Naalala ko tuloy na may isa kaming prof ang nagbigay sa'min ng intro, sa college hawak n'yo ang buhay n'yo, walang ibang kikilos dito kundi kayo. At sa college hindi kayo kilala ng prof n'yo at bihira na matatandaan ng mga prof n'yo ang mga pangalan n'yo kasi wala kaming pakialam kung pumasok kayo o hindi. Walang magpapaalala sa inyo ng mga dapat gawin dahil hindi na kayo high school.

Ewan ko ba pero bigla akong nagkaroon ng anxiety, kung ito man 'yung tawag sa nararamdaman ko. 'Yung palagi akong nag-aalala kapag lalabas na ako ng bahay. Pakiramdam ko kasi bawat araw ay nagiging pahirap nang pahirap ang buhay ko sa university, kahit hindi pa naman gano'n kahirap 'yung pinag-aaralan namin ay para bang hirap na hirap na kaagad ako.

Siguro... Dahil wala pa akong nagiging kaibigan, wala akong kakilala rito sa Maynila, natatakot akong magtiwala basta-basta. Sa kabila ng pangamba ay sinikap ko pa ring mag-aral ng mabuti kahit nagkakanda-puyat-puyat ako kasi mas triple pa pala ang pahirap ng mga professors kesa sa mga teachers namin noong hayskul.

Parang gusto ko tuloy ibalik ang oras noong hayskul at bawiin ang mga pagrereklamo ko, o 'di naman kaya'y hindi ko na lang dapat sineryoso masyado 'yung hayskul para mas nag-enjoy ako noon.

At siyempre, hindi ko pinapakita kay Mamang at Auntie Emily na nahihirapan ako. Hindi ko sinasabi sa kanila na hindi pa na nagtatapos ang first semester ay parang maiiyak na ako.

Mabuti na lang ay nakakausap ko pa rin sila Aiza, Burma, at Honey dahil kung hindi ay mababaliw na ako ng tuluyan. Hindi na kami makapagkita-kita dahil hindi pare-parehas ang mga schedule ng day off namin. Hindi ko sila maiwasang mamiss ng sobra at hindi ko maiwasang mainggit sa tuwing naririnig ko ang mga kwento nila na may mga nagiging kaibigan na sila at mga bagon crush.

Minsan napapatanong ako sa sarili ko kung bakit gano'n? Bakit gano'n? Bakit parang ako lang 'yung nagdudusa sa umpisa pa lang?

Hanggang sa isang araw ay hindi ko na nakayanan at binuhos ko lahat kay Quentin ng mga saloobin ko. Palagi pa rin kasi kaming magkatext, bilib nga rin ako sa kanya dahil walang sablay ang pagpapadala niya ng mga message kahit na minsan hindi na ako nakakapagreply.

Nasabi ko sa lahat sa kanya sa text ng mga frustrations at takot ko, na hindi ko magawang maopen sa kila Mamang maging kila Aiza. At siyempre, nakinig si Quentin. Iyon lang din naman ang kailangan ko, 'yung may makikinig nang walang panghuhusga.

Kaya nagulat ako noon habang nasa school ako ay biglang tumawag si Quentin.

"Uy, hello? Quentin? Bakit ka napatawag?" gulat na gulat kong sabi. Mabuti na lang ay saktong kakatapos lang ng klase ko at vacant period namin.

"I just want to check on you," sagot niya sa kabilang linya, panigurado ang ganda ng kislap ng ngiti niya. "How are you?"

"Okay naman, kakatapos lang ng class namin. Ikaw? Wala ka bang klase ngayon? Baka nagkacutting ka, ah," biro ko at natawa naman siya.

"Nope, vacant din namin ngayon. Gusto lang kitang samahan tuwing lunch, okay lang? Well... Hindi man physical akong nandiyan."

Hindi ko alam kung deserve ko ba 'yung kabutihan ni Quentin. Simula kasi noon ay siniguro niya araw-araw na okay ako sa school, tuwing lunch break ay tumatawag siya para 'sabayan' akong kumain. Ina-update niya ako sa klima sa Baguio, basta nagpapalitan kami ng mga kwento na para bang magkasama kami.

Nawala ang anxiety ko dahil sa araw-araw na 'pagsama' sa'kin ni Quentin. Hindi niya nga ako iniwan dahil walang palya ang pagtawag niya. Sabi niya pa nga, destiny ulit ang gumawa ng paraan para magtugma ang vacant schedule namin.

Lumipas ang mga linggo ay tila naging okay naman ang lahat. O sadyang nasanay nang mabugbog ang katawan ko sa biyahe at malunod sa kakainom ng kape para magpuyat sa pagrereview. Hindi ko rin kasi pwedeng pabayaan 'yung grades ko na bumaba sa quota para sa scholarship kaya pressured din ako.

Dalaga na si RemisonWhere stories live. Discover now