Pangsiyamnapu't Siyam na Patak

8 0 0
                                    

ITO NA BA ANG DULO?

Dumating na tayo sa yugto kung saan magtatapos
Ang kwento ng dalawang taong pinagtapo.
Mahirap ang paglalagay ng tuldok,
Kukulangin ang mga salitang ipagtutugma sa dulo.

Hindi sapat ang paalam para sa mga alaalang iiwan,
Hindi sapat ang hanggang sa muli para maibalik ang dating pagmamahalan,
Paano kaya kung hanggang dito nalang?
Magagawa pa kayang ipagpatuloy ang paglalakbay?

Hindi mahanap ang tamang salitang ipagtutugma,
Upang ipagtugma ang nararamdamang hindi na tugma.
Pinapahaba ang mga pahina upang hindi pa magtapos
Ngunit hindi pa man nasusulat ay matagal nang nagtapos.

Paano isasara kung patuloy pa rin sa paghahanap ng tamang plumang
Babagay sa puting papel na nakalatag,
Naghihintay na mabudburan ng magagandang salitang
Papawi sa sakit at lungkot nang katapusan?

Magagawa kayang maging sapat ang isang daang tula
Para maibsan ang lungkot na nadarama,
Isang daang tula para mapahid ang bawat patak ng luha,
Isang daang tula para mayakap ang pusong pagod na sa laban?

Ito na ba ang sandali na magbibigay sa kaniya ng pahinga?

Isang Daang Patak Ng Tula (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon