Chapter 9:

9.1K 69 0
                                    

Magmula nang makita ni Robert si Rina sa naturang art exhibit sa unang pagkakataon at sa Ballroom Hall sa may Quezon City Memorial Circle sa ikalawang pagkakataon ay hindi na ito nawala sa isip niya. Paulit-ulit niyang naaalala ang pagtatagpo nilang ‘yon. Paulit-ulit na lumalarawan sa kanyang isipan ang napakaganda at napakaamong mukha ni Rina. Paulit-ulit na nahihipnotismo ang buong kamalayan niya ng mga malulungkot na mata ni Rina. Para bang may kung ano kay Rina na labis niyang kinahuhumalingan at ninanais na matuklasan.

“Gamot. Gamot. May gamot nga ba sa pangungulila? May gamot nga ba na magpapalimot sa akin sa isang babaeng bigla na lamang gumulo sa aking dati ay tahimik at payapang isipan?”, si Robert na kinakausap ang sarili habang nakahiga sa isang kama katabi ang isang matandang matronang customer.

Pero ang lingid sa kaalaman ni Robert, hindi lang pala siya ang nagdurusa at nangungulila ng labis mula nang maganap ang mga di inaasahan nilang pagtatagpo ni Rina, dahil ang malungkot na ginang din ay tila labis ang pangungulilang nadarama para kay Robert. Tulad ni Robert ay hindi na rin nawala sa isip ni Rina ang naturang binata. Sa araw-araw ay binubulabog ng mga mapang-akit na mata ni Robert ang tahimik at nakakabatong mundo ni Rina. Sa araw-araw ay tila isang multo si Robert na nakikita ni Rina sa kahit saang lugar siya tumingin. Para bang sa pakiwari ni Rina ay meron kung ano kay Robert na kailangan niyang matuklasan. Para bang ang pakiramdam niya ay hinaplos ni Robert ang pagkalamig niyang damdamin upang maging mainit at sabik sa kung anong bagay. Higit pa sa pagiging isang guwapo at makarismang lalaki ang tingin niya kay Robert. Para kay Rina, si Robert ay tila isang kupido na bigla na lamang nanahanan sa kaibuturan ng kanyang puso sa mabilis at hindi maipaliwanag na paraan.

“Ano ba itong nararamdaman ko? Bakit parang hindi ko malimutan ang lalaking iyon? Ang mapang-akit niyang mga mata… Ang guwapo at makarisma niyang mukha… Ang mga malalagkit niyang tingin na tila ba nakakahipnotismo… Alam kong hindi ito tama, pero bakit tila…unti-unti na akong nahuhulog sa kanya…???”, ang minsan ay natanong ni Rina sa sarili habang nakahiga sa kama at katabi ang natutulog na at humihilik pa ngang asawa niyang si Andy.

Bagamat tapos na ang exhibit sa Mega Trade Hall ng mga painting na ginawa niya ay tila nagpapabalik-balik parin sa lugar na ito si Robert. Sa hindi niya kasi maintindihang dahilan ay tila ba lihim siyang umaasang matatagpuan niya ditong muli si Rina. Makikitang nakatingin sa isa sa mga naka-display na painting dito at tila ba labis na namang nabibighani sa tinitignang painting. Pero nakailang balik na siya sa naturang lugar ay hindi niya nakita dito ni anino dito ni Rina. Tila ba sa pakiwari niya ay isang malaking palaisipan si Rina para sa kanya. Isang palaisipang tila nais niyang mabigyan ng paliwanag at kasagutan.

“Magkikita pa kaya kaming muli? Magkakatagpo? Muling mapupunta sa ganung sitwasyon? Na tila ba ang mga mata at mga damdamin ay nagkakaintindihan kahit pa walang anumang ilabas na salita ang aming mga labi? Sana ay masundan pa ang dalawang pambihirang pagkakataon na iyon at kami ay muling magkita’t magkatagpo. Ipinapangako kong sa muli naming pagkikita’t pagkakatagpo ay hindi ko na palalagpasin ang pagkakataon na siya ay makilala ng lubusan…”, ang nasasabi ni Robert sa kawalan habang tila labis ang pangungulila kay Rina.

Samantala, nang mga sandaling ito ng tila pangangarap ng gising ni Robert ay kasalukuyang nagluluto at naghahanda ng hapunan si Rina, nang bigla na lamang siyang mapabahin. “Hatsing!! Hah! Tila yata may nakaalala sa akin ha!”, marahang bulong ni Rina matapos mapabahin. “Sana ay siya...” At bigla ay napatingin si Rina sa kesame at dito ay iginuhit niya sa isipan ang larawan ng pogi at makarismang mukha ni Robert na ang mga mata ay nakatingin na naman sa kanya ng malagkit.

KabetWhere stories live. Discover now