1| Chapter 2: Farewell

3.2K 94 0
                                    

MAS MINABUTI kong umalis nang maaga sa bahay para mangaso noong sumunod na araw. Hangga’t may pagkakataon pa akong gawin ang mga nakasanayan kong gawin at hangga’t nandito pa ako sa baryo namin, lulubus-lubusin ko na ito. Tiyak kasi na mami-miss ko ang mga ito sa pag-alis ko. Paniguradong ibang-iba ang bago kong titirhan sa lugar na kinagisnan ko. Kasi kapag kinuha na nila ako, hindi ko na mapupuntahan pa ang kakahuyan at hindi ko na magagawa pa nang malaya ang mga nakagawian ko sa pang-araw-araw.

Inilibot ko ang paningin sa kakahuyan at pinagmasdan ang buong paligid na naaabot ng paningin ko. Saksi ang kakahuyang ito sa halos lahat ng mga pangyayari sa buhay ko. Halos dito na umikot ang buong buhay ko. May masasamang alaala, pero mas marami ang binabalikan kong masasayang alaala. Kahit papaano kasi kapag nandito ako, pakiramdam ko ligtas ako dahil natatakpan ako ng makakapal na dahon ng mga puno ng kakahuyang ito. Ligtas ako mula sa mundo, at mula sa sarili ko.

"Ellis! Ang aga mo ‘ata!"

Nilingon ko ang lalaking nagsalita sa likuran ko, ilang metro ang layo sa kinatatayuan ko. Agad ko siyang kinawayan at malapad na nginitian.

Kael.

Si Kael Dewey, ang nag-iisa kong kaibigan at palagi kong kasangga mula pa noong mga bata pa kami. Lagi siyang nandiyan at tinutulungan ako sa tuwing hindi ko makontrol ang sarili ko noon. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na niyang iniligtas ang buhay ko. Bukod sa mga magulang ko, siya lang ang taong nakakaalam ng totoong pagkatao ko at tanggap niya kung ano ako. Iyon din siguro ang dahilan kung bakit siya lang ang natatanging kaibigan ko. Natatakot kasi akong papasukin ang ibang tao sa buhay ko dahil baka hindi nila ako matanggap, lalong-lalo na ang totoong ako.

"Kael! Nandito ka na pala. Kumusta ang kabilang bayan? Mas maganda na ba roon kesa sa atin?"

Nilapitan ko siya at malawak na nginitian. Nang natapos ang pag-uusap namin ng aking ina kahapon, hindi na ako lumabas pa ng bahay dahil maghapong umulan. Kaya hindi na ako nakapasyal pa sa kanila kahapon para sana kumustahin siya.

"Aww. Ang sakit naman no’n, Ellis! Ang kabilang bayan pa talaga ang mas una mong kinumusta kesa sa‘kin, ha? Hindi mo man lang ba ako na-miss?" ma-drama niyang sagot saka ngumuso.

Kinurot ko ang tagiliran niya dahil sa ka-OA-yan niya. Nagsisimula na naman siya.

"Ang drama mo, Kael. ‘Wag ka ngang ngumuso r’yan, nakakadiri kang tingnan,” pang-aasar ko pa. Mas humaba pa lalo ang nguso niya kaya natatawang hinila ko na lang siya. “Halika na nga!"

Nag-unahan kaming dalawang tumakbo patungo sa pusod ng gubat. Nauuna siya kaya mas binilisan ko pa ang pagtakbo ko. Maririnig sa buong kakahuyan ang tawanan namin.

Ganito palagi ang ginagawa namin kapag nasa kakahuyan kami. Nag-uunahan kami sa pagtakbo, maging sa paghuli ng mga ligaw na hayop. Minsan pa nagkakasubukan din kami sa pag-akyat ng mga puno at paramihan ng makukuhang mga bungang prutas. At ang matatalo sa aming dalawa ang siyang manlilibre ng bananacue na ibinibenta ng kapitbahay namin— na palagi namang ako.

Malaki ang pasasalamat ko kay Kael sa lahat ng naitulong niya sa akin at sa pamilya ko, pati na rin sa pagpaparamdam sa akin na hindi ako naiiba, na normal lang din akong tao, na normal lang ang mga tulad ko. Tanggap na tanggap niya kung ano talaga ako.

Pero ngayon, hindi ko alam kung papaano ko sasabihin sa kanya ang natanggap kong sulat. Natatakot kasi ako sa magiging reaksyon niya. Katulad kaya kami ng magiging reaksyon? O katulad ni Nanay na iniisip nilang ito ang mas makakabuti para sa akin?

Isa pa, hindi ko rin siya kayang iwanan. Kung magiging matapat ako, hindi ko alam kung anong gagawin ko sa buhay ko kung wala si Kael. Simula kasi noong nangyari ang insidente noon, dumepende na ako sa kanya. Kaya ngayon, isipin ko pa lang na malalayo ako sa kanya, hirap na hirap na ang kalooban ko. Nasasaktan akong isiping magkakahiwalay kami.

She is the Light (BOOK 1-3)Where stories live. Discover now