2| Chapter 11: Past

247 18 0
                                    

NADATNAN kong nakasandal sa isang malaking puno si Perce nang dumating ako sa kakahuyan. Ang punong iyon ay nasa dulong bahagi ng pinaglagyan ng protective shield. Iyon palagi ang punong pahingahan at tambayan niya kapag nadadatnan ko siya rito. Parang kulang na nga lang ay lagyan niya ng pangalan ang punong iyon para kanyang-kanya na.

Kagagaling ko lang kina Mang Franklin para ipagawa ang nasira naming radyo. Balikan ko na lang daw iyon sa Miyerkules, sabi niya.

Mag-isa lang akong nagpunta roon kasi wala si Kael sa kanila. Sabi ni Tiya Melda, sinundo raw si Kael ng kanyang ama kagabi at wala raw sinabi kung saan sila pupunta at kailan siya uuwi. Hindi naman ako nakaimik nang tanungin ako ni Tiya Melda kung may nabanggit ba si Kael sa akin tungkol doon. Walang sinabi si Kael sa akin. At mukhang hindi naman biglaan ang pagsundo sa kanya ng kanyang ama kasi sabi ni Tiya Melda, nakahanda na ang bag niya nang dumating ito.

Napabuntong-hininga na lang ako. Pinanatag ko na lang ang sarili ko na may dahilan si Kael kaya hindi niya sinabi sa akin na aalis siya. Siguradong uuwi rin siya agad sa baryo namin kasi may isang linggo pa bago ang sembreak namin.

Natigil ako sa malalim na pag-iisip nang maramdamang may palasong tatama sa ulo ko kaya mabilis akong yumuko. Marahas kong inangat ang ulo ko matapos dumaan ang palaso at masamang tinitigan si Perce. May hawak siyang pana at nakangising nakasandal sa puno.

Mabuti na lang matalas ang pakiramdam ko, kung hindi baka patay na ako ngayon.

"Hindi kita kayang patayin, Ellis. May taong nakatadhanang gumawa no'n," nakangising sabi ni Perce.

Sinamaan ko lang siya ng tingin at hindi kumibo. Palagi niya iyong sinasabi sa akin. Pero kapag tinatanong ko siya kung sino ang taong nakatadhanang papatay sa akin, hindi naman niya ako sinasagot.

"Kailangan nilang patayin ang anak mo para mapagharian ang buong mundo."

Bigla ko na namang naalala ang sinabi noon ng ama ni Perce. Siguradong may alam si Perce pero imbes na sabihin sa akin ang nalalaman niya, nagbibigay lang siya ng mga babala. Baka nga magulat na lang ako, isang araw, nasa harapan ko na pala ang taong nakatadhanang papatay sa akin 'tapos wala akong kaalam-alam na siya na pala ang taong iyon.

"Ililigtas naman kita, Ellis," turan ni Perce, parang sinasagot ang mga bagay na naglalaro sa isipan ko.

"Paano mo ba nababasa ang isipan ko, Perce Gerret?" nagtataka kong tanong sa kanya. Sigurado kasi ako na nakasirado ang isipan ko.

"Hindi ko nababasa ang isipan mo, Ellis. Alam ko lang ang takbo ng utak mo." Ngumisi siya. "Gumagaling ka na. May tamang koordinasyon na lahat ng senses mo."

Napalabi na lang ako dahil sa narinig na papuri mula sa kanya. Ang lahat ng iyon ay dahil sa pabigla-bigla niyang pag-atake sa akin. Nagiging maingat ako kapag kaharap ko siya.

"Para saan ang pag-eensayo natin ngayon, Perce?" pag-iiba ko.

Pero imbes na sagutin ako, lumapit siya sa akin at itinuro ang mga palad kong may benda. "Hindi mo ba ginamot ang sarili mo, Ellis?"

Hinawakan niya ang kaliwang palad ko at inalis ang telang nakatali rito. Tinitigan niya ang mga sugat ko habang nakataas ang mga kilay. Agad ko namang hinila ang kamay ko at umiwas ng tingin.

"Naubos na kasi ang gamot na ibinigay ni Tres sa 'kin. Nahihiya naman akong humingi ulit," sagot ko.

Hindi pa naghihilom ang mga sugat ko dahil sa ensayo kahapon. Nang dalawin ko rin si Bryan Wale kagabi sa dating bahay nila Kael, nadatnan ko siyang ginagamot sa sugat niya ang natitirang gamot kaya hindi na ako nakahingi kahit kaunti lang sana. Naghihilom na ulit ang sugat niya. Sa lumipas na mga araw, wala rin akong nararamdamang presensya ng La Oscuridad sa baryo namin.

She is the Light (BOOK 1-3)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang