo ni Robert. Para bang nagiging slow motion ang lahat; ang paglalakad ni Robert palayo, ang paggalaw ng mga tao sa paligid, ang pagtakbo ng oras, at ang unti-unting paghapdi ng kanyang damdamin. Sa slow motion na paraan ay nararamdaman niya ang tila pagguho ng lahat; ang kanyang buong mundo at ang bawat hibla ng kanyang pantasya’t romansa. At sa damdamin niya ay lumunod ang nag-uumapaw na luhang hindi niya mailabas sa kanyang mga mata. Lumunod dito na para bang ang lahat ng kaligayahang pinapangarap niya ay napunta at lumubog sa kailaliman ng karagatan. Tulad ng napakagandang bayan ng Atlantis na nalibing sa kumunoy ng oblibyon at pagkalimot.

Habang naglalakad naman papalayo si Robert ay sobra-sobrang sakit din ang naramramdaman niya. Isang sakit na para bang sa pakiwari niya ay kamamatayan niya sa pag-inda. Isang sakit na nanunuot hindi lamang sa mga buto kundi maging sa kaibuturan ng kanyang kaluluwang sa mga sandaling ito ay sawi at bigo. Nakakaramdam siya ng halo-halong pakiramdam. Pakiramdam ng pagkabigo, pakiramdam ng nadaya at napagkanulo, pakiramdam ng isang emosyong unti-unting namamatay at pakiramdam ng isang damdaming pinanawan ng lahat ng dahilan upang muli pang umibig at magmahal. Para bang ang pakiramdam niya ay nasa isang napakasamang bangungot siya na hindi niya matakasan dahil biglang naging katotohanan, at ngayo’y unti-unting winawasak ang buong pagkatao niya at buong damdamin. Napagtanto niyang ganito pala kasakit ang mabigo sa iyong pinapantasya. Ganito pala ang pakiramdam kapag nabatid mo ang masakit na katotohanan na ang pangarap mong romansa ay isa lamang palang ilusyon para sa mga taong nagiging hangal sa kahalagahan ng pag-ibig sa kanilang sawi at abang buhay. Na isang kabiguan lamang pala ang pag-ibig niya para kay Rina.

“Sino ang mga ‘yun, Kuya Robert?”, takang natanong ni Lenny sa kuyang si Robert nang siya ay bumalik na sa kinalalagyan nito.

“Wala. Napagkamalang ko lang kung sino.”, si Robert na tila nagpapanggap na wala lang sa kanila ang pagkakikitang muli kay Rina.

KabetWhere stories live. Discover now