DALAGA 76❀

9.1K 882 1.1K
                                    

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.


MINSAN ang weird talaga ng mga utak natin, 'yung tipong out of nowhere at kahit hindi angkop sa sitwasyon ay bigla kang maalala. Katulad na lang kapag nakasakay ka sa jeep at tulala, bigla kang may maalalang nakakatawang joke at matatawa kang mag-isa kaya pagtitinginan ka tuloy ng mga kasabay mo. Mayroon ding moment kapag pinagalitan ang buong klase tapos natatawa 'yung mga kaklase mo kahit na seryoso ang sitwasyon. Minsan din naman ay kahit wala namang nakakaiyak ay bigla kang may maiisip na nakakaiyak kaya naluluha ka. Ang weird, 'di ba?

Sa kasamaang palad ay bigla akong inatake ng gano'ng phenomenon. Nakakainis ka, Remi, special moment mo 'to ngayon 'tapos talagang naalala mo pa 'yon? Nagreklamo tuloy 'yung isip ko. Bigla ko kasing naalala noong bata ako kapag kasama ko si Mamang manood ng palabas sa TV at nataong may kissing scene (mas malala kapag love scene) ang mga bida ay bigla akong naiilang, 'yung parang gusto kong magtago at ako ang nahihiya kahit na hindi naman dapat, na para bang kasalanan na makita 'yung gano'ng eksena. Bakit kaya gano'n?

Remi! Hindi mo dapat iniisip 'yan ngayon! Ano ka ba? Dahil sa paghihimutok ng utak ko'y muli akong nanumbalik sa kasalukuyan, nandito kami sa entertainment room ng mansion nila Quentin, matapos ang panghaharana niya ay para kaming magnet na automatic na naglapit at heto... magkasalo kami sa isang matamis na halik.

Pero sadyang makulit at pasaway 'yung utak ko, bigla na namang lumipad patungo sa malayong alaala. Pumasok sa isip ko 'yung memorya na nanghingi siya ng kiss kapag hindi ko siya nabigyan ng ulap. Pagkatapos ay naalala ko naman 'yung tagpuan namin sa sira-sirang bahay kung saan binitawan niya ang pangako niya na may kasama ring munting halik.

Kung ikukumpara ngayon ay parehas na naming nalampasan ang mga inosenteng araw na 'yon—iba ang pakiramdam ko ngayon dahil ito ang totoong unang halik naming dalawa.

Akala ko hindi totoo at OA lang 'yung mga nababasa kong deskripsyon sa mga pocket book na nababasa ko noon tungkol sa ganitong karanasan pero hindi pala. Katulad ng mga nabasa ko noon sa mga libro ng pag-ibig—parang may mga paruparo sa aking sikmura, magical, para kang lumulutang sa langit.

Pero ang nangibabaw? Sobrang kaba. Pakiramdam ko'y para akong ice cream na unti-unting nalulusaw dahil sa init. Nang maramdaman ko ang pagkakahawak niya sa'kin, marahan, maingat na parang isang babasaging pigurin, saka ko napagtanto kung gaano kabanayad at dahan-dahan ang labi niya na parang gumagabay.

Hindi siya bumitaw sa pagkakahawak sa'kin nang maghiwalay kami, saka lang ako dumilat at sumalubong ang kumikislap niyang mga mata at ngiti.

Nang maalala ko ang mga pinag-iisip ko kanina kasabay ang halo-halong emosyon ay bigla akong natawa. Automatic humaba ang nguso niya at kumunot ang noo.

"Bakit mo na naman ako pinagtatawanan?" parang bata niyang tanong, kunwari'y napipikon.

Umiling ako. Masyadong kumplikado kung ipapaliwanag ko sa kanya, at isa pa hindi naman 'yon mahalaga. Biglang kumalam nang malakas ang sikmura ko at sa pagkakataong 'yon ay sabay kaming natawa.

Dalaga na si RemisonWhere stories live. Discover now